CHAPTER III

2 0 0
                                    

TRIGGER WARNING:

This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.

CHAPTER III

Nagkaroon ng oras si Ligaya para asikasuhin ang kaniyang mga requirements sa scholarship. Malaking tulong ang nakuha niyang marka sa paaralan sapagkat noong kaniyang idinulog ang tungkol sa oportunidad ay inabisuhan siya ng isa sa mga personel nito na hindi na niya kailangan pa ng pagsusulit. Tanging interview na lamang mula sa board member na hahawak sa kaniya.

Malaking biyaya ito para kay Ligaya at labis ang kaniyang pasasalamat sa Diyos.

Matapos niyang kunin ang lahat ng requirements at ipasa ito sa ahensya ay hindi niya alintana ang init at agad siyang naglakad papunta sa Simbahan.

Ang Nuestra Señora Virgen de los Remedios Parish. Ito ang kaniyang naging kasama at naniniwala siyang bilang isang ina ay ginagabayan siya nito.

Bumili siya ng kandila sa opisina.

“Ligaya! Kumusta ka na ngayong bakasyon?” tanong sa kaniya ng sekretarya.

Si Ligaya ay nag-se-serbisyo sa Simbahan bilang isang lector at halos lahat ng tao na pumupunta sa Simbahan ay kilala siya.

Naging mistula niya rin kasi itong tahanan no’ng siya’y nag-aaral pa sa sekondarya sapagkat malapit lamang ang Simbahan sa paaralan.

Isa rin siya sa natulungan ng dating pari rito sa kaniyang pag-aaral.

“Naku, ayos lang naman po ako Ate Claude. Nagsusumikap para may ipon sa susunod na pasukan,” magalang niyang sagot dito.

“Mabuti ‘yan, Ligaya. Alam mo, tanging payo ko sa’yo ay ipagpatuloy mo ‘yang pag-aaral mo. Dahil sa bandang huli, pasasalamatan mo ang sarili mo diyan.”

“Salamat po, Ate Claude.”

Inabot ng sekretarya ang kandila.

“Dating presyo pa rin po ba?”

“Iyo na ‘yan. Libre ko na.”

“Naku Ate—”

“Shh... Ikaw naman. Hayaan mong matulungan kita sa simpleng kandila na ‘yan... Sige na, magdasal ka na roon...”

“Sobrang salamat Ate Claude!”

Hindi na rin pinalampas ni Ligaya ang tatlong libreng kandilang bigay sa kaniya ni Claude.

Pumunta na si Ligaya sa sindihan ng kandila at doon siya nag-alay ng kaniyang dasal.

Mariin ang pagpikit ni Ligaya sa kaniyang mga mata at nakadampi rin ang kaniyang mga kamay sa isa’t-isa.

“Papa G,” iyan ang tawag niya sa Panginoon. Sa pamamagitan kasi niyan ay nararamdaman niyang malapit na malapit siya sa Diyos, “kumusta ka po diyaan?” kinakausap niya Ito sa utak niya na para bang nasa harap niya lang.

“Salamat nga po pala sa oportunidad na walang sawa niyong inilalatag sa mesa namin. Kahit marami ang pagkukulang namin sa Inyo ay hindi niyo pa rin po kami pinababayaan. Marapat po Kayong purihin at tingalain... Hindi ko po alam kung paano ko po Kayo mapasasalamatan pero pinapangako ko pong gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, para hindi masayang ang mga biyayang binibigay ninyo hindi lang sa akin kundi sa aming pamilya.”

FRAGMENTS (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon