Chapter 3

268 5 0
                                    

KAUUWI pa lamang ni Chi galing sa Quiapo. Gabi na. Hapon na siya nagsisimulang magtinda dahil mainit sa OMB ang mga katulad niya. Mabuti na lang at may raket ngayon ang Mama Pilita niya.

Hindi pa rin niya iniimik si Chito. Inis pa rin siya rito. Halos pitong buwan na ang lumipas mula nang magkasagutan sila nito. Hindi niya lubos maisip kung paano nito nagawang sabihin ang mga sinabi nito.

Siguro nga ay hindi siya proud sa pinagkukunan niya ng salapi—may konsiyensiya rin siya—ngunit sana man lang ay naisip nitong pilit niyang nilulunok ang kanyang pride at mga kabutihang-asal para dito at sa iba pa nilang mga kapatid.

Kahit magkaroon sila nina Mama Pilita at Mama Dolor ng matinong hanapbuhay at pagsamasamahin ang kanilang kita ay hindi pa rin nila makakayang magpaaral ng sampung katao. Isama pa ang panggastos nila sa araw-araw na pagkain, tubig, kuryente, at iba pang pangangailangan.

Bagong semestre na at malapit na ring mag-summer vacation pero ganoon pa rin ang disposisyon ni Chito. Tila parating mainit ang ulo nito. Nais na nga niyang dagukan ito. Kung makaarte ito ay parang isang santo samantalang doon pa rin ito sa kanila nakatira. At nitong huli ay panay ang hingi nito ng pera dahil marami raw itong project sa eskuwelahan.

May ipon siya sa pagbebenta ng mga CDs kaya nabibigyan niya ito. Nairaos na rin nila ang pagbabayad ng tuition fee. Kaunting-kaunting panahon na lamang siyang magtitiyaga. Kapag nakapagtapos na si Ging-ging ng kursong Nursing ay napag-usapan nilang mag-a-abroad ito. Habang wala ito ay sila ang bahala sa anak nito. Malaking ginhawa kapag natupad ang planong iyon.

Isang taon pa at magtatapos na rin si Maria. May balak din itong mag-abroad. Ang tanging nais niya, sampu ng mga kapatid niyang nag-aaral sa kasalukuyan, ay mabigyan ng magandang bahay ang mga kinikilalang magulang. Mayroon na silang long-term plan gaya nga ng sabi ni Ging-ging.

Ang sabi pa nito, kapag nakapagtapos na ito ay magandang bumalik siya sa kolehiyo. Kapag nakatapos na siya, katulong ang ibang kapatid na naka-graduate ay nais nilang bumili ng lupa't bahay sa probinsiya. Habang ang ibang kapatid niyang nagtapos ang bahala sa pagpapaaral sa mga batang kapatid nila.

Ang nais ni Ging-ging ay bumili sila ng farm sa Laguna. Nais nilang sa pagtanda nina Mama Pilita at Mama Dolor ay sariwang hangin na ang malalanghap ng mga ito. At sa tingin niya ay magagawa nila iyon.

Ang iniisip niya ay si Chito. Madalas itong lumalabas. Ang sabi ni Mama Dolor ay may sinalihan daw itong school organization kaya medyo abala. Dasal niyang sana ay nilubayan na nito ang Intsik na kasintahan.

"Anak, ikaw na ang bahala sa sopas," wika sa kanya ni Mama Dolor, sabay abot sa kanya ng sandok. "Umiiyak ang apo ko."

Nagtungo siya sa kusina. Nadatnan niya roon na magkakatulong na naghihiwa ng mga pangrekado sa spaghetti ang mga kapatid niya. Lumapit siya sa kalan at tiningnan ang nakasalang na isang kaldero ng sopas. Nang maluto iyon ay sinalinan niya ang mga plastic cups. Sampung piso ang isang tasa. Tiyak na mamaya ay ubos ang malaking kaldero ng sopas.

Mayroong sakla sa bahay nila nang gabing iyon. May nakuhang bangkay sa punerarya si Mama Pilita. Hindi na bago sa kanya ang ganoong raket. Sa unang tatlong araw pa lang ay tiyak na bawi na nila ang ipambabayad sa ataul at libingan ng hindi nakikilalang bangkay. Kadalasan ay inaabot ng tatlong linggo ang bangkay sa kanila.

Hanggang maaari ay iyon ang diskarteng ayaw na ayaw ni Mama Dolor. Ngunit wala na rin itong nagagawa. Ang katwiran ni Mama Pilita, tiyak na patatawarin naman sila ng yumao dahil sila ang magpapalibing dito. Dagdag pa nito, may utang-na-loob nga sa kanila ang yumao sapagkat sila ang naging dahilan at napaglamayan pa ito.

Naubos agad ang unang batch ng sopas na inilabas niya. Diretso sa belt bag niya ang benta. Bawal ang utang. Istrikto siya roon. Nang lumabas uli siya ay dinalhan niya ng sopas si Mama Pilita na kasalukuyang nagpapasakla na.

Groove Fever 2: Rhythmns, Desires - VanessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon