Chapter 1

4.4K 24 1
                                    

CHAPTER ONE

LUMAKAS ang kaba ni Alison nang makita ang Mercedes-Benz na pumarada sa harap ng kanyang apartment. Tila nagkabuhul-buhol ang tensyon sa kanyang sikmura. Gusto niyang nerbiyusin sa hindi niya maipaliwang na dahilan.
Pakagat pa lamang ang dilim. Napakaadelantado naman ng nag-imbita sa kanya sa dinner date na ito. Napasulyap siya sa wristwatch. Sampung minuto pa lamang bago mag-alas-sais ayon sa orasan. Nag-aalala ba si Bradley na magbago pa ang isip niya o naniniguro lang itong hindi na siya makakaiwas pa?
Oh, God! Pakiramdam niya'y nakatakda siyang bitayin sa mga susunod na oras. At ipinasusundo na siya ng berdugo.
Kung hindi lang kinabukasan at kaligayahan ng bunsong kapatid na si Trixie ang nakataya ay hinding-hindi niya ilalagay sa ganitong sitwasyon ang kanyang sarili.
Imagine, makikipag-dinner siya sa isang lalaking gusto niyang kamuhian? Sa isang taong alam niyang naghanda ng bitag para sa kanilang magkapatid to even an old score.
Ngunit sadya sigurong dumarating sa buhay ng tao ang paglulon ng pinakamapait mang pagkain para lamang makatawid sa gutom o ang pagkapit sa pinakamatalim mang patalim huwag lamang mahulog sa bangin.
Bahagya pa siyang napapitlag nang makarinig ng katok samantalang alam niyang dumating na ang kanyang sundo. Huminga muna siya nang malalim bago pinihit ang doorknob.
Ngunit hindi ang inaasahan niyang si Bradley Sarmiento ang napagbuksan niya. Kundi ang unipormadong driver nito.
"Good evening, Miss del Rio," magalang na bungad ng lalaking kung hindi siya nagkakamali ay hindi bababa sa kuwarenta ang edad. May iniabot ito sa kanyang bulaklak. Hindi lang basta bulaklak kundi isang flower arrangement na galing sa isang kilalang flower shop. "Ipinabibigay ho ni Sir."
May naalala siyang bigla.
Noong mga bata pa silang pareho, gawi na ni Bradley na bigyan siya ng bulaklak. Kundi isang tangkay ng rosas ay isang orkidyas na alam niyang lihim nitong pinitas sa hardin ng mama niya.
Hindi personal na iniaabot sa kanya ni Bradley ang bulaklak kundi inilalagay sa harap ng pintuan ng silid niya o kaya'y ipinaaabot sa kanyang yaya. Pero mula nang mahuli ito ng mama niya at mapagalitan ay hindi na siya nakatanggap pang muli ng bulaklak mula rito. Dahil siguro wala pang pambili noon si Bradley.
Atubiling kinuha ni Alison ang bulaklak mula sa driver na isinugo ni Bradley, matapos ang sandaling pagbabalik-alaalang iyon.
May pabigay-bigay pa ng flowers, akala mo totoo, naisaloob niya. Noon ay naniniwala pa siyang totoo sa loob ng batang si Bradley ang pag-aabot ng bulaklak sa kanya. Pero ngayon...
"Nasaan siya?" pagkuwa'y tanong ni Alison sa driver.
"Ipinasusundo niya kayo. Biglaan kasi ang meeting. Dumating 'yung business partner niyang Australian at kailangan niyang estimahin. Pero ibinilin niya sa aking ihatid ko na kayo sa Holiday Inn kung saan sila nag-dinner meeting ng kausap niya."
Bahagyang tumaas ang isang sulok ng bibig ni Alison tanda ng bumangong inis. Paimportante na ngayon si Bradley. Dahil ba siya ang may hinihinging pabor dito kaya pinaghihintay siya?
Parang sadyang ipinamumukha sa akin na nagkapalit na kami ng katayuan sa buhay. Siya na ngayon ang nasa itaas at ako ang nasa ibaba.
