MUKHANG matamang nag-iisip ang lalaking hindi pa rin alam ni Chi ang pangalan. May Band-aid na ang parte ng leeg nito na nakalmot niya. Baka iniisip nito na nalamangan na ito ng kapatid niya dahil buntis na ang kapatid nito. Tahimik lang siya dahil baka tuluyan na siyang sakalin nito.
Nais na niyang pagsabihan ang kanyang kapatid ngunit hindi niya magawa. Hindi rin ito umiimik, pati ang nobya nito. Lahat sila ay mistulang naghihintay ng hatol na magmumula sa kuya ni Sherry.
Lihim na siyang naiinis sa pangingibabaw ng kapangyarihan ng lalaking ito sa kanilang tatlo. Kung siya ang masusunod, ayaw niyang maikasal ang kapatid niya nang ganoon kaaga. Hindi niya ma-imagine na nakikisama si Chito sa pamilya ng mga Intsik na ito. Hindi pa man ay grabe na kung mata-matahin ito ng lalaki.
Mukhang matalino at mabait si Sherry. Kaya labis siyang nagtataka kung bakit tila hindi pa nito naririnig ang makabagong solusyon sa problema ng premarital sex na naimbento bago pa ang pills—ang condom.
Ngalingali na rin niyang ipamukha sa kapatid niya ang pagkakamali nito. Isa iyon sa mga problema niya—hindi siya marunong magtago ng saloobin. Kaya ngayong hindi pa niya makausap ang kapatid ay halos sumabog na siya. Ilang ulit na itong binilinan ni Mama Dolor tungkol sa safe sex, ngunit sinuway nito.
Ngunit anuman ang mangyari sa gabing iyon, hindi rin siya papayag na hindi sila magkaroon ng karapatan sa batang hindi pa man naisisilang ay pinasasakit na ang kanilang mga ulo.
Mayamaya ay marahas na bumuntong-hininga ang kuya ni Sherry. Binalingan nito ang kapatid niya. "Don't you know what a condom is, boy?"
"Kuya Pete!" bulalas ni Sherry.
Napangiti siya. Nais niyang humalakhak. Iyon din pala ang naglalaro sa isip nito. At hayun, sa wakas ay nalaman na niya ang pangalan nito: Pete.
"What? I was just asking!" Panay ang iling ni Pete. "I understand you feel like you love this boy and you wanna be with him, but how many hearts and dreams do you have to break to do it?"
Nagbaba ng tingin si Sherry.
Sinamantala niya ang pagkakataong iyon para makahirit. "Kung ayaw mong magpakasal ang dalawang ito, walang problema sa amin."
"Ate!" Si Chito naman ang nagprotesta.
"Manahimik ka! Hindi mo na naisip ang mga kapatid mo. Hindi mo na naisip sina Mama. Ang nasa isip mo lang ay ang sarili mo." Napatayo siya at mabilis na tumalikod upang punasan ang mga luhang bigla na lamang pumatak dahil sa labis na pagkadismaya. "May ipapakain ka na ba sa kanya?"
"Magtatrabaho ako, Ate."
"Saan? Sa pabrika? Hindi sapat 'yon!"
"Hey, lady, don't talk that way," sabad ni Pete. "Ano ang palagay mo sa pamilya namin, papayag na basta na lang nabuntis ang kapatid ko?"
Humarap siya rito. "Alam mo, wala akong problema sa kapatid mo. Ang inaalala ko ay kung ano ang maaari mong gawin sa kapatid ko." Diniretsa na niya ito.
Tumayo na rin ito. "Puwes, namomroblema rin ako para sa kapatid ko. Dahil baka kung ano ang gawin mo sa kanya!"
"Ate, tama nàyan," awat sa kanya ni Chito.
"Kuya, enough!" sabi naman ni Sherry sa kuya nito.
"Eh, ito, eh!" aniya.
"Geez!" Bahagya pang sinipa ni Pete ang paa ng sofa, saka ito naupo uli. "Sherry, sa tingin mo ba ay papayag si Papa rito? Isa lang ang gusto niya, hindi mo pa naibigay sa kanya."
"I don't care about his beliefs. They're ridiculous anyway."
"All right, here's the plan. Maghihiwalay muna kayo."
BINABASA MO ANG
Groove Fever 2: Rhythmns, Desires - Vanessa
Romance"Ang sinasabi mo ba, eh, 'yong babaeng handa kong pakasalan? 'Yong babaeng mahal na mahal ko? Eh, di ang pinag-uusapan pala natin dito, eh, ikaw!"