Ting ting ting, tunog ng kampana, pagsapit ng hapon
Mga bata, trabahador, pamilya, muli ay nagtipon
Kasama sa pagkain, tawanan, at kulitan sa konting panahon
Lahat ay nagnanais magpahinga sa mapayapang hapon.
Tawag ni Nanay ay naririnig sa buong barangay
"Umuwi kayo at matulog!" sigaw niya sa bunso at panganay
Meryenda pagkagising, ang pangako
Panganay at bunso, mabilis na tumakbo
Banda alas kwatro, mga bata ay naglalaro
Tagu-taguan, tumbang preso, at patintero
May nanay na naglilinis, ang iba naman nagtsitsismis
O hapon, iyong kapayapaan ang tanging nais.
Sa langit, kulay dilaw, kahel, pula, araw ay nagpapahinga,
Ang huling ganda ng hapon, sa liwanag nagmumula.
Nasa unibersidad, nakatayo sa oberpas,
Papalubog na araw, ayaw kong lumipas.