Agad na nalanghap ng mag asawa ang amoy ng kandila at bango ng bulaklak na hindi nila tukoy kung anong uri at saan nagmumula.
Sinundan nila ang babaeng may tangang sulo. Sa katagalan ay nasanay na ang kanilang mga mata sa dilim at hindi na nangangapa pa.
Napatingala si Allen sa bandang itaas kung saan naglalagos ang liwanag mula sa araw at nagsisilbing tanglaw naman sa kuwebang pinasok nila. Naramdaman niya ang bahagyang paghila ng kabiyak sa kanyang kamay kung kaya ipinagpatuloy na niya ang paghakbang.
Pagkaliko nila sa gawing kanan ay nakita nila ang mga taong nangagkaupo sa mga upuang kahoy na nakahanay. Ang ilan naman ay nakaupo sa mga bato na animo sinadya sa pagkakasalansan. May mga bata, matanda, babae at lalake ang tila naghihintay.
Lumapit ang sinusundan nilang babae sa isa pang babaeng nasa harapan ng isang maliit na mesa. Sumunod lang sila.
"Pangalan?" , tanong ng babaeng may hawak na ballpen.
Bawat sagot ng mag-asawa ay isinusulat naman ng babae sa makapal na libro. Nang makatapos sa pagtatanong ang babae ay isang pirasong malapad na kahoy na may nakasulat na numero ang iniabot nito.
"Hintayin n'yo na lang matawag ang numero ninyo.", sabi ng babaeng kasama nila. Matapos silang ihatid sa hanay ng mga upuan at saka ito nagpaalam.
"Salamat ha.", nakangiting sabi ni Rebecca na bahagyang tinanguan ng babae at saka tuluyang naglakad palayo.
"Kahit pala sa ganitong lugar ay uso pa rin ang palakasan. Tignan mo ang numerong ibinigay sa atin.", bulong ni Allen habang ipinapakita sa kabiyak ang kahoy na hawak.
"Number 20?", banggit ni Rebecca sa numerong nakalagay sa kahoy.
Iginala pa ng lalaki ang paningin sa karamihan ng mga taong naroroon at saka muling nagsalita.
"Sa dami ng mga nadatnan natin dito, kung hindi ako nagkakamali ay humigit kumulang sa limampung katao, ay malamang na abutin na tayo ng hapon bago magamot. Pero heto at pang dalawampu lang tayo.", nangingiting sabi pa ni Allen.
Nakadama ng pananabik si Rebecca. Ang labing siyam na hihintayin nilang matapos ay sandali lang at hindi kaiinipan.
Magsasalita pa sana si Allen nang tila iisang taong nagtayuan ang mga tao.
"Dumating na ang Maestro! Narito na siya!", sabi ng mga nasa unahan nila.
"Magsiupo na kayong lahat. Tapos nang manalangin ang Maestro kaya mag-uumpisa na ang gamutan.", sabi ng babaeng nakatayo sa unahan.
Nagsiupo ang mga tao kabilang ang mag asawang Allen at Rebecca.
Mula sa kinauupuan nila ay tanaw nila ang kinaroroonan ng manggagamot.
Isang lalaking may itim na itim at mahabang kulot na buhok ang nakita ng mag asawa na naupo sa isang malapad na bato na nasasapnan ng kulay puting tela.
Ordinaryo at isang simpleng longsleeves na kulay abuhin na tinernuhan ng itim na pantalon ang suot nito. Kapansin-pansin ang naglalakihang palawit sa mga kwintas nitong suot."Ang inaasahan ko ay isang matandang parang ermitanyo ang tinatawag na Maestro pero hindi pala. Sa tantiya ko ay magkasing edad lamang kami.", bulong uli ni Allen sa katabing asawa.
"Ganyan din ang akala ko, Allen. Sa tantiya ko ay hindi siya purong pilipino. Matangos ang ilong niya at malalaki ang itim ng kanyang mga matang may mahahabang pilik.", bulong din ni Rebecca sa asawa.
"Shhh....'', saway ng nasa unahan ng dalawa.
Agad na natigil ang mag-asawa at tahimik na sinenyasan ang isa't isa. Pigil ang naging pagtawa nila pagkatapos.
BINABASA MO ANG
HHC featuring: LEILAH anak ng diablo
HorrorSa loob ng dalawawpu't limang taong pagsasama ay hindi pa rin mabiyayaan kahit isang supling ang mag-asawang Allen at Rebecca. Lahat ng paraan ay nasubukan na nila subalit paulit-ulit lamang silang nabibigo. Isang araw, narinig ng ginang ang tungko...