Kung hindi lang mahalaga para sa kanya ang dinner date na hiningi ni Bradley ay aatras na siya ngayon. Ngunit sumama na rin siya sa driver.
Pagsapit nila sa Holiday Inn ay ihinatid na rin siya ng driver sa Café Coquilla at doon daw niya hintayin si Bradley.
Ungentleman. Ako pang babae ang pinaghintay. Ang tingin yata sa sarili niya'y Diyos dahil milyonaryo na siya? himutok ni Alison habang naghihintay sa isang mesang ipinareserba raw ni Bradley.
Hindi naman siya talaga dapat mainis dahil wala pang tatlong minuto siyang naghintay ay natanaw na niya ang matikas at matangkad na lalaking naka-dark suit, liyad ang dibdib kung maglakad at taas-noong animo opisyal ng militar.
Guwapo pero mukhang mayabang. Iyon ang dalawang katagang unang ipinukol ni Alison kay Bradley.
Kung hindi nagkakamali ng tantiya si Alison, tatlo o apat na taon ang tanda sa kanya ng binata. Batambatang milyonaryo. Napakabilis na pumaimbulog ang pangalan nito sa larangan ng negosyo.
Bagay na hindi inakala ni Alison na magaganap. Pero kung paano yumaman ito sa ganoon kabatang edad ay wala na siyang pakialam.
Mula pagkabata ay kilala na niya si Bradley. Ngunit hindi niya inaasahang sa muli nilang pagkikita, ang batang hinahamak lamang noon ng kapatid niyang si Trixie ay ganito na katayog at kamakapangyarihan.
Totoo ngang ang tao'y parang nakasakay sa tsubibo. Ang nasa ilalim kahapon ay siya nang nasa ibabaw ngayon.
May mapang-uyam na ngiti sa mga labi ni Bradley nang lumipat sa kanya.
"Hi, it's nice to see you again, Miss Alison del Rio."
Pormal ang mukhang sinalubong ni Alison ang makahulugang tingin ng lalaki. At hindi siya nag-abalang ngumiti man lang.
"Huwag na tayong magbolahan pa, Bradley. Mag-dinner na tayo para matapos na ang usapang ito."
"Huwag ka namang mainis, Miss del Rio. Masisira ang espesyal na gabing ito kapag hindi ka man lamang ngumiti. Dapat pa nga'y flattered ka dahil inimbita kita sa isang dinner date."
Conceited! Kung hindi ka pa dating tagalinis ng kotse at tagahugas ng pinggan sa bahay namin.
"Ako ba'y pagyayabangan mo lang o itutuloy natin ang dinner date na ito?" iritadong asik ni Alison.
"Hindi ko gustong sayangin ang gabing ito, Miss del Rio. This is indeed a big honor for me. Biruin mo namang ang ka-date ko ngayon ay ang babaing noon ay lihim ko lang tinatanaw? Mga bata pa tayo'y crush na kita, in case na hindi mo alam."
"Hindi ako interesadong malaman."
"Sa nakikita ko'y masama ang gising mo kaninang umaga." Tila may lason ang ngiting isinukli ni Bradley sa kalamigan ni Alison.
Nagtaka pa ang dalaga nang igiya siya ni Bradley palabas ng hotel at pabalik sa parking lot kung saan naroon ang kotse nito.
"Akala ko ba'y dito tayo magdi-dinner kaya't dito mo ako ipinahatid at pinaghintay?" naninitang tanong ni Alison.
"No, Miss del Rio, may alam akong lugar na alam kong mas magugustuhan mo. You're a very special lady kaya't dapat lang na espesyal din ang lugar na pagdalhan ko sa iyo."
Sa pagtataka pa rin ni Alison, si Bradley mismo ang nag-drive. Wala na ang driver nito sa kotse. Gusto tuloy kutuban ng dalaga sa maaaring iniisip ni Bradley.
"Saan mo ba ako talaga dadalhin?"
"We're going to my paradise. Sa Villa Royale."
"Siguraduhin mo lang na wala kang gagawing kalokohan, Mr. Sarmiento. Nagtiwala ako sa iyo dahil alam kong matino kang kausap. Malaking pangalan ka na sa larangan ng negosyo, ibig lang sabihin ay isa kang lalaking maginoo at may dignidad. At alam mong kaya ako sumama sa iyo ngayong gabi ay dahil sa isang obligasyon, kahit labag ito sa loob ko."
"So, napipilitan ka lang paunlakan ako dahil may hinihingi kang pabor? Bakit, dahil alangang makipag-date ang isang del Rio'ng katulad mo sa isang lalaking anak lang ng dating tagabalat ng patatas sa palasyo ninyo, your majesty? O nag-aalala kang may gagawin akong masama sa iyo?"
"To be honest with you, hindi ako sigurado kung tama ang ginawa kong pagtitiwala at pagsamang ito sa iyo."
Isang malutong na tawa ang pinawalan ni Bradley na lalong nagpatingkad sa kaguwapuhang taglay nito.
Gustong sisihin ni Alison si Trixie dahil ito ang dahilan kung bakit kasama niya ngayon si Bradley.
Kung hindi nito inilagay ang sarili sa kompromiso, hindi siya masasabit sa gulong nilikha ng kapatid. Hindi niya namamalayang nalululong na ito sa casino. Nagkataong madalas din si Bradley Sarmiento sa casino, hindi naman talaga para magsugal kundi para magsamantala sa mga taong isasangla pati ang kaluluwa makapagsugal lamang.
Nagpapautang ito ng puhunan sa nauubusan o sa talagang walang dalang pansugal, katulad ni Trixie na naimpluwensiyahan ng kaibigang si Pauline. Hanggang sa hindi namamalayan ni Trixie na nababaon na ito sa utang sa binata.
Kung tutuusin ay hindi naman talaga ang manalo sa casino ang unang dahilan kung bakit nagpupupunta sa casino si Trixie. May iba pa itong pansariling dahilan.
"Nasa casino ang mayayamang lalaki, chica. Doon mo mami-meet ang lalaking magbabalik sa iyo sa dati mong kinalalagyan," sulsol ni Pauline dito.
Fortune hunter kasi ang kaibigang ito ni Trixie. Matabang isda ang hanap. At gagawin ang lahat makakilala lang ng isang lalaking magbibigay rito ng lahat.
Madalas ay naaawa si Alison sa kapatid dahil hanggang ngayon ay hindi nito matanggap na mula sa marangyang pamilya na kinamulatan nila ay nabibilang na lamang sila sa lower-class family.
Siya'y nagpapatakbo na lamang ng isang maliit na computer center sa harap ng University of the East sa Caloocan. Nakatira sa isang lumang apartment na siya na lamang naiwan sa kanilang magkapatid. Tatlo ang pinto nito at pinauupahan niya ang dalawa pang pinto. Si Trixie ay sa town house ni Pauline sa San Juan nakatira. Dahil hindi raw ito nababagay sa lugar na tinitirhan niya.
Kapag binabalikan niya ang dati nilang buhay na magkapatid, noong hindi pa nagpapalinlang ang ina nila sa isang balasubas na lalaking inakala nitong nagmamahal, bukod sa malaking bahay sa isang subdivision, malalaking lupain sa Batangas at Zambales, mayroon din silang palaisdaan, beach resort, at may negosyong iniwan ng kanilang amang maagang namayapa. Isang plastic factory sa Malabon.
Nang mamatay ang ama nila'y nahumaling ang ina nila kay Jigo, ang katiwala ng papa nila sa mga negosyo nito.
Walang kamalay-malay ang ina nila na kaya ito pinaibig ni Jigo ay para magkaroon ng direktang kapangyarihan sa factory at iba pang ari-ariang iniwan ng kanilang ama para sana sa kanilang magkapatid.
Ngunit winaldas ito ng lalaki. Nang mamatay ang ina nila three years ago, doon nila nalamang nilusaw na ni Jigo ang mga properties nila. Ang tanging natira ay ang bahay na nakasangla rin pala. Ang iba nilang ari-arian ay nagawang isalin ni Jigo sa pangalan nito dahil pareho pa silang walang alam sa pasikut-sikot ng pagnenegosyo.
Kaya sila ni Trixie, bagama't hindi sanay, ay natutong magbanat ng buto para lamang maka-survive. Ngunit si Trixie, gustong bumalik sa dati nilang buhay at determinado itong gamitin ang ganda para makapag-asawa ng mayaman.
"Mali 'yang prinsipyo mong 'yan, Trixie," naalala niyang pangaral niya noon sa kapatid. "Huwag mong gamitin ang pag-aasawa para lang makabalik sa buhay na nakamulatan natin."
"Sa pag-aasawa rin naman talaga ang tuloy natin, hindi ba, Ate? Gusto ko lang maging praktikal at wise. Kung magpapakasal din lang ako, doon na sa lalaking makapagbibigay sa akin ng buhay na nakasanayan ko."
Hindi tulad niya, nahihirapan si Trixie na mag-adjust at tanggaping hindi na sila katulad ng dati.
"Sinisingil na ako ng pinagkakautangan ko sa casino, Ate."
"You mean, nagkandautang-utang ka na sa kapupunta mo sa casino?"
"Nag-o-offer naman kasi sila ng pera. Magmumukha naman akong tanga kung iistambay kami roon ni Pauline nang hindi man lang tumataya kahit sa mga slot machines."
"'Yan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo na hindi magandang ibubunga ng pagsama-sama mo kay Pauline. Tingnan mo ngayon, pumasok ka pa sa malaking problema."
"Sorry, Ate. Hindi ko naman gustong magkaganito."
"Magkano ba ang utang mo ro'n sa sinasabi mong financer sa casino?"
"Seven hundred thousand, Ate," nakatungong sagot ni Alison.
"Ano?" Muntik nang lumubog sa kinauupuan si Alison sa narinig. "Bakit umabot ng ganoon kalaki?"
"Sa kagustuhan kong makabawi kapag natatalo ako, humihiram ako ulit ng pera. Panay rin naman ang alok sa amin ni Pauline ng panibagong puhunan. Kaya hindi ko namamalayang lumalaki na pala ang utang ko. Plus the interest."
"Ano ba 'yang ginagawa mo sa buhay mo, Trixie? Kung ikaw kasi'y nakontento na lang sa simpleng buhay, hindi ka mapapasok sa ganyan kalaking problema. Ano'ng gagawin natin ngayon?"
"Humingi ako ng palugit sa kanya, Ate. Pero three months na lang ang ibinigay niya sa akin. Ang ikinatatakot ko pa ngayon, nakilala ko na ang lalaking hinahanap ko. 'Yung anak ni Don Estavio Ferrera. 'Yung shipping magnate, Ate. Nakilala namin siya ni Pauline sa lobby ng Regency Hotel. And would you believe, Ate, inimbita niya kaagad akong mag-dinner?"
"Hindi mo pa nalulusutan ang problema mo sa financer sa casino, kung anu-ano na namang gusot 'yang papasukan mo."
"Kaya nga lumalapit ako sa iyo ngayon, Ate. baka siraan ako ng financer ng casino kay Gerard Ferrera. Baka ma-turn off siya sa akin. Sa tingin ko pa naman, na-love at first sight siya sa akin."
"Trixie, ano ba? Tigilan mo na 'yang ginagawa mo. Ayusin mo ang buhay mo. Isipin mo kung paanong mababayaran ang financer na iyon. Pagkatapos ay umuwi ka na rito sa poder ko at ipanuto mo na ang buhay mo."
"Ngayon pang nakilala ko na si Gerard."
Isang malalim na buntunghininga ang pinawalan ni Alison.
Gusto niyang tulungan ang kapatid sa malaking problemang ito na rin ang gumawa. Kahit alam niyang kasalanan nito, alam na alam din niya kung ano'ng nagtulak dito para mangarap nang mataas at malubog sa pain ng mga taong ganid.
Hindi nito gustong mabaon sa utang. May nagsamantala lamang sa kahinaan at pangangailangan nito.
Nang muli silang magkausap ni Trixie, masayang-masaya ito. Dahil boyfriend na raw nito si Gerald Ferrera na anak ng isang milyonaryo.
