Ang buong istorya

23 0 0
                                    

December 25, 2016                                                                                                                                                   

1:00 PM

Quezon City

Sa wakas, tapos na ang problema ko sa ex-girlfriend ko! Wala na akong aalahanin gabi-gabi. Wala na rin akong iisiping negative thoughts. At higit sa lahat, wala nang bubutas ng bulsa ko!

Araw ng Pasko ngayon, at ang break-up namin ay nangyari kahapon lang. Ang bilis, 'no? Hay, kalimutan na lang iyan, tapos na iyan. Erase, erase, erase!

Anyway, narito ako sa labas ng Eastwood, walang magawa. Kasi naman, sa sitwasyong ito, ang hirap mag-isip ng gagawin. Sabihin na nating Pasko ngayon, pero dahil ang daming nangyari kahapon ay tila barado pa rin ang utak ko. Ang siste, mas mahirap ang kumbinsihin si "manong utak" kaysa maglaro ng Clash of Clans. Kahit anong pakain mo diyan kay "manong utak", hindi pa rin magta-trabaho iyan.

Basta! Bahala na. Gagawin ko kung ano ang gusto ko!

1:10 PM

Sa sobrang pag-iisip ko, hindi ko na napansin ang oras. 1:10 na pala ng hapon!

At may isa pang bagay na hindi nakita ng dalawang mata ko: isang babae na katabi ko na pala sa bench.

"O, bakit ganyan ang itsura mo? Nakakita ka ba ng multo? O sumobra ang make-up ko at nagmukha tuloy akong multo?" tanong sa akin ng maganda pero misteryosang babae.

Heto namang si ako, ang sabi ko sa kanya, "Wala... nasorpresa lang ako. Hindi ko in-expect na may katabi na pala ako dito sa bench."

"Ganoon ba? Sa itsura mo kanina, ang lalim ng iniisip mo. Pasko na ngayon, kaso mukhang problemado ka," deretsahang sabi ng babae sa akin.

"Oo nga. Kaka-break ko lang kasi sa girlfriend ko. Ang daming problema, tapos may third party pa," sagot ko naman sa kanya.

"Ganoon ba? Pasensya na. Ngayon ko lang kasi nalaman, kaya baka mapagkamalan mo pa akong tsismosa," paumanhin ng babae.

"Wala iyon. Ako dapat ang humingi ng pasensya sa 'yo. Pasko kasi, tapos problema pa rin ang iniisip ko. At huwag kang mag-alala, hindi naman ako mapang-husga sa ibang tao. Teka, ano nga pala ang pangalan mo, miss?" sabi ko.

"Teka, hindi mo na ba ako nakikilala... ha, Raffy?" sabi ng babae, na may bakas ng pagkagulat.

Nagulat ako nang mabanggit niya ang pangalan ko. Ngayon ko lang naman siya nakita, tapos, alam na niya ang pangalan ko, agad-agad? Naglalaro na sa isip ko ang malaking katanungan tungkol sa pagkatao ng babaeng ito.

Kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, at tinanong ko siya: "Eh sino ka ba kasi?"

"Si Aika 'to! Ikaw naman, Raffy! Ilang taon lang matapos ang graduation natin, nakalimutan mo na agad 'tong best friend – slash – partner in crime mo!" sigaw niya sa akin, sabay kurot sa aking napakalambot na pisngi.

Aika? Teka lang, naaalala ko ang pangalang iyon! Hindi kaya siya si...

"Aray naman! Oo na, nakikilala na kita! Angelika Dimaano!" sigaw ko sa kanya.

"Buti naman! Akala ko naman, tuluyan mo na akong nakalimutan," pahaging niya sa akin.

Pagkatapos, bigla niyang hinila ang manggas ng aking polo, sabay sabi ng: "Tara! May pupuntahan pa tayo!"

60 MINUTESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon