Anim

18 0 0
                                    


Flashback—6 years ago

"Ica," tawag sa akin ni nanay. Nanginginig niyang inabot ang kamay ko at hinawakan. Ramdam ko at kitang-kita ko ang panghihina ng kanyang katawan. Masakit bilang anak na makita mo ang iyong ina na may sakit at nanghihina at wala ka man lang magawa upang ibsan ang sakit na nararamdaman niya.

"'Nay, 'wag ka na masyadong magsalita pa. Magpahinga ka na lang," sabi ko. Alam ko, any time ay kukunin na ng Panginoon si nanay. Ilang taon na din niyang nilalabanan ang sakit na leukemia pero sadyang malakas ito, sa paglipas ng taon ay nasaksihan ko kung gaano pinahirapan ng sakit na ito ang nanay ko.

"Alam kong hindi na ako magtatagal pa sa mundong ito," sabi niya. Umiling ako.

"Hindi 'nay. Tatagal ka ba. Sasalubungin pa natin ang Bagong Taon. Magluluto ako ng biko na paobirot mo," sagot ko. Pinilit ngumiti ni Nanay pero hindi niya ito magawa.

"Kapag namatay ako, kunin mo ang gintong singsing na may hugis puso sa gitna nito. Nakalagay ito sa isang maliit na tela sa ilalim ng mga damit ko. Nakalagay ito sa pulang tela. Kapag namatay ako, pumunta ka sa mansyon ng mga Hidalgo. Hanapin mo si Soledad Hidalgo. Ipakita mo 'yan at alam na niya ang gagawin."

Dahil ayoko ng pagurin pa ng husto si Nanay ay hindi na ako nagtanong pa. Hindi na ako nagtanong pa kahit gulong-gulo ako kung bakit niya ang pinapapunta sa mga Hidalgo. Kilala sa bayang ito ang angkan ng mga Hidalgo. Sila ang may-ari ng iba't ibang sakahan dito sa bayan namin. Kilalang mga haciendero at haciendera. Hindi ko maintindihan kung bakit ako pinapapunta ni Nanay doon.

Siguro nga alam na ni Nanay na bilang na ang oras niya dahil kinabukasan, nakita ko na lamang siyang hindi na humihinga. She died peacefully in her sleep. Dahil wala naman akong sapat na pera ay hindi ko man lang nabigyan ng magandang burol at libing ang nanay ko. Tinulungan lang ako ng mga kapitbahay ko upang maihatid sa huling hantungan ang aking ina.

Hindi ko kinalimutan ang kanyang bilin bago siya pumanaw. Isang linggo makalipas ang libing ng ina ko ay hinanap ko ang kanyang singsing. Hinalungkat ko ng husto ang mga gamit niya hanggang sa nakita ko ang isang telang pula na nakabalot sa isang maliit na kahon. Nakalagay ito sa pinakasulok sa cabinet. Tinanggal ko ang tela at bumungad sa akin ang kulay blue na kahita. Binuksan ko ito at tumambad sa akin ang isang napakagandang singsing. Ginto ito at may maliit na heart sa gitna nito. Sa gitna ng heart ay may maliit na diyamante. Tiningnan kong maiigi ang singsing at sa loob nito ay may nakaukit na pangalan. Sol & Dan. Sol for Soledad? Dan? Danny ang pangalan ng tatay kong matagal na ding namayapa. Hindi ko maintindihan, naguguluhan ako. Bakit may ganitong singsing?

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin ngayon at kung bakit ako pinapapunta ni Nanay sa mga Hidalgo pero malaki ang tiwala ko sa kanya. Ito ang huling bilin ni Nanay kaya gagawin ko ito.

Halos malula ako nang makita ko ang malaking gate ng Hacienda Hildago. Mula sa kinatatayuan ko ay napakalawak ng loob nila. Para ngang isang barangay ang haciendang ito.

"Ano kailangan mo, miss?" Napatingin ako sa guwardiya na nakabantay doon.

"Nandiyan po ba si Madam Soledad? Gusto ko lang po siya makausap," sabi ko. Nagsalubong ang kilay ng guwardiya sa akin.

"Abalang tao si Madam. Hindi ka niya masisipot," sabi niya sa akin.

"Baka pwede ko siyang makausap. Hindi naman ako magtatagal eh. May kailangan lang ako sabihin."

"Hindi nga puwede. Busy si Madam Sol. At walang panahon si Madam sa mga katulad mo."

"Papaano mo naman nasabi? Ni hindi mo pa nga siya nakakausap. Importante itong sasabihin ko. Kaya kailangan ko siyang makita at makausap."

"Hindi nga puwede!"

"Kuya 'di naman ako magtatagal eh! Gusto ko lang siya makausap!"

"Sinabi ngang hindi puwede—"

"Anong nangyayari dito?" Napatigil kami at napatingin sa kotse na palabas ng gate. Hindi ko man lang namalayan na may kotse na sa may gate.

"M-madam Sol," sabi ng guwardiya. Mabilis kong sinilip ang babae sa kotse at nakita ko ang isang mestisang babae. Maputi ito at bagay na bagay ang pulang lipstick nito. Ang buhok nito ay maayos na nakapusod.

"Sino ba 'yan?" tanong ni Madam Sol.

"Hindi ko po alam, Madam. Gusto ka daw makausap," sagot ng driver. Dumangaw si Madam Soledad at napatingin sa akin.

"Papasukin mo." Nagtaka ang guwardiya pero hindi na siya nagsalita pa at binuksan ang gate. Pumasok ako at lumapit kay Madam Soledad. Tiningnan niya muna ako mula ulo hanggang paa. Nagulat ako nang binuksan niya ang pinto ng kotse.

"Pasok." Mabilis akong pumasok sa loob. Nahihiya pa ako tumabi sa kanya dahil sino nga ba naman ako? Nakakahiya.

Umandar ang kotse palabas ng gate. Sa unang mga minuto ay tahimik lang ako. Walang nagsasalita kahit isa sa amin.

"Stop the car," sabi ni Madam Soledad. Napatingin ako sa paligid at nasa gitna kami ng highway sa pagitan ng mga taniman ng mais. Ilang metro ang layo mula sa mansyon.

"Anong kailangan mo?" tanong ni Madam Soledad. Dinukot ko ang singsing na nasa bulsa ko at ibinigay ito sa kanya. Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa singsing.

"Kamamatay lang ng nanay ko. Bago siya namatay ay ibinilin niya pumunta ako sa'yo at ipakita ang singsing na 'yan," paliwanag ko.

"So, patay na si Carmela?" Tumango ako.

"Carmela was my best friend back then. Siya ang pinili ni Danny," sabi niya sa akin. "Ako ang dating nobya ni Danny, pero si Carmela ang pinili. Ayaw ko ng ikuwento ang mga pangyayari noon dahil nakaraan na iyon."

"Hindi ko alam kung ano ang plano ni Nanay kaya niya ibinilin ito sa akin," sagot ko.

"Isa lang ibig sabihin niyan. Gusto ni Carmela na kupkupin kita. At hindi ako magdadalawang isip na tanggapin ka. Dahil anak ka ng lalaking minsan kong minahal, at ang matalik kong kaibigan."

Gusto kong malaman kung ano ang kuwento tungkol sa kanilang tatlo. Anong kuwento ang umiikot kina tatay, nanay, at Madam Soledad. Pero sino ba ako para ungkatin iyon. 

The Runaway BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon