Chapter 1

2.7K 28 2
                                    

CHAPTER ONE

"JASMINE?"
Tinatapos ni Jasmine ang huling chapter ng nire-review niya para sa nalalapit na Bar exam nang marinig ang pagtawag ng mommy niya mula sa labas ng kanyang silid. Late na siyang nakapagsimulang mag-aral dahil dumating ang Ate Jessica niya para ipakilala sa kanila si Matthew, ang lalaking mapapangasawa nito. Buong weekend tuloy hanggang sa makaalis na uli ang mga ito na hindi siya nakapag-review.
Nang buksan ang pinto ay hindi ang mommy niya ang nabungaran kundi si Jeremiah, ang bunso niyang kapatid. Nakapamaywang ito habang nakataas ang isang kilay. "Ate Jas, alam mo 'yang kaaaral talaga, nakakabingi, 'no? Kanina ka pa kaya tinatawag ni Mommy."
Tulad ng dati at tulad ng alam nitong magiging reaksiyon niya, natawa lang si Jasmine sa pagmamaldita ng kapatid. Baklang-bakla ito pero mahal na mahal niya. "Ano'ng meron, Iyah?" tanong niya. Palayaw ni Jeremian ang "Iyah."
"Sasabihin ko sa 'yo pero kailangan mo munang uminom ng pampakalma."
Kumabog ang kanyang dibdib sa sinabi nito. "Ano ba 'yon?"
"Magsuklay ka muna kaya ng buhok. Baka diyan na magpugad ang mga manok ni Lolo."
"Kapag hindi mo pa sinabi, ikaw na ang ipansasabong ko," banta niya sa kapatid.
"Hindi mo kaya, 'no," malakas ang loob na sabi nito.
"Wanna bet?"
"Sige na nga. Nasa labas si Milton mo."
Natigilan siya... nang matagal.
"Hoy, Ate! Hoy!" sabi ni Jeremiah, niyugyog pa ang balikat niya.
"Huh? Si Milton?"
"Ay, patay tayo riyan." Itinirik nito ang mga mata. "Yes, Milton. As in, Milton 'Tonton' Esguerra, ang tangi mong pag-ibig."
Tinampal ito ni Jasmine sa braso. "Hoy, Jeremiah, huwag na huwag mo ngang masabi-sabi 'yan at baka may makarinig sa 'yo. Hindi ko tanging pag-ibig si Milton, 'no. Anyway, ano'ng ibig mong sabihing nandito siya? 'Di ba, nasa Solomon Islands siya?" Mayamaya ay napaisip siya. Naalala niyang minsan nga pala ay nag-iwan si Milton sa kanya ng message online na uuwi ito sa Pilipinas. "Seryoso ka ba, Iyah? Nandito talaga si Milton?"
Tumango ito. "Ganyan ba ang hindi in love do'n sa tao? Pati dulo ng buhok mo, 'Te, nagba-blush."
"Hindi, 'no!" mariing tanggi niya.
Umingos si Jeremiah. "Echosera ka, Ate Jas. In denial ka pa riyan. Kung sina Mommy at Ate Jess ay nadya-japeyk mo, ibahin mo ako. Nakita na kaya kitang umiyak no'ng—"
"Shut up!" singhal niya. Pinandilatan pa niya ito para tumigil na sa pagsasalita. Nagparoo't parito siya. Hindi niya alam ang gagawin.
"Hoy, Ate!" tawag nito.
Nilingon niya ang kapatid. "Ano?"
"Gusto mo bang tulungan kitang magsuklay? O bubuhusan muna kita ng tubig para matauhan ka?"
Umupo si Jasmine sa gilid ng kanyang kama. Mayamaya ay isinubsob niya ang kanyang mukha sa mga kamay. Ilang beses siyang huminga nang malalim para lumuwag ang kanyang dibdib. "Ano ba kasi ang ginagawa ni Milton dito? Wrong timing siya, alam mo ba 'yon? Kailangan kong mag-concentrate para sa Bar exam. 'Tapos mag-aasawa pa si Ate..." Natutop niya ang kanyang bibig. "Oh, my God! Alam na kaya niyang mag-aasawa na si Ate? Ano'ng gagawin ko kapag nagtanong siya?"
"Magpapakalma?" sagot ni Jeremiah.
Ang balak ni Jasmine ay irapan ito. Pero pagtingin niya sa kapatid ay may umagaw sa kanyang atensiyon. Sa tabi ni Jeremiah ay naroon ang drawer kung saan nakapatong ang nakakuwadrong larawan ng Ate Jessica nila noong JS Prom nito. Sa larawan ay nakaakbay si Milton sa ate niya na para bang sinasabing sa tabi ng kanyang ate ang lugar nito.
Iyon ang problema ni Jasmine. Ang gusto niya ay siya ang nasa lugar ng ate niya. Gusto niyang siya ang babaeng nasa puso ni Milton at hindi ang kapatid.
Napabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung magkakatotoo o mananatiling pangarap na lamang ang pangarap na iyon.

"HI, JASMINE!" nakangiting bati ni Milton nang sa wakas ay bumaba siya para harapin ito.
Tumayo pa ang binata mula sa pagkakaupo sa sofa kaya napansin niyang parang tumangkad ito. Iyon lang ang ipinagbago nito. Naroon pa rin ang mga cute na dimples nito, ang matangos na ilong, at ang mga matang nakangiti na animo may itinatagong kapilyuhan.
"Ikaw pala, Milton. Upo ka uli. Kailan ka pa dumating?" tanong niya. Ipinagpasalamat niyang kalmado ang kanyang tinig nang magtanong siya. Pinigilan niya ang sariling sugurin si Milton ng yakap. Limang taon din itong nawala kaya na-miss niya nang labis.
Umupo uli si Milton bago sinagot ang kanyang tanong. "Kanina lang. Dito nga agad ako nagpunta. Nagkita nga pala kami ng ate mo sa gas station."
"Ah..." tanging nausal niya. Napagawi ang kanyang paningin sa hawak nitong paper bag.
"Kasama niya ang magiging asawa niya."
Dagling napatingin si Jasmine kay Milton nang marinig ang sinabi nito. Pinagmasdan niya ang mukha ng binata. Pilit na binasa niya roon ang damdamin ni Milton sa nalaman. Nakita niya ang lungkot sa mga mata nito.
"May pasalubong nga pala ako sa 'yo."
Tinanggap niya ang iniaabot na paper bag ni Miltom. Kinilig siya nang bahagyang dumaiti ang kamay nito sa kanyang kamay. "Thank you, ha?" wika niya.
Habang inilalabas ni Jasmine ang pasalubong ni Milton ay napansin niyang sila na lang palang dalawa ang tao sa sala. Nang bumaba siya ay naroon ang mga magulang at ang lolo niya. Malamang na kagagawan ni Jeremiah ang paglaho ng mga kapamilya. Noon pa man ay suportado nito ang damdamin niya para kay Milton.
Inilabas niya mula sa paper bag ang pasalubong sa kanya ng binata. Isang beaded bracelet iyon na nakabalot sa isang scarf na maaaring gawing headband. Dilaw ang kulay. Hindi niya alam kung tsamba lang iyon o naalala ni Milton na dilaw ang paborito niyang kulay.
"Here, let me help you," alok nito nang subukan niyang isuot ang bracelet.
Nag-init ang mga pisngi ni Jasmine nang tumabi ito sa kanya. May naulinigan siyang impit na tili. Alam niyang galing iyon kay Jeremiah. Makakatikim talaga sa kanya ang kapatid niyang iyon.
Hawak na ni Milton ang magkabilang dulo ng bracelet. Mayamaya pa ay maingat na ikinabit iyon ng binata sa braso niya.
"Thanks," sabi niya pagkatapos na pagmasdan ang suot nang bracelet.
Tumingin ito sa kanya. "You're welcome," nakangiting sabi nito.
"Milton?" pukaw niya nang magtagal ang binata sa pagtitig sa kanya.
Ngumiti si Milton. "Ang laki ng ipinagbago mo. You're all grown-up now," komento nito.
