"KABILIN-BILINAN ng señora na tayo na muna ang bahala kay Sir Calvin. Kaya naman, Consuelo, ikaw ang itinatalaga kong personal na mangangasiwa sa mga ipag-uutos at iba pang kakailanganin ni Sir Calvin. Dapat ay palagi kang nandiyan kapag may gusto siyang iutos."
Lihim na napabuntong-hininga si Consuelo habang pinakikinggan niya ang mga bilin ng kanyang Tiya Iday. Isang linggo nang iyon ang paulit-ulit na sinasabi nito sa kanya. Kulang na lang ay sabihin nitong siya ang magiging personal maid ng anak ng kanilang amo.
Kasalukuyan nilang inihahanda ang silid na gagamitin ni Sir Calvin Villena, ang nag-iisang anak ng may-ari ng hacienda kung saan sila naninilbihan ng kanyang tiyahin. Doon daw muna mananatili ang lalaki dahil kagagaling lamang nito sa isang aksidente.
Hindi pa niya nakikita ito ngunit ngayon pa lamang ay nakadarama na siya ng disgusto rito. Tipikal kasing anak-mayaman ito—spoiled, iresponsable, sakit sa ulo ng mga magulang.
Ayon sa kanyang Tiya Iday, naaksidente raw ito sa pakikipagkarera ng sasakyan. Ang masaklap pa, muntik pang makaaksidente ito at ang kalaban nito sa karera ng isang walang kamuwang-muwang na matandang lalaki dahil hindi sa isang pribadong lugar nangyari ang karera kundi sa isang public highway.
Iniwasan umano nito ang patawid na matandang lalaki kaya sumalpok ang kotse nito sa isang puno. Ayon pa sa Tiya Iday niya, binalak magsampa ng kaso ang matandang lalaki ngunit binayaran na lamang ito ng papa ng Calvin na iyon.
Napailing siya nang ikuwento iyon ng tiyahin sa kanya. Hindi lang iyon ang gulong napasukan ng lalaki buhat nang dumating ito galing ng Amerika anim na buwan pa lamang ang nakararaan. Nakipagbasag-ulo na rin ito sa isang bar. Nagpalipas na rin ito ng isang araw sa kulungan. At napaaway na rin ito dahil pinakialaman nito ang nobya ng anak ng isang mayamang businessman.
Nalaman lahat iyon ng Tiya Iday niya mula kay Manang Saling na kaibigan nito na nasa mansiyon ng mga Villena sa Maynila. Dati ring naninilbihan sa hacienda si Manang Saling ngunit nalipat ito sa mansiyon may isang taon na ang nakararaan. Tumatawag si Manang Saling sa tiyahin niya upang mangumusta at higit sa lahat ay upang ikuwento kung ano ang nangyayari sa mansiyon.
Dito rin nila nalaman ang pagdating ni Sir Calvin. At bago pa personal na matawagan ni Señora Agnes—ang pangalawang asawa ng papa ni Sir Calvin—ang kanyang tiyahin upang ipaalam ang pagbabakasyon ng lalaki roon ay nauna na iyong itawag sa kanila ni Manang Saling.
Sa tuwina ay nakakaramdam siya ng inis sa Calvin na iyon sa tuwing sasabihin sa kanya ng tiyahin niya ang mga pinaggagagawa nito. Hindi kasi ito marunong magpahalaga. Mapalad ito at may mga magulang na kumakalinga rito. Nakukuha nito ang anumang naisin nito.
Hindi nito alam kung ano ang pakiramdam ng walang-wala, ang hirap na hirap na makapagtapos ng pag-aaral. Lahat ay ibinibigay na rito. Pagkatapos ay ganoon pa ang ugali nito.
Samantalang siya ay maagang naulila sa mga magulang. Dose anyos pa lamang siya nang sabay na maaksidente ang mga ito. Nagtitinda ng mga gulay sa palengke sa bayan ang mga magulang niya. Nakasakay ang mga ito sa isang jeep nang mawalan iyon ng preno at sumalpok sa isang truck na kasalubong sa daan.
Pinsan ng nanay niya si Tiya Iday. Noon pa man ay naninilbihan na ito sa hacienda. Ito ang kumupkop sa kanya dahil ito na lamang ang natitirang malapit na kamag-anak niya. Matandang dalaga ito at alam niyang nahirapan din ito sa pag-aalaga sa kanya. Doon na rin siya tumira sa loob ng hacienda. Kasama siya nito sa servants' quarter sa villa.
Nakatapos siya ng high school. Dalawang taon pa ang lumipas bago siya nakatuntong sa kolehiyo sa kursong Animal Husbandry na itinuloy niya sa kursong Veterinary Medicine.
Nang makatapos siya sa high school ay nagpasya siyang magtrabaho muna sa bayan upang makaipon sa balak niyang pag-aaral sa kolehiyo. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, kinausap pala ni Tiya Iday si Señora Agnes upang humiram ng pandagdag sa pag-enrol niya sa kolehiyo at ibawas na lamang buwan-buwan sa sahod nito.
BINABASA MO ANG
Consuelo - Claudia Santiago
Romance" So if I should complain that all I have is not enough, forgive me. I've been given so much. I realized in a world where some have more and some have less, I am blessed for I have found you, Consuelo."