Nakakatawa, 'di ba? Nakakatawang isipin na sa halip na umamin ay narito ako, kaharap ang laptop ko, nagtitipa ng mga letrang hindi ko mawari—mala tsubibo kung magpahiwatig; magulo, paikot-ikot—parang sirang plakang walang patutunguhan; tila musmos na hindi alam ang pupuntahan. Magulo, nakakaligaw, hindi malinaw—gusto ko na lang humiyaw.
Pero, ano ba ang ihihiyaw ko?
Ewan, hindi ko alam, at batid kong ika'y walang pakialam. Hindi ko nga rin mawari kung bakit ko isinusulat ito; siguro para lamang magkaroon ng ikatlong entry ang librong ito; librong magulo ang konteksto pero nakapangalan para sa iyo.
Oo. Nakapangalan para sa iyo.
Nakakatawa, 'di ba? Nakakatawa na ultimo ako, hindi ko alam kung bakit ko nga ba nararamdaman ang mala-hirayang emosyon na ito. Mahiwaga, nakakapanibago, para bang isang bulaklak na lamang ang biglang tumubo sa gitna ng Antartica, matingkad ang kulay at mahalimuyak—ano ba ito, bakit ganito? Ang layo ko na sa paksa, hindi ko tuloy mapigilang mapa-halakhak.
Wala na, ang corny ko na.
Nakakatawa. Sobra. Nakakatawang isipin na sing-gulo ng prosang ito ang kasalukuyang nararamdaman ko para sa iyo. Hindi kita gusto pero heto ako ngayon, ngiti ang nakaukit sa maliit na labi, nag-iisip ng mga tugma para sa mga susunod pang tula na hindi ko alam kung bakit ko nga ba ginagawa.
Ha? Ang gulo, nakakatawa nga.
***
pahina | 03
BINABASA MO ANG
imbakan ng mga salitang hindi kayang sambitin ng pasaway kong dila
PoesíaPaano na lang kung sabihin kong noon pa man, hulog na hulog na ako sa iyo?