Chapter 8

1.2K 13 0
                                    

CHAPTER EIGHT

AKMANG hahagkan ni Bradley si Alison nang magdilat ito ng mga mata.
"What are you doing here?" Napabalikwas ng bangon si Alison at umatras paiwas kay Bradley. "Sabi ko na nga ba't hindi ka dapat pagkatiwalaan dahil hindi mo kayang panindigan ang sinabi mo!"
"Gigisingin lang kita dahil ready na ang dinner."
"Bakit hindi ka kumatok? May binabalak kang masama, ano?"
Naihilamos ni Bradley ang kamay sa sariling mukha.
"Will you stop being childish, Alison?" Tumayo si Bradley mula sa kinapupuwestuhan. "Oh, well, ang kasungitan mo'y para lang bawang sa fried rice or adobo. Fine as long as hindi ka lalampas sa dapat. Kapag sumobra ka na at napuno ako sa iyo, mapipilitan akong padapain ka sa kandungan ko at paluin."
"You wouldn't dare,Bradley." Lalo lang nagsisiklab si Alison dahil panunudyo pa ang itinatapat ni Bradley sa kabangisang ipinakikita niya. Parang hindi ito naaapektuhan sa kalamigan at katarasang ipinadarama niya.
"Sumunod ka na sa dining room," ani Bradley habang humahakbang papunta sa pinto.
"Kakain ako kung kailan ko gusto."
"Kakain ka sa oras dahil kailangan iyan ng batang dinadala mo." Puno ng authority ang atas na iyon mula kay Bradley.
Masyadong concerned si Bradley sa anak nito. Ano kaya kung hindi na siya kumain para maapektuhan ang anak nito sa loob ng kanyang sinapupunan? Kapag may nangyari sa bata, masasaktan si Bradley at iyon ang gusto niyang makita.
Hindi siya lumabas ng silid para ipakita kay Bradley ang pagmamatigas niya. Ngunit mayamaya'y may kumatok.
"Leave me alone, Bradley. Hindi ako nagugutom!" halos pasigaw na sabi niya.
Ngunit si Bertha pala ang kumakatok. May dala itong tray na puno ng pagkain.
"Pinahatiran kayo ng pagkain ni Sir dahil masama raw ang pakiramdam n'yo at ayaw n'yong lumabas. Kainin n'yo ito habang mainit ang sabaw, Ma'am."
Bago sa pakiramdam ni Alison ang pagsilbihan ng maid at tratuhing panginoon. Mula nang parang tubig na umagos ang kabuhayan ng pamilya nila dahil sa katusuhan ng kauling asawa ng mama niya, nasanay na siyang walang maid na nagsisilbi. Ngayong pinakasalan siya ni Bradley, muli siyang bumalik sa dating kinalalagyan.
Akalain ba niyang si Bradley pa ang magbabalik sa kanya roon?
Pero hindi siya natutuwa. Habang pinagmamasdan at sinisimulang galawin ang masarap na pagkaing inihain ni Bertha ay naiisip niyang isa lamang iyon sa paraan ni Bradley para ipangalandakan sa kanya ang kaya nitong ibigay ngayon, na dapat siyang ituring na masuwerte ang sarili dahil pinakasalan siya nito.
"Hindi n'yo ba gusto ang ulam, Ma'am?" ani Bertha na sinasalinan pa ng juice ang kanyang baso.
"G-gusto. In fact favorite ko ang mga ito. Pero masama ang tiyan ko. Iinom na lang muna siguro ako ng juice. Ilabas mo na lang ang mga pagkaing ito, Bertha."
May disappointment na gumuhit sa mukha ng kawaksi.
"Pero baka mag-alala si Sir kapag hindi man lang kayo kumain kahit kaunti."
"Kakainin ko rin 'yan mamaya."
Tumalima na lamang si Bertha. Inilabas ang pagkaing nasa tray.
Ang totoo'y nakakaramdam siya ng gutom. Pero naiinis siya sa isiping kaya siya inaalagaan ni Bradley ay dahil kailangan ng anak nito sa kanyang katawan ang masustansiyang pagkain.
Kunsabagay, bakit ba siya maghahanap ng atensyon mula sa isang taong kinapopootan niya?
Halos pitong buwan pa silang magsasama ni Bradley. At sa pitong buwan na iyon, wala na ba siyang gagawin kundi makipagtikisan at makipagtaasan ng pride sa lalaki?
Nang makarinig siya ng ugong ng sasakyan na paalis ay napatayo siya. At lumabas ng silid.
"Bertha, si Sir mo ba 'yon?" aniya sa maid na galing sa dining room.
"Yes, Ma'am Alison."
Bumagsak ang balikat niya. Bakit umalis si Bradley? Saan iyon pupunta?
"E, Ma'm, hindi naman sa nakikialam, pero nag-away ba kayo ni Sir?"
Hindi niya makuhang magalit sa pagtatanong ng maid dahil friendly ang aura nito. Laging nakangiti. Hindi naman mukhang sumasagap ng tsismis kundi nagmamalasakit.
"Medyo nagkatampuhan lang, Bertha."
"Kaya ho siguro umalis si Sir."
"Babalik din iyon. Magpapalipas lang ng inis sa akin. Nakukulitan siguro."
Pero lumalim ang gabing hindi na narinig ni Alison ang ugong ng sasakyan ng asawa na nagbalik sa Villa Royale.
Pero, eh, ano ba sa kanya kung hindi ito umuwi?

NANG magising siya kinabukasan ay unang hinanap ng mga mata niya si Bradley. Wala ito sa tabi niya.
Hindi ito nagbalik sa Villa Royale nang nagdaang gabi.
Hindi ba 'yon ang gusto mo? aniya sa sarili. Pero hindi niya maikakaila ang pag-aalalang nakakapa sa sarili.
"Good morning, Samantha," bati ni Alison sa gay na maid na sumasayaw at sumasabay sa masayang tugtog sa nakabukas na stereo, habang hawak ang duster at nililinis ang mga mamahaling decorative jars sa salas.
"Mas maganda pa kayo sa morning, Ma'am," masayang ganting-bati nito.
"Ang Sir mo?"
"Bakit sa akin n'yo hinahanap, eh, kayo ang asawa?" pabirong sagot ng gay.
Nangiti si Alison sa kakengkoyan ng kausap.
"Umalis siya kagabi, eh."
"Ay, ang newlywed, nag-walk out na? Bakeet? Baka naman pinagsawa n'yo na noong honeymoon, Ma'am."
"Tumigil ka nga riyan, Samantha," saway ni Bertha na lumabas mula sa kusina. "Baka mapikon si Ma'am Alison. Hindi siya sanay sa kabaliwan mo." Kay Alison naman ito bumaling. "Tumawag nga pala si Sir kani-kanina lang. Lumuwas pala siya at umuwi sa bahay nila sa Bel-Air. Magiging busy na raw siya dahil may mga trabaho siyang napabayaan. Itinanong ko kung gusto niya kayong makausap pero huwag na lang daw."
May lungkot na nakiraan sa damdamin ni Alison. Ang sarap batukan ng sarili niya. Ilang araw silang magkasama ni Bradley ngunit lagi na'y inis na inis siya rito.
Ngayon naman ay may emptiness siyang nakakapa nang malaman na ilang araw itong hindi makikita.
Hindi niya alam kung paanong gugugulin ang buong araw, ang bukas, ang mga susunod pang araw na wala si Bradley. Pero ikinondisyon niya ang isip na iyon ang mas gusto niya.
Pagkatapos tawagan sina Trixie, si Megan at ang katiwalang iniwan niya sa kanyang computer center ay naisipan niyang maglibot sa Villa Royale. Sa tennis court siya unang nagpunta. Pinanood ang mga naglalaro. Pagkatapos ay lumipat siya sa parke at naupo sa isang concrete bench at pinanood ang mga naglalaro ng volleyball, badminton, at mga nag-i-skating.
May isang batang babae siyang nakatuwaan na sakay ng minibike at paikut-ikot sa minipark. Maganda ang bata, chubby. Mga anim na taon ito at naka-ponytail ang buhok na pantay na hinati. Ngunit ang lalong nagpa-cute dito ay ang dimples nito sa magkabilang pisngi.
Biglang may sumagi sa isip ni Alison habang sinusundan ng tingin ang batang paikut-ikot sa parke.
Sana, babae ang maging anak ko at maging ganito rin kaganda.
Anak niya? Sa kauna-unahan yatang pagkakataon ay nakadama siya ng excitement sa ipinagbubuntis niya. Samantalang nang malaman niyang buntis siya'y dalawang damdamin lang ang nakikilala niya — poot para kay Bradley at takot sa hinaharap pagkatapos niyang maisilang ang bata.
"Hi!" bati sa kanya ng bata nang mapansin nitong nakangiti siya rito.
"Hello," ganting-bati niya.
"Bakit malungkot ka? Wala kang kasama?" buong katabilang tanong nito.
"Wala, eh."
"Iniwan ka ng boyfriend mo?"
Natawa si Alison. "Wala akong boyfriend. Pero may —" Bakit hindi niya masabing may asawa na siya? "What's your name, little angel?"
"Tweetie."
Noon lumapit ang kasama ng bata.
"Mukhang kinukulit ka nitong alaga ko, ah. Pasensiya ka na, ha?"
"Hindi naman, cute nga, eh."
"I'm Sylla," pakilala ng maganda at seksing babaing kasama ni Tweetie. Sa tingin ni Alison ay mga kaedad lamang niya ito.
"I'm Alison."
"Bago ka rito sa Villa Royale?"
"O-oo."
"Bago rin ako rito. Actually, hindi ako tagarito. Stay-in physical therapist ako ng tito nitong si Tweetie."
"Why, na-stroke siya?"
"Naaksidente."
"Si Tito Joenard ko 'yung sikat na basketball player," buong-katabilang kuwento ni Tweetie.
"Really?"
"Yeah," si Sylla na ang nagdugtong. "Na-damage sa accident ang isang spinal cord niya. Kagagaling lang niya sa isang operation at ngayon ay tinutulungan ko siyang mapanumbalik sa ayos ang na-damage na nerves niya para makalakad siya ulit."
"Mabigat na task pala ang hawak mo. Isang athlete ang kailangan mong ibalik sa pagiging active."
"Sinabi mo pa. At ang mas mahirap pa roon, super-sungit ang pasyente kong iyon."
Super-sungit? Naalala ni Alison ang sarili nang marinig ang katagang iyon. Siguro, ganoon din ang tawag sa kanya ni Bradley. Super-sungit.
Kahit paano'y nakalimutan ni Alison pansamantala ang kanyang sitwasyon. Nalibang siya sa pakikipaghuntahan kay Sylla at tuwang-tuwa siya sa katabilan ni Tweetie. Inimbita pa nga siya ng dalawa sa bahay ng mga ito.
Tanghali na nang makabalik siya sa bahay ni Bradley.
Inabutan niyang masayang nanananghali ang mga kawaksi.
"Kain na, Ma'am. Pasensiya na kayo, nauna pa kaming mananghalian sa inyo." Napatayo ang driver na si Steve.
"No, it's okay. Ituloy n'yo lang ang pagkain n'yo."
"Ipaghahain ko na kayo, Ma'am," si Bertha.
"Huwag na. Naimbitahan ako ng mga bagong kakilala sa neighborhood. Naki-lunch ako sa bahay nila."
Papunta na siya sa bedroom nang may maalalang itanong.
"Hindi pa ba tumawag si Bradley? I mean, ang Sir n'yo?"
"H-hindi pa, Ma'am."
Parang nakalimutang may iniwan siya rito. Silly, ano ba itong nangyayari sa kanya? Bakit hinahanap niya ang taong sabi niya'y ayaw niyang makita?

"BAKIT dito kayo nag-i-stay sa Villa Royale at hindi sa bahay ni Sir Bradley sa Bel-Air?" naitanong ni Bertha habang papunta sila sa supermarket. Nagpresintang sumama si Alison para hindi naman siya mainip.
Kahit nakakalibang ang kagandahan ng Villa Royale ay kung bakit parang napakabagal ng oras para sa kanya.
"A-ako ang may gusto nito. Nagustuhan ko kasi itong lugar nang una akong makarating dito. I like the place. Tahimik at parang napakalapit ko sa nature."
Alam ni Alison na hindi niya kailangang banggitin kay Bertha ang tungkol sa tunay na sitwasyon nila ni Bradley.
"Sigurado akong maraming naiinggit na babae sa inyo ngayong ikaw ang pinakasalan ni Sir Bradley. Napakasuwerte mo sa kanya, Ma'am Alison."
Tumaas ang kilay ni Alison. Ano na nga ang sinabi ni Bertha? Masuwerte raw siya at pinakasalan siya ni Bradley?"
"Bakit mo naman nasabing masuwerte ako? Dahil milyonaryo na siya?"
"Hindi lang iyon. Kundi dahil sa napakabuting tao ni Sir."
"Mabuting tao?"
"Kung hindi siguro dahil sa kanya ay hindi ko alam kung nasaan na kami ng anak ko."
"Anak n'yo?"
"Fourteen lang ako nang ma-rape ako. Nagkaroon ako ng anak. Seventeen years old na siya ngayon. "
"Nasaan siya ngayon?"
"Nasa Bel-Air, sa bahay nina Sir Bradley. Nag-aaral siya. Pinag-aaral ni Sir. Itinuring na parang kapatid. Very close sila. Katu-katulong na siya sa opisina, para naman masuklian namin ang kabutihan ni Sir."
Maraming kuwento si Bertha. Mga kuwentong pinakinggan ni Alison. Dahil naiintriga siya sa magagandang bagay na sinasabi nito tungkol sa lalaking wala siyang nakikitang maganda kundi ang panlabas na anyo.
"Nakapag-asawa ako ulit pero nagkamali ako. Noong una lang siya mabait. Naging bayolente siya at mapanakit. Araw-araw niya akong sinasaktan. Nabulag ang isang mata ko nang batuhin niya ako ng boteng binasag. Nagdilim ang isip ng anak ko kaya nasaksak niya ito. Salamat na lang sa pagtulong ng isang taong may malaking puso para sa kapwa. Tinulungan niya kaming mag-ina."
May sarili ring kuwento si Samantha.
Itinakwil pala ito ng mga magulang dahil sa kabaklaan kaya kinupkop ni Bradley. Ang pilat nito ay dala ng pananakit ng mga kapatid na sanggano at hindi matanggap ang pagkakaroon nito ng pusong pambabae.
Mabait ang gay. Masayang kausap at nakaaaliw ang pagiging talkative.
"Hindi n'yo ba nami-miss si Sir Bradley?" untag sa kanya ni Samantha habang pinanonood niya ito sa paglilinis sa garden.
Medyo natigilan si Alison. Ito ang mahirap sa pagkukunwaring ito, madalas ay kailangan niyang magsinugaling.
"Siyempre nami-miss."
"Kung ako sa inyo, Ma'am Alison, hindi ko aalisan ng mata 'yang si Sir. Napakaraming umaali-aligid na babae riyan. Baka malingat kayo, e, naagaw na siya ng iba."
So what? Wala siyang pakialam kung putaktihin man ito ng isang barangay na babae. Dahil pagkatapos na maisilang niya ang anak nito, magdidiborsiyo sila. Ang mahalaga lang, hindi siya lumabas na dalagang-ina. Hindi rin nagmukhang putok sa buho ang bata dahil pinakasalan siya ng ama nito.
Pagkatapos niyon, puputulin nila ang taling nag-uugnay sa kanila ni Bradley.

Man Of My Dreams (Mr. Irresistible) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now