Agent Dolphin 7.3

41 6 0
                                    

"Amber, sumama ka na sa akin. Iwan mo na si Kieffer. Magsama na tayong dalawa. May trabaho na ako. Kaya ko na kayong buhayin ng magiging anak natin. Hindi mo na kailangan gamitin ang anak natin para makakuha ng pera sa kaniya. Please, Amber. Umalis na tayo," nagmamakaawang sabi ng lalaki.

Uminit naman ang ulo ni Athalia sa narinig. Naiinis siya dahil niloloko ng Amber na 'yon si Kieffer. Hindi lang ito nangangaliwa, pineperahan pa nito si Kieffer. Kaya siguro nasabi ni Kieffer na buntis siya dahil buntis talaga ang totoong Amber, pero hindi naman si Kieffer ang ama.

"Nararamdaman mo ba na ako si Amber?" tanong niya sa lalaki.

Nagtaka naman ang lalaki sa tanong niya. "Ano ba'ng tanong 'yan, Amber? Sinaktan ka ba ng mga lalaking kumuha sa 'yo kaya nagkakagan'yan ka? Dadalhin kita sa ospital. Kailangan nating masiguro na walang masamang nangyari sa inyo ng anak natin."

Natigilan naman si Athalia nang pumasok sa isip niya ang sinabi nito. "May mga lalaking kumuha kay Amber? Kailan?" tanong niya.

"Amber naman. Kung—"

"Sagutin mo ang tanong ko! Kailan kinuha si Amber?" malakas niyang putol sa sasabihin nito.

"T-Tatlong linggo na simula ngayon. Nag-report ako sa mga pulis, pero nalaman nilang nasa bahay ka naman daw ayon sa mga guwardiya. Nag-abang ako sa labas ng bahay niyo dahil hindi kita makontak at nagpapasalamat ako na nakita kita ngayon. Mabuti na lang nakatakas ka sa kanila. Sino ang tumulong sa 'yo, Amber? Magpapasalamat lang ako sa kaniya dahil iniligtas niya ang mag-ina ko."

"May sasakyan ka?" muli niyang tanong.

"Meron. Ayon oh." Turo nito sa nakaparadang kotse hindi kalayuan sa p'westo nila.

"Pahiram ng susi."

"Huh?"

"Ang sabi ko, pahiram ng susi. Kapag hindi ka nagmadali baka hindi mo na makita ang anak mo!" sigaw niya rito.

Natataranta naman nitong binigay ang susi sa kaniya kahit nalilito ito sa mga sinasabi niya. Tumakbo siya patungo sa sasakyan nito at pinaharurot iyon paalis. Hindi siya maaaring magkamali na grupo ni Bagwis ang kumuha kay Amber. Makakaya pa ng konsensiya niya kung si Amber lang ang naroon, dahil sa panloloko nito kay Kieffer, pero hindi niya kaya kapag nadamay ang bata sa sinapupunan nito. Sa pagkakakilala niya sa kaniyang ama at sa dalawa nitong ampon, pahihirapan ng mga ito si Amber dahil sa pagtakas niya. Kasalanan niya kapag may masamang nangyari sa anak nito.

"God, please save her child," dalangin niya habang mabilis na pinapatakbo ang kotse pabalik sa mansiyon ng daddy niya.

***

Hindi inaasahan ni Athalia ang makikita niya pagdating sa mansiyon. Magulo ang paligid. May naririnig siyang mga putok ng baril. May nakahandusay na duguang katawan sa lupa. Umuusok at sira ang ilang parte ng mansiyon.

"Ano'ng nangyayari dito?" nagtataka niyang tanong.

Umiwas naman siya sa nangyayaring gulo. May alam siyang sekretong daan para makapasok sa mansiyon. Iyon ang ginamit niya para makarating sa loob. Maingat ang ginawa niyang paglalakad. Iniiwasan niyang may makakita sa kaniya patungo sa basement ng mansiyon. Wala na siyang naiisip na lugar na maaaring pagdalhan kay Amber kundi sa basement lang.

Tahimik na nakarating si Athalia sa basement. Hindi siya nagkamali sa hinala. Nakita niya ang isang babae na nakahiga sa sahig pagbukas niya ng pinto. Nagmamadali naman niya itong nilapitan.

"Amber?" Maingat niyang inangat ang babae. Hinawi niya ang buhok sa mukha nito para masiguro na si Amber ito. Napatunayan niyang si Amber ito nang makita niya ang itsura ng babae.

FORTRESS AGENT SERIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon