Presyo ng Kaunlaran

1 0 0
                                    

Marami tayong sikat na produktong pang-agrikultura sa Pilipinas gaya ng mga mangga ng Guimaras, kape sa Batangas, mais galing sa Cagayan, at asukal galing sa Negros. Sa aming lugar, tanyag naman ang napakasasarap na mga talaba at tahong. Hindi rin dapat makalimutan ang bigas na kumukumpleto naman sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino. Halos kaapat ng populasyon natin ang nakaasa rito para sa kanilang hanapbuhay subalit sa pagpapatuloy ng sunod-sunod na balakid sa ating mga magsasaka, hindi na malabong tuluyang malanta ang isang pangunahing sektor sa ating bansa.

Mahalagang bahagi ng ekonomiya natin ang agrikultura. Hindi naman kasi maikakalang perpekto ang Pilipinas para dito dahil bukod sa katamtaman lamang ang klima, marami rin tayong mga ilog na nagsisilbing natural na irigasyon para sa mga lambak at kapatagang makikita sa buong bansa. Hindi rin siyempre dapat palagpasin ang karagatang pumapalibot sa kapuluan ng bansa na punong-puno ng mga lamang-dagat. Isa ang Pilipinas sa mga itinuturing na nangunguna sa sektor ng agrikultra sa mundo. Nariyan ang mga sakahan, palaisdaan, at pati na rin ang iba't ibang hayop na matatagpuan sa kabukiran.

Samantala, hindi na rin bago sa mata ng mga taong nakatira sa Kamaynilaan ang makakita ng mga gusaling itinatayo, sinasabing senyales ng isang bayang umaasenso. Madalas ding itinatambal sa pagpapagawa ng mga nabangggit na gusaling ito ang reclamation projects na nagpapalawak sa ng mga lupaing tatayuan naman nito. Laging pinapangako ng mga nakaupong politiko sa mga Pilipino ang kaunlaran subalit ano nga ba ang kapalit nito?

Ilang dekada nang nagpapatuloy ang penomena ng pagtatambak ng buhangin sa karagatan natin para magpatayo ng iba't ibang imprastruktura. Nariyan ang Bay City, o ang kasalukuyang Manila Bay Freeport Zone, na inumpisahan pa ni dating First Lady Imelda Marcos sa administrasyon ng kaniyang namayapang asawa na si Ferdinand Marcos Sr. Itinayo riyan ang Philippine International Convention Center, Manila Film Center, at Coconut Palace. Tila panukala na itong nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon, sa programang "Build, Build, Build" ng dating Pangulong Duterte at ng "Build, Better, More" ng kasalukuyang Presidenteng Bongbong Marcos, anak ni Imelda at Ferdinand Sr. Hindi lamang ito limitado sa Kamaynilaan at, sa kasalukuyan, mayroon na ring limang kasalukuyang reclamation projects sa lalawigan ng Cavite.

Lumaki ako sa lungsod ng Bacoor, ang tinatawag na kaharian ng dinastiyang Revilla, at matapos tumira dito sa loob ng dalawang dekada, matatawag ko na ang sarili kong isang ganap na Kabitenyo. Napakikinabangan ko pati ng mga kapwa-Kabitenyo ko ang ilan sa mga imprastrukturang itinayo sa karagatang tinambakan ng lupa. Nangunguna na riyan ang ginhawa sa pagco-commute na bunga ng Manila–Cavite Toll Expressway Project, mas kilala rin sa tawag na Coastal Road sa aming mga Kabitenyo o CAVITEX para naman sa mga dayo.

Ngunit sa bawat metro ng lupang nakukuha mula sa reclamation projects, tila doble naman ang balik ng tubig sa aming bayan. Ayon kay Dr. Eugene Herrera, ginugulo ng mga reclamation project ang natural na daloy ng mga ilog at taog ng dagat. Pinagtibay rin ni Fernando Siringan, isang eksperto sa agham-pandagat at panlupa, na maaaring magbunga ang reclamation projects sa mas mabilis na pagguho ng baybayin. Isa ang coastal eroson sa mga pangunahing sanhi sa likod ng mabilis na pagtaas ng lebel ng tubig sa Metro Manila, kasalukuyang tatlong beses na mas mabilis kumpara sa global average. Mababatid din ito sa Cavite dahil bumibilis na rin ang pagbaha sa mga komunidad naming malapit sa karagatan simula nang magkaroon ng mga karugtong na proyekto ng Coastal Road.

Dagdag pa rito, hindi lamang baha ang idinudulot ng mga reclamation project kundi pati na rin ang pagwasak sa kalikasan. Ilang beses na isinalaysay ng mga mangingisda ang naging epekto ng mga naturang proyekto sa look na hindi lamang isang lugar para sa hanapbuhay nila kundi bahagi na rin ng buhay ng kanilang komunidad. Malinaw noon ang tubig sa Manila Bay subalit naging maputik na ito ngayon at pinalitan na ng basura ang dating napupuno ng bakawan. Ayon sa mga eksperto, tinatayang 26,234 na ektarya ng bakawan, bahura, baybayin, at lawa ang sisirain ng land reclamation sa Manila Bay. May mga batas man sa bansa na may kapangyarihang iwasan ito, hindi naman binibigyan ng pangil ang mga ito ng mga tauhan ng pamahalaang may hawak ng kapangyarihang ito kaya masasabing palpak ang mga polisiya ng gobyerno para sa agrikultura.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 23 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tinta II: Ikalawang DekadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon