CHAPTER XIV

0 1 0
                                    

TRIGGER WARNING:

This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.

CHAPTER XIV

Lumabas muna saglit ang dalawa sa kuwarto ni Sinta. Nakasalubong naman nila ang mama na tumulong sa kanila. "Papa, si Mang June po pala. Tinulungan niya po kaming makarating dito..."

"June..." Inabot ni Manuel ang kaniyang kamay kay June. "Salamat ha."

"Walang anuman 'yon pare. Mauna na rin siguro ako at gumagabi na."

Tumango naman si Manuel. "Pasensya ka na... Walang-wala talaga kami ngayon at tanging pasasalamat lang ang maibibigay namin sa'yo."

"Ay naku, ikaw naman... Hindi naman importante sa'kin 'yon. Kahit sino rin naman sigurong tao ay gagawin ang ginawa ko. Sige, mauna na ako..."

Nang makaalis na si June ay tiningnan ni Ligaya ang ama. Nakakaawa na ang mukha ni Ligaya lalo pa't hindi pa rin siya nakakapagbihis.

"Anak..." Hindi masabi-sabi ni Manuel ang gusto niyang sabihin sa takot niyang mag-breakdown sa harap ni Ligaya.

"Babalik po muna ako sa bahay. Magdadala na rin po ako ng mga gamit at pagkain, Pa..." Paalam niya sa ama. Hindi niya na hinintay na tumugon pa ito. Mawawala na yata si Ligaya sa kaniyang sarili dahil sa dami ng kaniyang iisipin. Hindi na niya alam kung saan magsisimula lalo pa't dagdag na naman ito sa gastusin nila. Pero ang mahalaga sa kaniya ngayon, ay ang kaligtasan ni Ligaya.

Nakarating si Ligaya sa bahay nila at doon siya umiyak ng halos apat na oras. Binuhos niya ang lahat ng sama ng loob niya at mga hinaing na siya lang mag-isa. Alam naman niyang wala siyang karapatan tanungin ang Diyos sa mga problema nila, pero minsan napapaisip na lamang siya kung totoo nga ba ang presensya nito.

Nakatingin si Ligaya ngayon sa altar at nanunuyo na ang mga luha sa kaniyang mga mata.

"Patawarin mo ako kung kinuwestyon kita... pero sa dinami-dami naman ng tao sa mundo, bakit naman si Sinta pa...? Ni hindi niya pa nga nakikita ang mundo... Ni hindi niya pa naranasan kung gaano kasaya maging bata..."

Humihikbi si Ligaya habang pinupukpok ang dibdib niya. "Nakikiusap po ako sa inyo, Diyos ko... Papa G... paggalingin niyo naman po 'yong kapatid ko... Paggalingin niyo po siya..." Halos mabaliw na si Ligaya sa pagsusumamo. Ginawa niya na lahat ng pagdarasal, maging ang pag-ro-rosaryo sa mga misteryo ay ginawa niya rin. Bago siya bumalik sa hospital ay pumunta siya sa Simbahan at nagdasal doon ng husto. Nilakad pa niya ang aisle na nakaluhod hanggang sa makarating siya sa poon at nag-alay muli ng dasal. Pinagsisisihan niya ang mga sinabi niya sa Diyos. Ngayon ay tumitibay ang pananampalataya at ang pag-iyak niya. Mahigpit ang pananalig ni Ligaya at kumakapit siya sa pag-asa na hindi matutuluyan ang kapatid.

Mariing ipinagbabawal ng doktor ang paglalabas-masok sa kuwarto ni Sinta. Kailangan din na kung papasok sila ay malinis lahat. At suot-suot nila dapat ang nasa protocol ng hospital sa tuwing bibisita.

Mula sa loob akikita nila ngayon si Sinta sa frame. Nasa labas sila Manuel at Ligaya, pinagmamasdan si Sinta.

"Pa'no po tayo sa mga gastusin, Pa?" Hindi na naiwasan ni Ligaya na tanungin ang ama. "M-malaking bayarin din po kasi ito." Muntik pang mapiyok si Ligaya.

"Gagawa ako ng paraan anak." Nakatuon lamang ang atensyon ni Manuel sa frame at tinitingnan ang payapang pagtulog ng mahina niyang anak.

"K-kung..." Napalunok si Ligaya. Hindi niya alam kung tama ba itong solusyon na sasabihin niya at 'di niya rin mawari kung ipahihintulot ba ng kaniyang ama. "Kung tumigil na lang po muna kaya ako ng pag-aaral."

Napatingin naman kaagad si Manuel sa anak. "Iyan ang hinding-hindi mo gagawin, Ligaya." Ma-awtoridad ang boses ni Manuel.

"Pa..."

"Hindi natin mapipigilan ang mga pangyayari, at ayokong tumigil 'yang buhay mo dahil dito..."

"Hindi naman po titigil ang buhay ko eh. Magiging masaya pa nga po ako at makakatulong ako sa inyo ni Sinta."

Hinarap ni Manuel ang anak. Hinawakan niya ang magkabilang balikat nito. "Anak, makinig ka sa'kin ha... Bibihira na lamang ang nabibigyang pagkakataon sa mga katulad nating mahihirap ang makapag-aral. Maghahanap akong ibang trabaho maliban sa pagiging kargador. 'Yong may malaki-laking kita, sa ngayon, para pambayad sa ospital, manghihiram akong pera dahil may mga kakilala naman ako sa palengke eh. Magtitinda-tinda rin ako ulit, kagaya ng dati. Gagawin ko ang lahat, anak... Para sa'yo, at lalong-lalo na kay Sinta..."

"Pa... Madaliang pera po ang kailangan natin sa pagpapagamot kay Sinta..."

"Ako ang gagawa ng paraan. Kargo ko kayong dalawa. Ikaw, isipin mong pag-aaral mo."

"Sino'ng magbabantay kay Sinta?" tumulo na rin ang luha ni Ligaya. "Sige nga po, sabihin niyo. Mag-aaral ako, walang magbabantay sa kapatid ko, paano po kayo makakakita ng pera?"

Hindi nakaimik si Manuel. Inisip niya ang mga sinabi ni Ligaya at may punto nga ito. Pinahid niya ang kaniyang luha. "Ako na ang bahalang mag-isip no'n. Basta asikasuhin mo ang pag-aaral mo."

Ang katotohanan sa sitwasyon nila Ligaya ay nagiging pasanin niya na rin bilang siya lamang ang maaasahang katuwang ng kaniyang ama. Wala silang kilalang kamag-anak dito at napakahirap para sa kaniya na indahin ang ganitong sitwasyon. Pero ano nga ba ang kaniyang magagawa? Eh ganito na ang buhay na mayroon sila ngayon.

Kahit kailan ay hindi naman nila sinisi si Sinta dahil wala naman itong ni katiting man lang na kasalanan.

Ang kay Ligaya lang ay nahihirapan na rin siya dahil muli na naman silang mababaon sa utang. Hindi na siya makakapag-isip ng maayos dahil aalalahanin niya lang lagi ang kondisyon ng kapatid at kung paano malulutas ang problema nila.

Mailap pa rin ang paghinga ni Sinta. Mahina pa rin ang kaniyang katawan.  Tinitingnan ni Manuel ang mga medical papers na hawak ni Ligaya. "Hahanap ako ng paraan. Hindi ito ang maglulugmok sa atin, anak... May awa ang Diyos..."

Napaiwas na lamang ng tingin si Ligaya sa kaniyang ama. Habang wala pa naman silang pasok bukas, dahil linggo ay gagawa siya ng paraan para makahingi ng tulong sa mga kakilala niya.

Dumating ang liwanag at nakaratay pa rin si Sinta sa ospital. Maagang inutusan ni Manuel si Ligaya na magsimba at humingi ng tulong sa pati kahit padasal man lang. Habang nagsisimba si Ligaya ay nakatulala lamang siya. Naririnig niya naman ang sinasabi ng pari sa homilya nito pero hindi ma-absorb ng utak niya. Para lamang itong lumalabas sa kabila niyang tainga.

Wala ring sandali sa misa na hindi tumutulo ang luha niya. Hindi niya maintindihan kung bakit, pero bigla na lamang itong kumakawala sa kaniyang mga mata. Kahit patuloy niyang pinupunasan ay hindi pa rin ito tumitigil, pinagtitinginan na rin siya ng mga taong nakakapansin sa kaniya.

"Let's show each other, the sign of peace..."

"Peace be with you..."

Naririnig ni Ligaya ang mga pagbati ng mga tao pero hindi niya na ito pinansin pa. Nakakahiya man isipin pero wala siyang gana ngayon na tumingin man lang sa mga tao. Pagod na siyang ngumiti sa tuwing may problema siya. Pagod na siyang ipakita sa lahat na okay lang siya at walang problemang tinitiis.

May isang concerned na Nanay ang tumingin kay Ligaya. Hindi niya man alam ang pinagdadaanan nito pero naniniwala siya na kahit papaano ay maiibsan ng kaniyang gagawin ang kalungkutan na nararamdaman ng dalaga.

"Peace be with you, anak..." Niyakap niya ng mahigpit si Ligaya at hinagod ang likod nito. Mahina lamang ang paghikbi ni Ligaya pero animo'y isang ilog ang kaniyang mga mata, sa patuloy na pag-agos ng mga luha nito.

Minsan, ang kailangan niya lang ay kayakap. Isang taong hindi tatanungin kung ano ang problema niya para hindi na siya mahirapang magpaliwanag pa. Isang tao na makakaintindi sa kaniya na walang binabatong panghuhusga. Isang tao na magsasabi sa kaniya na balang araw, magiging maayos ang lahat at magbubunga ang mga paghihirap at sakripisyo niya.

FRAGMENTSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon