:: ang katotohanan

2 0 0
                                    

“Ina!” Sinalubong ko siya sa tarangkahan at niyakap. “Kumusta po ang inyong biyahe? Masaya ako't nakauwi kayo ng ligtas. Gabi-gabi ko itong ipinagdarasal sa poong maykapal.” Lumapit ang ibang tagasilbi upang kunin ang kaniyang mga dala.

Siya ay galing pa nang maynila. Ang aking lolo at lola ay may negosyo doon, at bilang nag-iisang anak ay naipasa kay ina ang responsibilidad na humawak at magpalago nito. Ilang araw din siya doon kung kaya ay labis akong nag-alala at nagpapasalamat ako sa panginoon na umuwi siyang ligtas.

Ginawaran niya ako ng matamis na ngiti at marahang hinaplos ang aking pisngi. “Ang aking mapagmahal na anak. Lubos kong ipinapasalamat na biniyayaan ako ng isang anak na kagaya mo. Mahal na mahal kita.” Hinagkan niya ang ibabaw ng aking ulo.

“Doña Ysabella, binibining Allysa, handa na po ang hapag-kainan.” Anang manang Rosalie, ang ina ni Katarina na siyang mayordoma ng aming tahanan.

Sabay kaming naglakad ng aking ina patungo sa kusina kung saan handa na ang mga pagkain na nakahain sa mesang kahoy na may puting tapete. Habang kumakain ay naalala ko ang liham na dumating kaninang umaga. Itatanong ko na lamang ito kay ina mamaya.

Nang matapos kaming kumain ay nagpaalam si ina na magtungo muna sa kaniyang silid upang makapagbihis ng bagong kasuotan. Ako nama'y tumulong sa aming tagasilbi sa pagliligpit ng aming mga pinagkainan.

“Binibini, ako na ho dyan. Ito'y akin hong trabaho bilang isang tagasilbi.” Yumukod siya upang magbigay-galang sa akin.

“Ako'y tinuruan ng aking ina sa mga gawaing bahay, kaya para saan pa kung hindi ko gagawin?”

“Ngunit, binibini—”

Itinaas ko ang aking kamay upang patigilin siya sa pagsasalita. “Hayaan mo na lamang ako. Ito'y maliit na bagay lamang kumpara sa mga trabahong inyong ginagawa.” Wala itong nagawa kung hindi ang sumang-ayon ay tingnan na lamang ako.

Nang matapos sa ginagawa ay nagtungo ako sa silid ng aking ina. Kumatok muna ako upang ipaalam na papasok ako. Naabutan ko siyang nakaupo sa kaniyang lamesa habang may binabasang hindi ko mawaring kasulatan.

“Ina,” lumapit ako sa kaniya. “May tanong lang po sana ako…”

“Ano 'yon?” Tanong niya habang ang mga mata'y abala pa rin sa binabasa.

Tumikhim ako. “Ako ho ba'y nakaabala sa inyo? Ipagpaliban na lang ho muna nakin ang aking katanungan.” Yumuko ako upang humingi ng paumanhin.

Kaniyang itinigil ang ginagawa at isinantabi ang mga babasahin. “Pasensya kana anak, ngunit ika'y hindi nakakaabala sa akin. Mamaya ko na lamang basahin ang mga sulating iyan. Ano nga ba ang iyong katanungan?” Senenyasan niya akong maupo kami sa katre niya.

“Kilala niyo ho ba si Alonzo S. Baltazar?”  deritsahan kong tanong dito

Nawala ang ngiti sa kaniyang labi. Ang kislap sa kaniyang mata ay napalitan ng hindi ko mawaring emosyon. “Narinig mo ba 'yan sa mga tagasilbi?” Bahagya akong kinabahan sa kaniyang kaseryusuhan.

“H-hindi po ito nagmula sa mga tagasilbi ina. ” Bahagyang nanginig ang aking boses. “Ang totoo po niyan ay, kaninang umaga ay may liham po na dumating. N-nakasaad ho doon ang pangalan ng nagpadala. Ito po ay isang ginoo, Alonzo S. Baltazar.” Ani ko sa maliit na boses.

Nangunot ng bahagya ang kaniyang nuo. “Ano ang nilalaman ng liham? N-nasaan ang liham? Maaari ko ba itong tingnan?” Sunod-sunod na tanong nito

Nagtungo kami sa aking silid. Kinuha ko ang  sobre sa aking aparador at binigay kay ina. Kinuha niya ang liham sa loob ng sobre at naupo sa aking katre. Dinaluhan ko siya at ako'y naupo rin sa kaniyang tapat.

Habang binabasa niya ang liham ay siya ring pagbuo ng luha sa kaniyang mata. Ilang butil ang pumatak hanggang sa nag-uunahan na sa pagtulo ang kaniyang mga luha. Ako'y naging balisa at hindi malaman ang gagawin. Aking pinunasan ang mga luha nito na siyang nagpatakan na sa liham dahilan na mabasa ito.

“Oh, Alonzo… aking Alonzo…” Ito ang paulit-ulit niyang sinasambit

“Kinamumuhian kita sapagkat akala ko na ako'y iyong iniwan at nilimot. Pinaniwala ako ng aking mga magulang na hindi mo ako lubos na minahal kung kaya ay iniwan mo ako ng walang pasabi. Ngunit ang totoo pala ay sila ang may kagagawan ng lahat!” Patuloy pa rin siyang tumatangis

Ako'y naluluha na rin na tila ba alam ko ang kanilang pinagdadaanan. Batid ko na may hindi magandang pag-uugali ang aking lolo at lola, at tanyag na sila sa aming barrio bilang matapobre, ngunit hindi ko maatim na malaman na pati sa kanilang nag-iisang anak ay ganoon sila ka sakim, na kahit pa kasiyahan nito ay kaya nilang kunin.

“Sino ho ba si ginoong Alonzo Baltazar?” Nanginig ang aking boses

Tiningnan niya ako sa mata. Pinunasan niya ang kaniyang luha gayundin ang sa akin. “Siya ang una at nag-iisa kong pag-ibig. At siya… siya ang iyong ama.” Siya ay muling napahagulhol

Tila ba tumigil saglit ang aking mundo. Naging banayad ang aking paghinga. Ang mga luha ko'y muli na namang nagsipatakan. Siya… ang aking ama. Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito na sabihin ng aking ina kung sino ang aking ama.

Hinawakan ni ina ang aking magkabilang pisngi habang tumatangis. “Patawad anak kung ngayon ko lamang sinabi ang lahat ng ito. Patawad kung tinago ko ang katotohanang ito mula sa iyo. Nabalot ng poot ang aking puso sa pag-aakalang ako'y niloko at iniwan niya. Kung kaya minabuti ko na lamang na huwag sabihin sa iyo kung sino ang iyong ama sapagkat wala nang saysay pa upang malaman mo ito. Patawad, mahal ko. Huwag ka sanang magtanim ng galit sa iyong ina sapagkat hindi ko intensyon na hindi sabihin sa iyo ang totoo.” Marahan niyang hinahaplos ang aking pisngi. Basa ito dulot ng aking mga luha na walang humpay sa pagtulo.

Tila may kung ano sa aking lalamunan na sanhi ng mahirap kong paghinga. “Kay… kay tagal kong hinintay ito ina, na kayo mismo ang magsabi sa akin ng mga katotohanang ito. Kailanman ay hindi ako nagalit sapagkat naglihim ka sa akin, bagkos ay nagpapasalamat ako na dumating ang araw na ito na handa ka nang ipaalam sa akin ang lahat. Hindi ako magtatampo sa iyo ina. Mahal na mahal kita.” Akin siya niyakap ng mahigpit. Ang aking buong silid ay napuno ng aming iyakan.

LIHAMWhere stories live. Discover now