"ANO?!" MULING bulalas ni Consuelo. Talagang nabigla siya sa narinig mula kay Calvin. At hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya ang sariling tainga sa narinig.
"Ang aga-aga, high-pitched na agad ang boses mo," natatawang wika nito.
"Ano nga ang sabi mo?"
"Ang sabi ko, dalian na natin at baka mahuli ka pa sa school."
"Natin? Bakit natin?"
"Ihahatid kita."
"Ihahatid mo ako?!"
"Do you really have to shout?" reklamo nito.
"Bakit mo ako ihahatid?" Talagang hindi niya maintindihan kung bakit naisipan nitong ihatid siya sa eskuwelahan.
"Kailangan pa ba ng dahilan?"
"Siyempre. Hindi naman tayo magkaanu-ano. Ni hindi tayo magkaibigan. Kakikilala lang natin kahapon at hindi pa iyon maganda. Isa pa, amo kita."
"Ano'ng kaugnayan ng mga iyon sa paghahatid ko sa iyo?" kunot-noong tanong nito.
Ano nga ba?
"Señorito—"
"Calvin," maagap na pagtatama nito.
"Señorito, hindi mo na ako kailangang ihatid. Kaya ko namang makarating sa school namin nang mag-isa. Matagal ko nang ginagawa iyon."
"Consuelo, huwag ka nang makulit, okay? Ihahatid na kita. Ihahanda ko na ang kotse. Hintayin kita sa labas," anito at sumungaw sa dirty kitchen. "Nanay Iday, ihahatid ko na ho sa school si Consuelo," narinig niyang paalam nito sa kanyang tiyahin.
Mabilis na sumunod siya rito. Ngunit humarap na uli ito sa kanya.
"Oo raw, sabi ng Tiya Iday mo. Hihintayin na kita sa labas." Iyon lang at umalis na ito.
Naiwan siyang hindi mapakali at malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Ihahatid siya ni Calvin? Parang mas gugustuhin pa niyang magpakahirap sa pagba-bike kaysa naman mahirapan siya sa paghinga habang kasama ito.
Kahit naman kasi inis siya rito at hindi niya gustong makapalagayan ito ng loob, mistulang may sariling isip naman ang kanyang hininga at tibok ng puso. Kusang kumikilos ang mga iyon kapag kaharap niya si Calvin.
PAGLABAS ni Consuelo ay eksakto namang ipinarada ni Calvin ang kotse sa harap ng villa. Nasa loob na ito ng sasakyan. Inabot nito ang pinto sa passenger's side upang buksan.
"Sakay na," anito sa kanya.
Hindi agad siya nakakilos. Bakit ba parang gusto niyang tumakbo?
"Consuelo, sumakay ka na at hindi naman ako nangangagat," pabirong sabi nito.
Wala na siyang nagawa kundi ang sumakay. Hindi niya maibuka-buka ang bibig habang kasama ito sa loob ng sasakyan.
"Huminga ka naman," wika nito nang makalabas na sila ng hacienda. "Nasa'n na ba iyong babaeng sobrang taray at ingay na nakilala ko kahapon lang?"
Hindi pa rin siya nagsalita. Kung alam lamang nito na hindi siya makahinga nang maayos. Naiinis siya sa sarili dahil sa nararamdaman.
"Huwag mong sabihing nagka-crush ka na sa akin kaya hindi ka na nagsasalita riyan?"
Kahit hindi siya nakatingin nang sabihin nito iyon, malakas ang kutob niyang nakangisi na naman ito.
"Consuelo, I will understand. You see, I'm used to it," patuloy nito.
Iglap na lumipad ang tingin niya rito. "Ang kapal mo rin, ano? At sino naman ang nagpasok sa kukote mo na may crush ako sa iyo, aber?" inis na wika niya rito. "Kahit kailan ay hindi ako—"
BINABASA MO ANG
Consuelo - Claudia Santiago
Romance" So if I should complain that all I have is not enough, forgive me. I've been given so much. I realized in a world where some have more and some have less, I am blessed for I have found you, Consuelo."