Panimula

17 0 0
                                    

Tulad ng sabi nila, parang libreng karanasan sa impyerno ang araw-araw na pagkokomyut. Nag aagawan na nga ang mga komyuter ng masasakyan, pilit pa silang nagsisiksikan sa loob na parang mga  sardinas sa loob ng lata.

"Tabi lang po, manong!" Sigaw ko sa kalagitnaan ng bus. Dahan-dahang tumigil ang bus sa wastong babaan at tiyaga naman akong nakipagsiksikan para lang makalabas, "makikiraan po.."

Mula sa babaan ay maglalakad pa ako ng isang kilometro paloob upang makarating sa bahay. Kaya pilit ko na lang inaaliw ang sarili sa liwanag ng mga Christmas lights mula sa mga bahay na nadadaanan.

Nakakatuwa talaga pagmasdan ang pagpitik ng mga makukulay na ilaw. Tunay na pinapaalala ang simoy ng Disyembre at ang nalalapit na pasko.

Ngunit hindi ko maiwasang makaramdam ng hapdi sa puso tuwing naalala na ang kagalakan ng isa sa pasko ay kaibahan sa nakakarami.

Kung halos lumiwanag na ang buong kalye ng mga palamuti at ilaw, ibang-iba naman ang makikita sa dulong bahay na kung saan tanging repleksyon ng kadila na tumatama sa mga bintana ang nagbibigay liwanag.

Binuksan ko ang kinakalawang na pulang gate at agad nagbukas ang pangalawang pinto ng bahay.

"Mukhang natrapik ka anak, ah." Sambit ng aking ina habang may hawak na kandila sa kanang kamay.

"Mahirap na talagang sumakay," tinanggal ko ang aking sapatos at mabilis na umupo sa nag-iisa naming sofa. Tanging ilaw lang ulit mula sa kandila na nakapatong sa maliit na lamesa ang gumagabay sa aking paglakad. "Hindi na naman ba nakabayad ng kuryente?"

"Nakaligtaan ko lang ulit." Mabilis na tumalikod ang ina kaya't hindi ko man lang nabasa ang kanyang ekspresyon sa mukha. "Kumain ka na ba?" Mabilis din niyang pagbago sa paksa.

Tumango ako. Pero hindi rin ako nagpatalo at patuloy na binabalik ang dapat pag-usapan. "Si tatay, kumusta?"

"Ganoon pa rin."

Maiksi pero nakakadurog na sagot ng aking ina.

Ilang araw na hindi lumalabas ang aking tatay sa kwarto. Kakain na lang kung pipilitin ng aking ina o di kaya kung dadalhan man sa loob.

"Pangatlong araw na bukas." Tukoy ko sa nangyayaring jeepney strike sa kalye.

Labing-limang taon na nagtatrabaho ang aking tatay sa kalsada bilang isang jeepney driver. Napagtapos na niya ang kanilang panganay at dalawang taon na rin ay susunod na ako. Higit doon, alam kong marami pa siyang mga napagtapos na mga estudyanteng komyuter sa pamamagitan ng kanyang serbisyo.

Kaya't parang pinagbagsakan ng langit at lupa ang buhay ni itay tuwing iniisip na ang kanyang labing-limang taon na hanapbuhay ay pilit ng tinutuldukan. Ang masama, ito'y mangyayari sa unang araw ng Enero.

"Para nila kaming binigyan ng taning." Eksaktong salita ng aking itay noong nakaraang araw. Ang pagmamaneho na kasi ng traditional na jeepney ang kanyang naging buhay, at pati na rin ng buong pamilya.

"Susubukan ko manghingi ng advance sa bago kong sideline at ipapaalala na rin si ate sa buwan-buwan niyang bigay sa atin para makabayad na tayo ng kuryente," saad ko. Tumango ang ina kahit malinaw na gusto pa niyang umangal.

Alam niya rin na wala na kaming choice kundi i-asa muna sa amin pansamantala ang pang araw-araw. Dating tumatanggap ang ina ng mga labada mula sa kapitbahay. Ngunit limang buwan na rin siyang tumigil matapos magkaroon ng pneumonia dahil sa pagod.

"Sorry nak," muli na naman niyang paguumanhin. Mga salitang araw-araw ko na lang naririnig. "Hindi niyo naman dapat sana responsibilidad ng ate niyo ang buhayin kami. Kami dapat ang nagbibigay ng buhay na iyon."

Umiling-iling ako at agad lumapit para siya'y hagkan. Habang pinagmamasdan ang madilim na kwarto, hindi ko maiwasan ang pagpatak ng luha nang makita ang anino ng itay na patago kaming sinisilip at ang kanyang tahimik na paghikbi.

Pakiramdam niya kasi ay binigo niya kami. Pero hindi. Kailanman ay hindi ko iyon naramdaman.

Tanging sila lang. Binigo siya ng mga nasa itaas. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 24, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Kilala mo ba si Manong?Where stories live. Discover now