Chapter 7

374 13 0
                                    

"MOMMY, gising na, Mommy—"

Biglang napamulat si Ling. "Tenny?" bulalas niya dahil akala niya ay nananaginip siya na mayroon siyang anak at tinatawag siya.

"Nakahanda na ang breakfast, Mommy. Naghihintay na si Daddy," wika pa nito.

Mommy! Then she remembered and smiled. Ano pa nga ba ang dapat itawag sa kanya ng kambal kung hindi "mommy" dahil magpapakasal na sila ni Rob? She didn't recall accepting his proposal, pero niyakap niya ang lalaki. Ganoon na rin iyon.

"Magbibihis lang ako. Susunod na ako." She kissed the child's cheek.

Bumaba naman si Tenny.

"WHERE'S Mom? Akala ko'y gigisingin mo na siya," tanong ni Kerry sa kakambal nang makaupo na si Tenny sa hapag.

Napataas ang isang kilay ni Rob. "Mom?" aniya.

"Si Tita Ling," ani Kerry.

"Oh! Of course," ani Rob. Kaharap pa nila sa mesa ang kanyang mga biyenan. Wala siyang lakas ng loob na sabihin sa mga ito ang katotohanan. Isa pa'y hindi niya alam kung makakaya niyang saktan ang damdamin ni Ling.

"Kailan n'yo naman balak na magpakasal, Roberto?" tanong ng papang ni Ling.

Wala siyang maisip na isagot.

"Sabi ni Tita Ling—Mommy pala, hindi pa nila napapag-usapan. Pero sana sa Christmas na lang. 'Tapos, doon din sa church sa probinsya," wika ni Tenny.

Napatawa naman ang mamang ni Ling. "Dalawa ang anak ko, pero iisa ang manugang. Pero mabuti na nga iyon. At least ay kilalang-kilala ka na namin."

Ngumiti lang siya at ang pansin ay natuon kay Ling na papasok sa komedor. Nakasuot ito ng maiksing bestida na manipis ang strap. Babaeng-babae. Iyon nga lang, tie-dyed pa rin ang disenyo at violet ang kulay. Ang mahaba nitong buhok ay itinirintas kaya walang naliligaw sa mukha.

"Ang ganda mo, Mommy!" sambit ni Kerry.

Nginitian lang ito ni Ling. Naupo ito sa bandang kanan ni Rob sa mesa.

Asiwa naman si Rob. Paano ba siya kikilos sa harap ng babaing naniniwalang gusto niyang pakasalan?

NAHALATA naman ni Ling ang pagkaasiwa ni Rob at ipinalagay na niyang ganoon lang naman ang natural, lalo pa at kaharap nila ang kanyang mga magulang.

"Mamang, kailangan na ba talagang bumalik kayo sa atin?" tanong niya sa ina. Kagabi pa'y nasabi na ng mga ito na uuwi rin kinabukasan.

"Hindi naman kami puwedeng magtagal, anak. Maraming gawain sa bukid at laging kailangan ang papang mo. Tawagan mo na lang kami," anang ginang.

Pagkakain nga ay gumayak na ang dalawang matanda.

"Sasama kami, Daddy!" hiling ni Tenny nang ihahatid na ni Rob sa istasyon ng bus ang mga biyenan.

"Ako na lang. Walang kasama si Tita Ling dito sa bahay," wika nito. Nais nitong umiwas muna at makapag-isip.

"Isama natin si Tita Ling, 'tapos, pagbalik natin ay dumaan tayo sa Filinvest," request pa ni Tenny. "Sunday ngayon, family day."

"Tenny, mas malayo naman ang Filinvest kaysa bus station. Dito na lang tayo," wika ni Ling. She could sense Rob's willingness to be alone at nag-uumpisa na siyang maguluhan.

"Pero gusto naming mamasyal," giit ni Kerry.

"Okay!" sabat ni Rob. "Ihahatid ko sina Lolo at pagbalik ko, then we'll go to Alabang."

"Promise?" nagdududa pang wika ni Kerry.

"Promise," ani Rob.

PAUWI na si Rob upang sunduin ang mga anak nang matanggap ang tawag ni Espie. Hinihiling nitong magkita sila.

Suddenly - Rose TanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon