KEIFER
Kitang-kita ko ang pagtataka sa mukha ni tito Kris marahil siguro sa narinig mula kay kuya Damian. Pansin ko na nakikiramdam din si nanay sa amin kaya naman nagsalita na ako.
"Kuya Damian," pagkuha ko ng atensiyon ng machong sekyu na nakatayo ilang metro ang layo sa amin. Nang makuha ko ang atensiyon niya ay itinuro ko si tito na nakatayo sa aking likuran. "Si tito Kris, kapatid ni tatay. Kakauwi lang niya galing US," pakilala ko kay tito kay kuya Damian at saka ako gumilid upang makita nila nang maayos ang isa't-isa.
Nakita ko ang pagguhit ng tipid na ngiti sa labi ni kuya Damian. Hindi siya nagdalawang isip na lumalapit sa amin ni tito saka niya kinamayan si titi Kris.
"Nice to meet you po," bati niya kay tito.
Maayos na tinanggap ni tito Kris ang pagkamay niya ngunit hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo niya. Isa lang ang ibig sabihin noon. Hindi niya pa nakukuha ang impormasiyon na gusto niyang marinig mula sa akin patungkol dito sa kasama kong sekyu.
"Tito, siya po si kuya Damian, manliligaw ko," pakilala ko sa kay kuya Damian.
Napansin ko namang nalinawan na siya sa mga sinabi ko at pagraa'y nawala na rin ang pagtataka sa mukha niya.
"This man got the looks. Hindi ko inaasahang lalaki ang magiging karelasiyon mo, Keifer. I thought I was the only gay person in our family. I'm glad you found your identity at a young age, unlike me, who remained in the closet for almost 30 years before coming out," paliwanag ni tito Kris dahilan para mapanganga ako. Hindi ko alam kung magugulat ako dahil hindi niya inaakalang lalaki ang manliligaw ko o dahil sa rebelasiyong sinabi niya ngayon sa amin.
Napansin niya siguro ang pagkagulat sa aming mga mukha kaya bahagya siyang tumawa. "Nagulat ko ba kayo? Sorry, Tofer was the only one who knew about my sexuality."
Ngayon ay alam ko na kung bakit noong nandito pa siya sa Pilipinas ni minsan ay wala man lang siya pinakilala sa aming babae na nililigawan niya. Hindi ko lang talaga inaasahan na sasabihin niya 'yon dahil base sa pagsasalita at pagkilos ni tito ay wala akong maramdamang pagka-bakla. Hindi siya malamya kumilos at hindi rin mahinhin magsalita. Sa katunayan ay brusko siya gumalaw at buong-buo ang boses niya kaya nakakagulat lang na sasabihin niyang bakla siya.
"We will have a dinner outside. You might as well join us. My treat," sabi pa ni tito Kris kay kuya Damian bago siyang muli bumalik sa loob ng kwarto.
"Kape? Malamig na tubig?" tanong ko sa kaharap kong gwapo at machong sekyu. Puring-puri na ang isang 'to sa isipan ko!
"Tubig na lang po," magalang niyang sabi kaya naman hinila ko siya patungo sa rattan na upuan at saka siya pinaupo rito. Inasikaso ko na rin ang tubig na iinumin niya at pagkaraa'y iniabot sa kaniya ang basong may laman na malamig na tubig.
"Kamukhang-kamukha ng tatay mo ang kapatid niya," komento ni kuya Damian nang makuha ang baso ng tubig.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni nanay na nakaupo rin sa kabilang dulo ng inuupuan ni kuya Damian.
"Madalas talaga ay napagkakamalang kambal ang magkapatid na 'yon kahit na isang taon ang tanda ni Kristofer kay Kris," sambit ni nanay. "Maiwan ko muna kayo riyan at aayusin ko lang ang dadalhing gamit sa ospital ni tatay mo. Didiretso na kasi ako ro'n pagkatapos nating kumain sa labas," dagdag niya pa habang nakatingin sa akin.
Ngayon ay naiwan na kaming dalawa ni kuya Damian sa sala. Medyo nakaramdam ako ng bigat sa hangin dahil naging tahimik pansamantala sa pagitan namin ni kuya Damian. Kahit kasi na nagkaayos na kami noong nakaraan ay hindi ko pa rin maiwasang mapaisip sa mga natuklasan kay kuya Damian. Hanggang ngayon ay nagsisilbi pa ring hiwaga sa akin ang pagkakakilanlan ng taong bumisita noon sa apartment maging ang sumundo sa kaniya noong nakaraang araw. Minsan ay naiisip ko kung madalas ba sila magkasama o kung ano ang lagi nilang ginagawa kapag wala ako. Hangga't hindi ko alam kung ano ang relasiyon nilang dalawa ay hindi matatahimik ang isip ko sa mga bagay na gumugulo rito. Sana lang ay hindi ako masaktan sa bandang huli.
![](https://img.wattpad.com/cover/351547954-288-k262758.jpg)
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) TO BE PUBLISHED UNDER BIBLIOTHEQUE PUBLICATION
General FictionCOMPLETED - TO BE PUBLISHED UNDER BIBLIOTHEQUE PUBLICATION - Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hi...