Chapter 12

2 0 1
                                    

Sinabihan niya lang naman ako na magiging partner ko siya. Hindi niya naman ako sinabihan na magpapalundag nang sobra sa puso ko para tumambay siya sa isip ko at hindi ako patulugin.

Pero kahit ganoon, hindi ako nakatulog nang maayos. Nakatulugan ko na lang na gumagawa ng pekeng senaryo kasama siya. Na napakalaking imposible mangyari.

"Nakahanap ka na ba ng bago mong tuturuan? P'wede kitang i-suggest sa kaklase ko. Babae."

Tumingin ako kay Zeus napahinga nang malalim. Kailangan ko na magkaroon ng bagong tuturuan. Ayokong kapusin kami. Gusto kong nakakain pa rin kami ng tatlong beses sa isang araw kahit ang hirap na.

"Saturday and Sunday nga lang. Minsan maarte pa 'yon."

"Titingnan ko," sabi ko na ikinatango niya.

Pumasok sa isip ko ang sinabi ni Isaiah. Seryoso ba talaga siya sa sinabi niya? Kung papayag ako, makakapunta ako sa bahay nila at makikita siya roon palagi. Maisip pa lang iyon ay kumakabog na ang dibdib ko. Baka mas lalo lang ako mahulog sa kaniya.

Sumimsim si Zeus sa kaniyang iniinom at naningkit ang mga matang tumingin sa paligid. Nadaanan ko ng tingin si Jaliah na papalapit sa amin.

"Aiah!" tawag niya at kumaway. Nang tuluyan siyang makalapit ay tinapunan niya muna ng tingin si Zeus na walang pakialam sa kaniyang pagdating bago naupo sa tabi ko.

"Bakit?" tanong ko at tumingin sa orasan ng cellphone ni Zeus dahil naiwan ko sa room ang cellphone ko at ang relos ko naman ay nakalimutan kong suotin pagkaalis ng bahay.

"Sumali ka pala sa journalism natin?"

"Ah, oo. Pagkuha ng litrato ang kinuha ko. Bakit mo natanong?"

"Sinabihan ako ni Prim na sabihin ko sa 'yo na kayo ang magha-handle ng event sa darating na sportfest."

Napatango-tango ako. "Next month na pala 'yon," sabi ko. "May activity muna na ipagagawa sa amin bago kami hayaan humawak ng event na 'yon. May exhibit muna na iko-cover namin." Napatingin ako kay Zeus. Sila pala ang magpe-present. Kaya pala pansin ko na masiyado siyang maraming ginagawang sining.

"Oh! Kayo 'yon, Zeus, ah?" ani Jaliah.

Malamya siyang tumingin kay Jaliah bago tumango. Sunod na tumingin sa akin si Zeus. "Mamaya sa bahay pag-usapan natin 'yong darating na mga event," aniya. Hindi pa ako nakakatango nang tumayo siya at kuhanin ang cellphone. Iniwan niya ang kaniyang iniinom na lemonade sa lamesa.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Jaliah na sana ay itatanong ko rin.

"Una na ako. Baka dumating na si Ma'am," sabi niya nang nakatingin sa akin at hindi kay Jaliah na siyang nagtanong sa kaniya.

Tumango ako sa kaniya at kumaway habang pinipigilang matawa.

Nang makaalis na si Zeus ay doon sumabog si Jaliah na inaasahan ko na.

"Grabe, Aiah, ang attitude!" singhal niya. "Ayaw ba sa akin ng kakambal mo? Sana sinabi niya para hindi ko siya kinakausap! Akala mo kung sino! Sana hindi mapili ang artwork niya!"

"Huwag naman..." natatawa kong sambit.

Pinitik ni Jaliah ang kaninang iniinom ni Zeus na lemonade na nakalagay sa disposable cup. Kaonti na lang ang laman no'n kaya agad na natumba sa pitik ni Jaliah. Halatang-halata ang pagkainis niya sa kapatid ko.

Nauna na ako kay Jaliah. Dumiretso ako sa journalism club at naabutang marami-rami na sila roon. May kaonting ia-announce ang adviser nitong club sa amin at hindi rin nagtagal ang paghihintay ay dumating na siya.

Tomorrow, Be Ours (Almost #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon