TnE 18: Ang Prinsipe ng Hamog

24 3 0
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Ang Prinsipe ng Hamog ||

"Umalis na tayo! Tayo na!" anang Maisu Saturno na siyang nanguna sa pagtakas ngayon. Mula nang iwan ni Andress ang katawang pinasok ay napagpasyahan na sumunod na kung nasaan ang mga taga-baryo.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Aliah sa binatang ako na tahimik na tumatakbo sa kaniyang tabi.

Sa pagkakataong ito'y wala na ang suot nilang itim na manto kaya't sigurado na kita niya ang pamumutla ng binatang ako.

"A-ayos—" Hindi na natapos pa ng binatang ako ang kaniyang sasabihin nang bumagsak ito.

"Ellai!"

"Anong nangyari sa kaniya?" usisa ni Maisu Saturno nang lumapit. Hawak ni Aliah ang balikat ng binatang ako na nakaluhod at nakayuko.

Tumingala si Aliah sa kaniya. "Nanghihina siya. Marami siyang naubos na enerhiya sa ginawa niya kanina."

Tanda ko pa ang pakiramdam na iyon noong mga panahong ito. Hindi kasi sapat ang pagkain at inumin na ibinibigay sa amin noon kaya't limitado lamang ang naiimbak na lakas.

Bukod pa roon ay naubos ko rin talaga ang aking enerhiya noong ginamit ko ang Mantra ng mga Puting Talulot para lamang magamot sila Maisu Saturno ng isang bagsakan.

Lumapit na sa kanila si Maisu Saturno at lumuhod sa harapan ng binatang ako.

"Marami kang naubos na lakas dahil sa panggagamot sa amin. Utang namin ang buhay namin sa 'yo," nakangiting sabi niya sa binatang ako na nakatingin lang sa kaniya.

"Hayaan mong buhatin kita bilang kabayaran. Alam kong kulang pa ito ngunit ipinapangako ko na darating ang araw na makakabawi rin kami sa 'yo."

Natural na siguro sa akin noon na hindi umasa sa iba at ayaw kong ipinaparamdam sa akin na ako'y mahina at pasanin. Kaya naman nagpumiglas pa ang binatang ako bagama't hina na talaga ito.

"K-kaya... kaya ko pa," mahina at halos wala na talagang lakas na ani nito.

"Ellai, huwag na matigas ang ulo. Mas mainam na buhatin ka na nila upang mapabilis tayo," panenermon na ni Aliah. "Hindi tayo pwedeng magtagal dito sapagka't maaaring mabulilyaso ang pagtakas na gagawin natin."

Kaya kahit na nagmamatigas ay wala na rin akong nagawa noong mga panahong ito kundi hayaan sila.

Pinasan nga ni Maisu Saturno ang binatang ako sa kaniyang likuran at nagpatuloy sa palihim at maingat na pagtakas.

Nanatiling nakalutang naman ang aking diwa sa itaas nila at tahimik na pinanonood ang nangyayari.

Alam kong walang aberya na mangyayari sa mga susunod na sandali sapagkat ito'y nangyari na at kahit nanghihina ako sa panahong ito'y may malay pa rin naman ako.

At pagkaraan nga ng ilang sandali ay natanaw na namin ang kamaligan kung saan kami ilang araw na ikinulong.

"Nasa loob pa rin sila," mahinang wika ng isa sa mga Andekas na kasama nila Maisu Saturno.

Nang makakuha ng hudyat mula sa kaniya ay maingat silang nagsipasok sa loob at doon nga naabutan ang lahat na naghahanda na. Nagulat pa ang mga ito nang bigla kaming dumating.

"Anak!" Si Pinunong Albar ang unang sumalubong at yumakap kay Aliah.

"Mabuti ay ligtas kayo," anito pagbitaw sa anak.

"At mabuting gano'n din po kayo ngunit wala na tayong oras," tugon na may pagmamadali mula kay Aliah.

Tumango ang ama niya. "Oo. Nasabi na nga sa amin nila Tata Tabian ang nangyari."

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon