Ayoko ng pagtugmain ang bawat kataga
Dahil hindi naman iyon ang mahalaga
Kundi kong paano ko nagawang maipadama
Ang mensahe sa likod ng bawat tugma.Ngunit hindi ko magawang iwasan
Pilitin ko man ng kalimutan
Tila ba isang tadhana at pilit nitong pinagtutugma
Itong mga pantig at letrang nalilikha.Tulad ng pagpilit kong kalimutan ka.
Paulit ulit ko mang iwaglit Ang mukha mo sa aking isip
Paulit ulit at pilit ka pa ring sumisingit
Tulad ng isang makulit na bulati sa puwit.Ngunit teka, naisip kong teka nga
Ang paulit ulit kong paggamit ng ganitong istilo ay medyo nakakaumay.
At ayoko namang ikulong ang sarili at maipit sa isang kuwadra at magmukhang eskoba na pilit nagmamaganda.Tulad ng ayokong makulong sa iyong mga alaala.
Tulad ng ayokong malunod sa iyong huwad na pagmamahal.
Tulad ng ayokong maparalisa
At malanta at mawalan ng saysay
Mawalan ng saysay
Mawalan ng buhay at mangisay ng nakanganga at nangangalumata.Kaya unti unti kong lalayuan ang pagtutugma
At hahayaan ko na maging malaya
Mula sa apat na sulok ng dati kong pagkatao
Mula sa dating pagmamahal ko sa iyo
Mula sa dating ako na walang kabuhay buhay
Walang kadating dating.Unti unti ay kakalimutan ko
Kung papaanong bagay na bagay sa akin ang Apelyido mo na wala namang kaganda ganda.
Kakalimutan ko kung paano mo bigkasin
Kung gaano kabini
Teka, paano nga ba?
Paano mo nga ba binibigkas ang aking pangalan?
May lambing?
Pasigaw?
O malamya?
Hindi ko na maalala
Ngunit hindi naman yun importante
Sapat ng alam ko
Na kaya kong kalimutan
Ang pagtutugma
Dahil kung nagawa kong kumawala, makatakas
Ay magagawa ko ring kalimutan
Kung kaya kong kalimutan ang pagtutugma
Kaya ko rin kalimutan, kaya kong lunurin, sakalin, ilublob, iprito, isako, at ipaanod sa estero
Dun sa kung saan abot impyerno ang aroma
Kung kaya kong ang pagtutugma ay limutin
Kaya rin kitang kitlin sa aking puso,
Isip, katawan, pawis, at sa namamaos ko ng boses.
Kaya adios, paalam, sayonara.
Tapos na'ko sa'yo tol.
Paalam na sa bobong ako.