Book-Lee Blues

24 5 2
                                    

Isang buwan bago ang ika-tatlumpong araw ni Book-Lee...

YUMANIG ang buong kalupaan ng aming bayan. Maririnig ang iba't ibang hiyawan sa iba't ibang sulok ng aking bahay. Maliit lamang ang aking tahanan kaya ramdam ng bawat dingding ko yanig sa labas.

Ang naaalala ko, kontentong-kontento ako sa maliit na espasyong meron ako. Kahit na maliit lang iyon, napakainit at napakakomportable sa lugar ko. Iyong lugar na hindi ka mauumay lalo na kapag malamig ang panahon. Sa loob ng espasyong iyon, natuto akong mahalin ang sarili ko. Natuto akong magpalaki ng katawan at maging masaya sa kung anong meron ako.

Ako bilang isang mamamayan, hinayaan ko silang mag-i-ingay sa labas. Sino ba naman ako para makipaghagikgikan sa kanila at makipag-iyakan. Hindi ko naman sila kilala.

Ilang minuto ang itinagal ng paggalaw ng aking dingding. Hindi ko alam kung paano ko naramdaman ang kakaibang sikip sa dibdib at kalauna'y lumalamig ang aking paligid. Sa sobrang pag-aalala ko, kumatok-katok ako sa pader na malapit sa akin. Umaasa akong makakalabas ako sa bahay. Doon ko nalamang may bukasan pala ang bahay ko. Hinawi ko ang nauuwang parte at bumungad sa akin ang nakakabulag na liwanag ng mundo.

"Ano'ng nangyari rito?" Nag-aaalinlangan man, sinubukan kong lumabas sa bahay upang mas makita ng malinaw kung anong nangyayari sa labas at kung saan nanggagaling ang mga hiyawan kanina.

Malamig. Sobrang lamig ng hangin na dumadampi sa aking balat.

"Ano ba'ng nangyari rito?" Makailang tanong ko sa hangin.

Kung ikukuwento ko kung anong itsura sa labas ng bahay ko, nasa pinakailalim iyon. Maraming kabundok na bahay ang makikita sa labas. Nagpatong-patong ang mga ito na hindi ko akalaing ganoon pala ang itsura sa labas.

Ang buong akala ko, kaya napakakomportable sa loob ng bahay ko, ay dahil sa mga dingding nito. Nagkamali ako.

Kaya pala ganoon ang temperatura sa loob ay dahil magkakadikit at magkakapatong ang mga bahay. Akala ko ako lang ang mag-isa sa mundo. Pero ngayon, hindi ako makapaniwala sa dami namin.

Pare-parehas kami ng mga kulay. Ang iba sa amin, mas malaki kumpara sa katawan ko. Mangilan-ngilan sa kanila ay may buhok sa bawat parte ng kanilang katawan. Nakakadiri.

"Ah-puwede po bang magtanong?" tanong ko sa isang kagaya ko na kalalabas lang sa bahay niya. "Ah, ano bang itatawag ko sa inyo?"

Tinapunan lang ako ng tingin ng kaharap ko saka siya nagsimulang maglakad papunta sa kumpulan ng mga kauri namin.

"Ano ba talagang nangyayari!" Litong-lito. Ikinalat ko ang aking paningin sa malabuhangin na mga kagaya ko.

Habang abala ako sa pagmamasid sa kapaligiran, biglang pinukaw ng pesteng nakasuot ng kulay abong balabal ang aking aming atensyon. "Pinatawag ko kayong lahat para ipaalam ang mga kailangan niyong gawin. Sa anim hanggang siyam na araw, hindi kayo maaaring lumabas sa mga bakod," tinuro ng nagsasalita sa harapan ang mga bakod na nakapalibot sa amin.

Wala pang ilang minuto ang nakalipas simula ng mahatak ako ng mga kawal ng hari na siyang nagsasalita sa amin harapan.

Mababakas ang takot sa mga kapwa kong maliit pa o ang tawag sa amin ng mga tao ay 'nimpa'. Kung ikukumpara ko ang laki ng mga kawal sa amin, para lang kaming mga kasing laki ng paa nila.

"Ano pong nangyayari? Bakit po tayo naririto? "Tanong ko sa katabi kong nakayakap sa isang parte ng kaniyang bahay.

"Hindi ko alam. Nagising na lang ako kanina dahil binubulabog ako ng mga kawal."

Paano ako makakatakas sa mga matatalim na tingin ng mga kawal kung pati ang mga kasama ko rito ay hindi alam kung anong nangyayari.

"Naririto kayo upang maipahayag namin ang inyong layon bilang isang mamamayan ng Bukabook." Tumahimik ang paligid, ngunit ang mga tanong sa aking isipan ay hindi mapirmi.

Book-Lee BluesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon