⛅ 01

44 0 0
                                    

Naalala mo pa ba 'yung mga sandaling napakasimple lamang ng buhay? 'Yung mga oras na sobrang sarap balik-balikan. Tulad ng simpleng pagdungaw sa bintana at pag-angat ng tingin sa langit, bigla-bigla mo na lang mapagtatantong lumilipas na pala ang oras maya-maya.


Kung minsan ay basta-basta ka na lang din napapahanga sa mga kawan ng ibon na lumilipad sa himpapawid. Sa bawat banayad na pagtaas-baba ng kanilang pakpak, lalo silang umaangat at mabilis na nararating ang kanilang paroroonan.


Sana gano'n na lang din kadali ang buhay nating mga tao. 'Yung simple lang at madaling abutin ang nais nating makamtan. Siguro kung ganoon ang mangyayari, madali lang para sa akin na maging isang mamamahayag sa hinaharap at nagtatrabaho para sa isa sa mga pinakamalaking news network dito sa bansa.


Gusto kong maging isang mamahayag balang araw kasi naniniwala akong tulad sila ng mga ibon. Itinuturing nila ito bilang isang misyon na lakbayin ang magulo at malawak na paligid ng impormasyon, handang lumipad tungo sa kaharian ng katotohanan at pagbabago, dala-dala rin ang layuning itama ang bawat baluktot na salita't kwento.


Sila ang nagsisilbing boses ng bayan at trabaho nilang ilathala't bigyang-saysay ang mga pangarap at pakikibaka ng mga taong karaniwan. Sa bawat pagsulat, bawat pananalita, at bawat pagharap sa kamera, sila ang nagiging instrumento ng pag-asa, at at nariyan sila upang tumulong na patibayin ang pundasyon tungo sa isang mas makatarungan at mas maunlad na lipunan.


Sigurado na ako sa landas na tatahakin ko kaso napapaisip na lang din ako habang nakatingin sa alapaap kung maabot ko pa ba ang pinapangarap ko.


Nakakatawang isipin na sa tuwing tinatanong tayo kung ano ang gusto nating maging trabaho ay napakadali lang na sagutin ito. Ngunit ang totoo, madali lang itong sabihin pero nakapahirap nitong abutin.


'Di ko alam kung bakit ko 'to nasasabi eh bata pa ako. Siguro ay sa murang edad, namulat na agad ako sa hirap ng buhay at napilitang harapin ang mga hamon na ibinibigay ng tadhana.


Pero sa kabila ng lahat at katulad ng lagi kong sinasabi, kaya pa rin naman siguro... 'di ba?


"Maging ibon na lang kaya ako?" Wala sa hulog kong sabi.


"Ano na naman 'yang iniisip mo, Mila?" Napalingon ako sa kaibigan kong sumulpot na lang ng biglaan sa likod ko.


"Bella! Nakauwi na pala kayo! Kailan pa?" Agad akong tumayo sa kinauupuan ko at lumapit sa kanya. Nagkaroon kasi sila ng family reunion kaya bumalik sila sa Cagayan, inabot din 'yun ng ilang araw kaya namiss ko rin 'tong babaitang 'to.


"Kahapon pa kami dumating, napagod kasi ako sa byahe kaya 'di na kita napuntahan," aniya. "O eto pala, binilhan ka ni Mama kasi 'yan ''yung paborito mo. Tatlong jar ng mani, galing pa 'yan sa Cagayan." Inabot din niya sa aking ang supot ng mga pasalubong niya.


"Wow! Salamat sa pasalubong! Buti pa si Tita, alam na alam kung anong paborito ko!" Natutuwang saad ko.


"Echosera! Ako talagang nagsabi na bilhin 'yan. Sinabi ko lang na binilhan ka kasi pera niya 'yun. Sabi nga nila, 'Give credit where credit is paid," aniya tsaka ako inirapan.

AlapaapWhere stories live. Discover now