TRIGGER WARNING:
This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.
CHAPTER XIII
Sabado ngayon at walang pasok si Ligaya. Wala rin silang practice sa mga group activities kaya nasa bahay lang siya. Lumalatay sa ere ang amoy ng bawang at luya sa paghahalo ni Ligaya ng lugaw mula sa palayok. Wala na kasi siyang maisip na uulamin nila lalo pa't naubusan din talaga sila ngayon ng pera.
Pinipilit ni Ligaya maging malakas para sa kapatid at ama niya, pero minsan ay gusto niya na lamang matapos na ang lahat. Idagdag mo pa ang stress na nakukuha niya sa university na halos wala nga namang umaaksyon sa mga nambubully sa kaniya.
Nakaupo si Sinta sa table, maputla at dinadakma ang dibdib niya. Hindi siya makahinga ng maayos.
"Malapit na 'to matapos, Sinta... Masarap 'to kasi luto ni Ate. Alam mo naman ang power ng magic hands ko." Humuhuni pa si Ligaya habang hinahalo ang lugaw.
Hindi tumugon si Sinta. Namamaluktot siya, mababaw ang kaniyang paghinga at nagugulanit.
Nilingon ni Ligaya si Sinta at nang makita niya ang kapatid ay kaagad naman binalot ang kaniyang mukha ng pag-aalala. "Okay ka lang ba?"
Sinusubukang huwag mag-panic ni Ligaya. Sa kabilang banda ay sinusubukan din ni Sinta magsalita pero ang mahihinang pag-ubo lamang ang kumakawala sa kaniyang labi.
Kaagad ni binitawan ni Ligaya ang sandok at nagmadaling lumapit sa tabi ni Sinta. "Ano'ng nangyayari sa'yo? May masakit ba sa'yo?"
Umiling si Sinta pero ang kaniyang mukha ay namimilipit sa sakit ng kaniyang puso. Tinuro niya ang may bandang dindib niya dahilan para manlaki ang mga mata ni Ligaya sa takot.
"Sinta!" Hinahagod niya ang lukod ni Sinta at hinihimas ang puso nito. Naglalabas din siya ng hangin mula sa kaniyang bibig para hindi mainitan ng husto si Sinta. Nagsisimula na siyang mag-panic, lalo pa't wala ang kaniyang ama.
"A-ate... M-mas-sakit p-po..." Halos bulong na lamang ang boses ni Sinta.
Para namang nalulunod na ang puso ngayon ni Ligaya. Alam niya kung ano ang ibig sabihin nito. "Sinta..." Hinawakan niya ang ulo ng kapatid at hinahagod pa rin niya ang puso nito. "Makinig ka kay Ate ha... Hinga ka... Hinga ka, Sinta..." Nanginginig na ang boses ni Ligaya. "Hinga kang malalim... Sabayan mo si Ate, Sinta... Hinga ka... Huminga ka, Sinta..."
Kahit nahihirapan ay nagsusumikap si Sinta na gawin ang sinasabi ng kaniyang Ate. Halos wala na ring kulay ang labi ni Sinta. Lumilingon-lingon si Ligaya para tingnan kung may tao bang dumadaan at hihingi siya ng tulong ngunit wala. Ang cellphone din nila ay dinala ng kaniyang ama dahil kakailanganin ito nito.
Hinawakan ni Ligaya ang kamay ni Sinta. "Kapit lang muna, Sinta... Kapit lang muna..."
"Ate," singap ni Sinta, hinahabol na niya ang kaniyang paghinga.
Mariing napapapikit si Ligaya at kasabay niyon ay ang pagtulo ng kaniyang luha. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Halos hindi na niya marinig ang mga sinasabi ni Sinta dahil sa lakas ng kabog ng kaniyang puso. Kinakabahan siya. Natatakot siya.
"Sinta..." Humihingal na rin si Ligaya ngayon. Ni hindi na niya magawang punasan ang kaniyang luha dahil sa pangamba. Halos hindi niya na rin marinig ang mga salita ni Sinta.
Huminga ng malalim si Ligaya, halos mabasag na rin ang boses niya. Humigpit ang hawak niya sa mga kamay ng kapatid. "Nandito lang si ate... Nandito lang si ate, Sinta..."

BINABASA MO ANG
FRAGMENTS (COMPLETED)
Teen FictionLigaya, a bright and determined young maiden from a poor family, struggles to overcome the challenges of poverty and bullying as she strives for a better future through education. Haunted by internalized negativity and the constant pressure to succe...