Natawa si Jasmine. Nasa third year college siya nang umalis ito para mangibang-bansa kasama ang buong pamilya. "Ang tagal mo kasing nawala," aniya.
"Oo nga, eh." Tumawa rin si Milton. Lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin nito at gayundin ang mga biloy sa magkabilang gilid ng mga labi. "Pero tama ang ate mo."
"Tama?"
"Kamukha mo nga pala talaga si Mama Mary. Ang sabi sa 'kin dati ng ate mo, kapag nagdarasal siya kay Mama Mary ay naiisip ka niya dahil kamukha mo raw 'yong rebulto."
Napangiti siya. Maraming beses nang sinabi iyon sa kanya ng ate niya. "Si Ate talaga..."
"Kaya nga nang minsang mapadpad ako sa isang grotto ni Mama Mary sa Solomon Islands, ikaw agad ang naisip ko. Doon ko binili 'yang scarf. Saka naalala kong favorite color mo ang yellow."
"Talaga?" Masayang-masaya siya dahil kahit nasa malayo si Milton ay naalala siya nito.
"Talaga," sabi nito, tila saglit na nag-isip bago muling nagsalita. "'Yong mapapangasawa ni Jessica, matagal na ba niyang boyfriend 'yon? How come hindi man lang niya nabanggit sa akin?"
Maingat na sinagot ni Jasmine ang tanong ni Milton. Hindi niya sinabi ang tunay na dahilan kung bakit magpapakasal ang ate niya kay Matthew. Una, gusto niyang protektahan ang kapatid. Pangalawa, ayaw niyang dagdagan pa ang sakit ng kalooban na nadarama ni Milton.
Pagkalipas pa ng ilang minutong pag-uusap ay nagpaalam na ang binata. Pagkaalis ni Milton ay sinubukan niyang isuot sa ulo ang scarf na bigay nito. Pagkatapos ay tinitigan niya ang repleksiyon sa salamin para alamin kung kamukha nga ba niya si Mama Mary. Kung may eye bags si Mama Mary ay magkamukha nga sila.
Pumasok si Jeremiah. "This song is dedicated to my Ate Jasmine." Pagkasabi niyon ay nagsimula itong kumanta. "Kung ako na lang sana ang iyong minahal, 'di ka na muling mag-iisa. Kung ako na lang sana ang iyong minahal, 'di ka na muling luluha pa. 'Di ka na mangangailangan pang humanap ng iba. Narito ang puso ko. Naghihintay lamang sa 'yo. Kung ako na lang sana..."
"Iyah, kapag hindi ka pa tumigil sa pagkanta, aahitan kita ng kilay kapag natutulog ka!" banta niya.
Tumawa ito nang malakas. Pero tumigil man sa pagkanta, hindi naman huminto ang kapatid sa panunukso. "'Ganda ng bracelet mo, 'Te."
"'Kakainis ka," sabi niya pero masuyong hinaplos ang bracelet.
"Saka mas maganda ka ngayong araw, 'Te."
"Sasampalin na talaga kita!"
"Babalik daw si Milton, 'di ba? Punta na tayong Quiapo ngayon pa lang. Bili tayo ng gayuma."
"Iyah!"
Nanulis ang nguso nito. "Tumutulong lang naman 'yong tao."
"Wala ka bang pupuntahan ngayon?" tanong niya.
Tumingin si Jeremiah sa suot na relo, mayamaya ay tumili. "Gagawa nga pala kami ng mga groupmates ko ng project. Sige, Ate, fly na ako."
"Mabuti naman," aniya.
Binalikan ni Jasmine ang pagre-review nang makaalis na ang kapatid. Pero itinigil din ang ginagawa dahil walang pumapasok sa isip niya sa binabasa.
Kasalanan mo 'to, Milton, eh...
Itiniklop niya ang binabasang libro at nagpasyang lumabas ng bahay. Bibili siya ng chips sa tindahan sa kanto. Nagpaalam siya sa mommy niya bago lumabas ng bahay.
Malayo-layo pa ay natanaw na ni Jasmine ang mga kalalakihang nakatambay sa harap ng tindahan. Hindi siya nailang na lumapit dahil tambayan talaga ng mga ito ang tindahan at ang kalimitang tao roon ay mga kakilala na niya.
