Tinatawag na diwata ang mga kababaihang naninirahan sa Elementalya, engkanto naman para sa mga lalaki. Ito ay tanda ng pagkakakilanlan ng mga makapangyarihang nilalang katulad namin na naninirahan sa daigdig na ito.
"Huwag kang mag-alala, Alon, maya-maya lang ay magkakaroon na ulit siya ng diwa." Rinig kong wika ng isang matanda.
Malakas ang ingay na nililikha ng dagat kaya tuluyan na akong nagising. "Huwag ka munang bumangon." Inalalayan ako ng engkantong nakasalamuha ko kanina.
"Nasaan ang aking kwintas?" Tanong ko sa kaniya.
Ang kaninang kulay pula na bumabalot sa dinaraanan ko ay tila humupa, napalitan na ito ng kulay berde. Ibig sabihin, kami ay nasa Bayan ng Tubig, sa lugar ng mga elementadong tubig.
"Bukod sa mga apoy, mag-iingat ka rin sa mga elementadong tubig. Kagaya ng tubig sa dagat, malalim ang kanilang kakayahan. Marami silang talento na hindi pa nalalaman. Ang iba ay kanila nang natutuhan ngunit para sa kanilang kaligtasan, ito'y kanilang pilit na nililimutan."
Agad kong naalala ang payo sa akin ni Ina. Kung mayroon nga raw makakatalo sa lakas ng apoy, ito ay ang presensya ng tubig. Kaya kailangan kong mag-ingat sa engkantong ito.
"Anong kwintas ang 'yong tinutukoy?" Halos mabasag ang mga bola ng tubig na nasa paligid namin dahil sa aking paghahanap.
Binuklat ko na lahat ng gamit dito, maging ang gamit na dala ni Alon ngunit wala akong nakitang kahit anong bakas ng aking kwintas.
Imposible! Hindi kaya naiwan namin ito sa kagubatan kanina?
"Diwata, inumin mo muna ito upang mawala ang galos na ibinigay sa'yo ng kabayo nitong si Alon. Gawa 'yan sa katas ng tinunaw na perlas mula sa kailaliman ng dagat." Wika ng matanda.
Ang matatandang diwata sa bayan ng tubig ang isa sa mga kinikilalang pinakamagaling na manggagamot sa buong Elementalya. Ang ilan pa sa kanila ay hindi na kinakailangang gumamit ng kahit ano upang magpagaling, tanging ang mga haplos lang nila ang kailangan at gagaling na ang sinumang hahawakan nila.
Sinasabi kasing ang mga sinaunang elementadong tubig ay hinulma mismo mula sa luha ng Reyna ng karagatan. Hindi katulad ng mga bagong manggagamot ngayon na nagmula lamang sa kanilang mga magulang, sa bagong henerasyon ng mga tubig.
"Pinagpala! Aalis na rin po ako." Matapos magpasalamat ay tumayo na ako at tinungo ang daan palabas ng kwebang kinaroroonan namin.
"Diwata, mag-iingat ka sa misyon mo." Pahabol na turan ng matandang diwata.
Tanging tango na lamang ang isinukli ko. Kailangan ko nang magmadali upang balikan ang kwintas at magtungo sa Punong Palasyo.
Nalalapit na ang pag-lubog ng araw, ibig sabihin ay ilang oras na lamang ay magsisimula na ang pagpili para sa mga elementadong magiging isa sa gagawing pagsasanay.
"Diwata, sandali!" Sumunod pala sa akin si Alon. "Saan ka ba tutungo? Kung iyong pahihintulutan, maari ba kitang ihatid? Nais ko lamang makabawi sa pinsalang idinulot namin sa'yo ng kabayo ko." Bumaba siya sa kaniyang alaga upang sumabay sa paghakbang ng mga paa ko.
"Pinagpala! Hindi na kailangan, may nais lang akon--" Naisip kong mas mapapadali ang paghanap ko sa kwintas kung magpapatulong ako sa kaniya.
"Sigurado ka bang dito mo naiwala ang 'yong kwintas?" Tanong ni Alon habang walang tigil na hinuhukay ang mga nagkalat na dahon sa paligid.
"Oo." Wika ko nang hindi siya tinatapunan ng tingin.

BINABASA MO ANG
ELEMENTO
FantasyMagtagumpay kaya si Iwa, isang babae, na basagin ang tradisyon ng kanilang daigdig na tanging kalalakihan lamang ang may kakayahang mangalaga ng bato ng mga elemento? Ating sundan ang kaniyang kwento.