KABANATA IV

3.7K 118 15
                                    

KEIFER

Nagluluto ako ngayon ng ulam namin ni tatay. Paksiw na bangus ang naisip kong lutuin dahil isa ito sa mga paborito niya. Nagulat na lang ako nang pumatak ang luha mula sa aking mga mata kaya agaran ko itong pinunasan pero dumagsa ang mga ito't napuno nito ang mga pisngi ko.

Luto naman na ang ulam kaya hinango ko na mula sa kalan de uling saka ko pinagtuunan nang pagpansin ang pagpahid ng mga pisngi, umaasang masasaid ang mga luhang patuloy sa pag-agos.

Tatlong araw na ang nakalipas simula ng insidenteng naganap noon sa guard house dahil kay tatay. Sa tatlong araw na 'yon ay hindi na muli pang nagpakita si nanay. Hindi na siya umuwi. Hindi na siya bumalik.

Pinahid kong muli ang pisngi. Miss ko na si nanay. Kaya pala niyakap niya ako noon bago siya umalis. Hindi ko naman inaakalang 'yon na pala ang huli naming pagkikita. Kung alam ko lang ay niyakap ko rin siya nang mahigpit at nilubos ang pagkakataon na mahagkan niya.

Umiyak man ako, wala na akong magagawa pa. Walang kasiguraduhan kung babalik pa si nanay o kung babalikan niya pa ako, kami ni tatay. Siguro ay sumuko na siya sa pananakit ni tatay. Sana ay sinama niya na lang ako.

Sa tatlong araw na wala siya, tatlong araw na rin akong nagtitiis sa galit ni tatay. Walang araw na hindi ako nakaligtas sa pangmamaltrato niya. Pagod na pagod ako kakaisip kung bakit tila ba pinarurusahan ako ng kapalaran. Sobra bang sama ko noon sa dati kong buhay para makaranas ng ganitong sakit ngayon?

Sa tuwing humaharap ako sa salamin ay walang paglagyan ang mga pasa at bangas ko sa mukha. Mabuti na lang at may face mask dahil nagagawa nitong itago ang mga sugat at pasa ko. Hindi na rin masiyadong halata ang black eye sa aking kaliwang mata at masaya ako dahil doon. Siguro naman ay pwede na akong magpakita kay Kuya Damian. Tatlong araw na rin kasi akong umiiwas sa kaniya dahil ayaw kong makita niya akong ganito. Baka ireport niya na naman sa barangay o kung saan man, mas malaking ayusin iyon kapag umabot sa pulis ang sitwasiyon namin ni tatay. Kahit na ganito sa akin si tatay ay mahal ko pa rin naman siya at ayaw kong may mangyari na masama sa kaniya. At sana gano'n din siya sa akin pero napakalabo mangyari no'n.

Marami naman ang nailuto kong ulam kaya kumuha ako ng plastic container para bigyan si Kuya Damian. Pang-gabi ang duty niya ngayon at mamaya pang ala siyete ang pasok niya. Mag-aaala sais pa lang kaya siguro ay iiwanan ko na lang sa guard house ang ulam niya para makabalik agad ako rito sa bahay. Baka kasi mas lalong uminit ang ulo ni tatay kung hindi niya ako madatnan dito. Ayaw ko nang mangyari pa ang nangyari noong nakalipas na tatlong araw. Hangga't maaari ay ilalayo ko na si Kuya Damian sa gulo na maaaring magawa ni tatay. Kaya ko pa namang saluhin lahat nang galit niya kaya ako na lang muna, sasarilihin ko, kakayanin ko.

Nang mailagay sa plastic ang plastic container ay nagtungo na agad ako sa guard house kung saan naabutan ko si Mang Jerry.

"Kamusta na, hijo?" bati niya sa akin at napansin ko ang pagdaan ng lungkot sa mga mata niya nang makita ang itsura ko. "Sinasaktan ka pa rin ba ng tatay mo?" tanong niya habang iiling-iling.

Tumawa ako nang pilit. "Hindi naman po. Napaaway lang ako sa school kaya may bangas ako, Mang Jerry."

"Kilala kitang bata ka. Hindi ka basag-ulo kaya hindi mo ako maloloko," sabi niya pa.

Hindi na ako sumagot at saka ibinigay sa kaniya ang hawak kong plastic bag.

"Makibigay na lang po ito kay Kuya Damian mamaya pagpasok niya para may ulam po siya mamayang breaktime. Salamat, Mang Jerry," sabi ko.

"Hindi mo na ba siya hihintayin? Malapit na pumunta rito 'yon at mag-aala siyete na," suhestiyon niya sabay kuha nang inaabot ko. Inilagay niya iyon sa mesa at muling humarap sa akin.

SEKYU 1 (BL) TO BE PUBLISHED UNDER BIBLIOTHEQUE PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon