Sabi nila, sa Jollibee, bida ang saya. Por vida! 'Eh palagi nga kaming nag-aaway ng kapatid ko para lang sa balat ng crispy Chickenjoy na siyang binabalik-balikan ng karamihan; walang kasawaan, handang makipagbakbakan para makamit ang lasap na inaasam ng sambayanan kahit pa magkaroon ng digmaan—oo, mapagbigay akong tao pero pagdating sa Chickenjoy, nagiging makasarili ako—pero hoy!
Bakit nang makilala kita, saka ko lamang naunawaan ang tunay na kahulugan ng "Bida ang saya?" Mahiwaga, nakahuhumaling, tila nakikita ko ang linyang patungong hiraya—nakakaakit gaya na lamang ng mga mata mong singkit at ngiting may marikit na pagkakaukit, hindi nakakasawang tignan—gaya ng pagkahilig ko sa balat ng Chickenjoy, kailanma'y hindi ko pagsasawaan.
Mukhang magpapabalik-balik na ata ako ngayon dito sa Jollibee kasi tunay ngang bida ang saya lalo na nung nakita kitang nakangiti, nakikipag-usap sa mga kaibigan mong dahilan ng iyong mga ngisi—na baka nga sila naman ang depinisyon mo ng 'saya' rito sa Jollibee—ay ewan ko na. Basta narinig kong nakikipag-agawan ka rin para sa balat nitong crispy Chickenjoy, gaya ng pakikipag-agawan ko sa kapatid ko; buhay man o kamatayan ang kapalit makakagat lamang rito nang may ritmo't awit.
Napatingin tuloy ako sa Chickenjoy sa plato ko, wala pang bawas, nararamdaman ko na rin ang nakatutunaw na tingin ng aking kapatid na mula pagkabata ay walang kupas.
Delikado na, hindi naman siguro masama kung handa akong ibigay itong balat ng manok sa iyo sa kabila ng ilang taong pag-aamok ng away sa kapatid kong kanina pa ang ilong umuusok?
Ewan, si Jollibee kasi 'eh, pabida. Ayan tuloy, magulo na.
***
pahina | 05
BINABASA MO ANG
imbakan ng mga salitang hindi kayang sambitin ng pasaway kong dila
PoesíaPaano na lang kung sabihin kong noon pa man, hulog na hulog na ako sa iyo?