"I'm happy for you. Kaya lang, mahal mo ba siyang talaga o..."
"Hindi naman ako gold digger, Ate. May puso naman ako. Mahal kong talaga si Gerard. It was love at first sight nga, eh. And guess what? This early, bumabanggit na siya ng tungkol sa kasal."
"Totoo na ba 'yan?"
"Si Gerard ang lalaking pangarap ko, Ate. Hindi lang dahil mayaman siya. Pangalawa na lang sigurong dahilan iyon. At nararamdaman ko, mahal ko siyang talaga. Gusto ka niyang makilala. Sa Saturday, wedding anniversary ng parents niya. Iniimbita ka niya para makilala ka raw ng pamilya nila."
"Hindi ba nakakahiya, nasa alta sociedad sila? Baka magmukha tayong alangan sa kanila."
"Hindi sila matapobre, Ate. Mababait ang buong pamilya ni Gerard. In fact, hindi ako nahirapang makibagay sa kanila dahil very warm silang lahat."
Sa nakikita ni Alison na kaligayahan sa mga mata ng kapatid, natatakot siyang may humadlang pa rito. Kung totoo mang si Gerard na ang makakatuluyan nito, siya ang unang-unang magiging maligaya dahil alam niyang katuparan ng mga pangarap ni Trixie ang lahat ng iyon.
Pagkalipas lang ng ilang buwan ay plinano nga ang kasal ng dalawa.
"Masyado naman yata kayong nagmamadali."
"Paano naman akong hindi mag-aapura?" sabi ni Gerard nang dumalaw ang dalawa sa maliit na computer center ni Alison. "Buntis na si Trixie kaya gusto kong ilagay sa ayos ang lahat."
"Saka sabi ni Gerard, Ate, palalakihin daw natin itong computer center mo. Magtutulong tayo. Kung gusto mo nga raw ay puwede tayong magtayo ng computer training school. May building sila sa Makati na ideal gawing computer school."
"Huwag n'yo na 'kong intindihin, kontento na naman ako sa takbo nitong maliit kong business. Mababaw lang naman ang kaligayahan ko." Alam kasi ni Alison na gusto lamang siyang idamay ng kapatid sa magandang kapalaran nito. Pero hindi niya hangad iyon. Ang importante sa kanya ngayon ay magiging maligaya na ang kapatid.
At nangyari nga ang pinangangambahan niya. Na mayroon pang puwedeng hahadlang sa kaligayahan at katuparan ng mga pangarap ni Trixie. Dahil sa gitna ng preparasyon para sa en grandeng kasal nito ay umiyak ito sa kanya.
"Ginigipit na ako ng pinagkakautangan ko, Ate. Tapos na raw ang palugit na ibinigay niya sa akin."
"Sinabi mo na ba ito kay Gerard?"
"Natatakot akong magalit siya at ma-turn off. Pero nagbanta na si Mr. Sarmiento. Na kapag hindi ko siya nabayaran hanggang sa katapusan ng buwan, siya mismo ang magsasabi kay Gerard ng tungkol doon. At natatakot akong siraan niya ako, Ate. Baka kung anu-ano pa ang idagdag niya kay Gerard. Kilala raw niya si Gerard. Sasabihin daw niyang fortune hunter ako at pera lang ang habol ko rito."
"Napakawalanghiya naman pala ng Mr. Sarmiento'ng iyon. Kailangang gumawa tayo ng paraan ngayon. Pero hindi ko maubos-maisip kung saan tayo kukuha ng pambayad sa malaking utang mo."
"Ano'ng gagawin ko, Ate?"
"Sa tingin ko, walang ibang makakatulong sa iyo ngayon kundi si Gerard."
"Pero, Ate, natatakot nga akong magalit si Gerard at magbago pa ang isip."
Naiwan ang problemang iyon kay Alison. Hindi niya gustong masira pa ang kinabukasan ng kapatid. Gumawa siya ng paraan. Kaya wala siyang magagawa kundi kausapin si Mr. Sarmiento.

Man Of My Dreams (Mr. Irresistible) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now