"Ikaw pala, Attorney!" anang isang lalaki pagkakita sa kanya.
"Attorney" na ang tawag kay Jasmine ng ilang kapitbahay nila mula nang magtapos siya ng Law kahit hindi pa nakakakuha ng Bar exam.
Tiningnan ni Jasmine ang tumawag. Si Joman iyon. Ka-batch ito ng ate niya sa high school. Napangiwi siya nang makita ang katabi nito—dili't walang iba kundi ang lalaking dahilan kung bakit wala siyang maintindihan sa nire-review.
"Nakikilala mo ba siya, pare?" tanong ni Joman kay Milton.
"Oo naman. Galing nga ako sa kanila kanina. Saka nakaka-chat ko 'yang si Jas sa Internet paminsan-minsan. Lately lang hindi. Busy pala kasi ang abogado." Sinabi ni Milton ang huling salita na para bang proud ito sa kanya.
"Hindi pa ako abogado," pagtatama niya sa mga ito. "Kailangan ko pang pumasa sa Bar."
"Naku, pagdududahan pa ba natin kung papasa ka o hindi?" ani Joman.
"Oo nga naman, Jas," segunda ni Milton.
"Kayo talaga..."
"May bibilhin ka ba?" tanong ni Milton.
Tumango siya. "Chiz Curls."
Tumawa ito. "Iyon pa rin? Mahilig ka pa rin sa Chiz Curls?"
"Bakit mo alam na mahilig ako sa Chiz Curls?" nakakunot-noo pero nakangiti ring tanong niya.
Lalong lumuwang ang pagkakangiti ni Milton. "Kasi po, ako lagi ang bumibili ng Chiz Curls na ipinapasalubong sa iyo ng ate mo. Halika na. Ako uli ang bibili para tulad lang ng dati."
Masyado siyang kinikilig para tumanggi. "Sige," pagpayag niya.
Nagpalit-lipat ang tingin ni Joman sa kanila ni Milton. "Ako, Ton, hindi mo ba ako bibilhan ng Oishi? Paborito ko rin 'yon dati pa," sabi nito pagkatapos.
"Sige na nga, ikaw rin," wika ni Milton. Dumukot ito ng pera mula sa bulsa ng pantalon. Ito rin ang nag-abot sa kanya ng binili niyang Chiz Curls. "Makikitambay ka ba o iuuwi mo 'yang sitsirya?" tanong nito.
Gustong isagot ni Jasmine ang una dahil gusto pa niyang makasama ang binata. Pero naalala niya ang kanyang nire-review. "Uuwi na."
"Okay. 'Hatid na kita."
Pakiramdam niya ay tumalon ang kanyang puso dahil sa sinabi ni Milton. Napansin niyang pinapanood sila ni Joman kaya niyaya na si Milton paalis.
Nanghinayang siya nang makarating agad sila sa bahay.
"Hindi na ako papasok, ha?" sabi nito.
"Sige. Salamat sa Chiz Curls."
"Sus! Iyan lang naman, eh. You're welcome."
Hinawi ni Jasmine ang buhok na tumabing sa kanyang mukha. "Goodnight," sabi niya.
"Goodnight, Jas. It was nice seeing you again."
"Ikaw rin," tugon niya.
Pero hindi kumilos si Milton para umalis. Sa pakiwari ni Jasmine ay may nakita itong kung anong kamangha-mangha sa kanyang mukha.
"Papasok na ako," sabi niya bago pa siya malunod sa mga titig nito.
Nagkamot ito sa batok. "Yeah. Ingat ka."
"Ikaw rin," tugon niya.
"Goodnight."
Tinanguan niya ang binata. Pumasok lang siya pero hindi agad umalis sa gate. Sinundan pa niya ito ng tingin hanggang sa mawala sa kanyang paningin.
Napabuntong-hininga si Jasmine nang maalala ang kantang inawit ni Jeremiah. Bagay na bagay ang lyrics ng kantang iyon sa kanya.
Kung sana ay siya na lang ang mahal ni Milton...

Second Best - Angel BautistaWhere stories live. Discover now