Kabanata 3: kweba ng Maestro

7.4K 273 33
                                    

"Wala na akong iba pang oras kung hindi ngayon. Kung ayaw ninyo ay kayo ang bahala. Aalis na ako.", pagkasabi ay agad na tumayo ang matanda at naglakad palabas. Umusod pa ng kaunti si Allen upang ito ay makaraan.

Lalong tumibay ang hinala ng lalaki na hindi nga ito dumaan sa pintuan kanina at basta na lang sumulpot sa mesang malapit sa kanila!

Napaigtad si Allen nang magsalita ang asawa.

"Allen.., pumayag ka na. Baka wala na tayong makasama pang iba na nakakaalam sa pagpunta roon. Kumpleto naman ang dala natin para sa ganitong pagkakataon, hindi ba?", pakiusap ni Rebecca.

"Pero iba ang pakiramdam ko sa matandang 'yon. Wala akong tiwala sa kanya. Maniwala ka sa akin, Rebecca. May kakaiba sa kanya.", pabulong na sabi naman ni Allen.

Agad na lumuha si Rebecca nang makitang nakalabas na ng kantina ang matanda. Hinayang na hinayang sa pagkakataong mararating na sana ang tahanan ng Maestrong pinaniniwalaan niyang makakatulong sa kanya upang magdalantao.

Nagtagis ang bagang ni Allen, ang pagluha ng asawa ay higit niyang inaalala kaysa sa matandang pinaghihinalaan ng masama.

"Bahala na!'', sabi nito.

''Aling Rosa!", tawag niya sa matanda at pagkatapos ay mabilis nang hinabol. Agad namang sumunod sa kanya si Rebecca.

Lihim na napangiti ang matanda.

Ilang sandali pa....

Dala ang kanilang gamit nang nagpaalam ang mag asawa kay Maria na takang-taka.

"Kalat na po ang dilim, ate. Tahimik man po dito sa lugar namin ay mapanganib pa rin ang gagawin ninyong pag alis. Marami pong makamandag na ahas at iba pang hayop sa pupuntahan n'yo. Bakit hindi na lang kayo bukas maglibot? Mas marami kayong makikitang magandang tanawin at kaunti pa ang panganib.", nagmamalasakit na payo ng babae.

"Maraming salamat, Maria. Emergency lang kasi. Babalik din naman kami. Iiwan namin dito ang sasakyan at kami pa rin ang ookupa ng kubo. Kung may kakulangan man sa ibinayad namin ay babayaran pa rin namin pagbalik. Ikaw na sana ang bahala tumingin-tingin ha.", nakangiting pakiusap ni Rebecca.

"Huwag po kayong mag-alala ako na po at ang mga mga kasama ko ang bahala. Mag ingat po sana kayo.", paalala ng babae.

Matapos siguraduhing naka lock ang iiwanang kotse at nasa loob ng mga bag ang kanilang kakailanganin ay naglakad na palabas ng kalsada ang mag asawa kung saan naghihintay ang matandang babaeng si Aling Rosa.

Madilim ang tinahak nilang daan papanik sa masukal na kakahuyan. Nagtataasan ang malalaking mga punong may mayayabong na dahong tumatakip sa liwanag ng bilug na bilog na buwan.

Madilim ngunit hindi alintana ng matanda. Kabisado nito ang daan. Habang ang mag asawa ay kung ilang ulit na muntikang masubsob sa pagkakapatid sa mga ugat ng punong nakausli.

Malinaw ang liwanag na nagmumula sa flashlight na hawak ni Allen at natatanglawan ang dinaraanan nila. Ngunit habang tumatagal sila sa paglalakad ay napansin niyang padilim nang padilim ang pinupuntahan nila. Wala siyang ibang natatanaw kundi ang napakadilim na kagubatang iyon. Kahit saang panig ay puro karimlan lang ang nakapalibot sa kanila.

"Rebecca, kamusta ka? Pagod ka na ba?", nag aalalang tanong ni Allen sa asawa.

"Hindi ko nararamdaman ang pagod, Allen. Balewala sa akin gaano man kalayo ang lalakarin pa makita lang natin ang Maestro.", sabi ni Rebecca. Masiglang-masigla ang tinig nito kahit humihingal. Ang mga sugat gawa ng mga tinik at matatalas na siit ng kahoy na nagkalat sa dinaanang natapakan ay hindi iniinda at masayang natitiis.

HHC featuring: LEILAH anak ng diabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon