Hindi ko lubos na maisip na darating itong araw na akala ko'y posible lamang sa panaginip—nakatatawa, nakapagtataka—bakit narito ako ngayon nagtitipa ng mga salitang gusto kong ibuga ngunit ayaw nitong pasaway kong dila?
Hindi mo ako lubos na kilala, hindi rin kita gaanong kilala, ngunit bakit umabot sa ganito? Kinailangan ko pang magsulat ng libro para lamang ipabatid sa iyo ang mga salitang tatlong taon nang nakaimbak sa likod ng aking kwaderno sapagkat wala akong lakas na sambitin ang lahat ng ito sa iyo sa kabila ng naglalagablab na damdaming ultimo ako'y hindi maintindihan kaya hindi maamin.
Oo, tatlong taon na ang lumipas ngunit ngayon ko lamang naisipang ilabas itong imbakan ng mga salitang hindi kayang sambitin ng pasaway kong dila; kaya sana huwag kang magtaka sa mga prosa't tulang nakalathala sa susunod pang mga pahina sapagkat ang lahat ng ito ay para lamang sa iyo kahit na imposible mo pa itong mabasa.
***
pahina | 01
BINABASA MO ANG
imbakan ng mga salitang hindi kayang sambitin ng pasaway kong dila
PoetryPaano na lang kung sabihin kong noon pa man, hulog na hulog na ako sa iyo?