Baby Sitting the Young Billionaire

17 0 0
                                    

This is a fictional piece of writing. Names, locations, people, businesses, and events are all made up by the author and used in a fictional way. Any resemblance to actual people, whether they're alive or not, is firmly coincidental. Plagiarism is a crime.

Watch out for typos and grammar mistakes.

Adelina Asuncion

Mukhang wala na yatang pag-asang makaahon sa kahirapan ang aming pamilya. Nakakunot ang aking noo habang pinagmamasdan ang aking ama na tila hari ng inuman, naka-dekwatro pa habang tangan ang bote ng Red Horse. Para bang isang tropeyo ang damit na nakasampay sa balikat niya. Ang tiyan? Aba, parang malapit nang sumabog sa laki—kailangan na yata ng sariling postal code!

Habang nakaupo siya roon, parang wala siyang ibang problema sa mundo. Samantalang ako, hindi ko mapigilan ang mag-isip kung kailan ba kami makakabangon. Minsan, naiisip ko, kung sana kasing bilis ng paglobo ng tiyan ni Papa ang pag-angat ng buhay namin, siguro'y milyonaryo na kami ngayon. Pero, hindi. Ang tanging umaangat lang sa aming pamilya ay 'yung baso ng alak na paulit-ulit niyang sinasalinan.

Pumalahaw pa ito ng tawa ng matumba sa upuan, muli itong umayos at bumalik sa pagku-kwento na sa tingin ko halos ilang taon nang paulit-ulit lamang.

Ang aking ina, sa kabilang banda, ay walang kapantay sa pagiging Marites—kilalang-kilala sa pagiging tagapangasiwa ng lahat ng chismis sa labas at loob ng barangay. Ang bawat kaganapan, mula sa bagong kalakaran hanggang sa pinakabagong drama, ay tiyak na aabot sa kanya sa loob ng isang oras. Ang kanyang paboritong libangan ay ang mag-ipon ng mga balita mula sa mga kapitbahay at gawing pangunahing paksa sa aming hapunan.

At kung ako naman ay may pangarap na magbago ang aming kapalaran, mukhang malayo pa iyon dahil sa aming lola, na kilala sa pagiging "certified sugarol." Ang kanyang paboritong laro ay baraha, at halos lahat ng oras niya ay nauubos sa pagtaya at pag-aasikaso ng kanyang mga talpak. Kung hindi man siya nagmamasid sa mga paborito niyang sugal, tiyak na nag-iipon siya ng mga kwento tungkol sa kanyang mga kapwa manlalaro na parang siya ang pinaka-eksperto sa lahat ng uri ng pamumuhunan.

Muli akong napabuntong hininga at tinanaw ang aming aso na si Sinigang. Ngunit hindi ko na napigilan ang mapapikit nang mariin nang makita kong abala siya sa bago niyang kinakalantaryong aso. Ngumisi pa siya habang nakatingin ako sa kanya, tila nagmamalaki sa kanyang ginagawa.

"Pambihira!" Napatampal nalang ako sa sarili. Pakiramdam ko ay mababaliw na ako sa mga oras na ito. Halos pasado alas singko na ngunit wala pa rin kaming bigas at ulam para sa hapunan.

Ang bunso namin, kulang nalang maligo sa putik para magmukhang batang hamog. Ang butas-butas na brief lamang ang suot niya habang nakikipaghabulan sa mga barkada niyang kulang sa tulog at kain.

Ngunit ganon nalang din ang pasasalamat ko nang matanaw ko ang kuya kong sakay ng kanyang lumang motor. May hawak siyang mga supot, at agad akong nakahinga ng maluwag.

"Kuya Fidel!" Malawak ang ngiti kong sinalubong siya. Pumarke siya sa harapan ko, at itinaas ang mga supot na agad kong kinuha.

Ninamnam ko ang bango ng halos umuusok pang fried chicken. "Tama na 'yan, Adel," natatawang sabi niya. Umiling pa siya. "Ihanda mo na 'yan sa lamesa. Isaing mo na rin iyang bigas para makakain na tayo pagkatapos," dagdag pa niya.

Tumango lamang ako at tumalikod. Iyan ang panganay namin, si Kuya Fidel. Ang laking pasasalamat ko na hindi siya nagmana sa aming ama. Walang bisyo si Kuya Fidel at napaka-responsable. Huminto siya sa pag-aaral upang masuportahan ang kolehiyo ko, at sa bawat pagkakataon, siya ang naging haligi ng aming pamilya.

Pogi na maasikaso pa! 'Yan ang love language ni kuya Fidel.

Nang makapag saing ay agad kong hinanda ang lamesa. Anim na plato para sa anim na katao, dagdag pa ang asong si Sinigang na sobrang arte sa pagkain.

Pumatak ang ala sais, isa isang nagsipasukan ang mga anak ng presidente. Si mama na balot na balot pa ang buhok ng mga pangkulot, si papa na pagewang gewang na naglalakad, at ang lola na pusta ko ay talo sa sugal.

Humugot ako ng malalim na buntong hininga bago lumabas at tawagin ang pitong taong gulang kong kapatid na si Bagatsing.

Napailing ako nang makitang bagsak ang ama sa sofa. Nagsasalita pa ito na parang kausap pa ang mga kainuman.

"Fried chicken na naman? Ano 'to balak niyo bang magkapakpak tayo?" Rinig kong atungal ng lola. Lihim na napairap ako.

"Edi bumili ka ng sarili mong ulam" inis na bulong ko.

"Kumain na tayo, Adel, tawagin mo na ang kuya mo" ani mama.

Agad kong tinawag ang kuya na batid kong kakatapos lamang maligo. "Kuya, kain na tayo!" pasigaw na tawag ko habang nangangatok sakanyang silid.

"Susunod ako" sagot nito.

"Wow chimken! wala panulak?" Rinig kong maligalig na sambit ni Bagatsing na medyo may pagka-dismaya pa sa dulo. Nagsalubong ang kilay ko at binatukan ito.

"Anong panulak ang pinagsasabi mo diyan, Atsing?!" Untag ko, ngumuso naman ito.

"Mama, si ate, batok ako" sumbong nito. Umirap lang ako at umupo sa silya.

"Oh ang tatay niyo nakalimutan niyo atang tawagin?" tanong ng lola, ngunit batid ko ang pagka-sarkastiko sa boses nito.

"La, andon ho sa sofa, bagsak at lasing. Ipagtatabi ko nalang po" magalang na tugon ko rito kahit gusto ko na itong birahin.

Umismid lamang ito at nauna nang sumandok ng kanin. Muli akong napairap nang makita kung gaano ito karami sumandok.

Di kalaunan ay sumunod narin ang kuya. Umupo ito sa tabi ko at nagsimula na ring kumain. Habang ang inay namin ay nag simula narin sa aming paksa ngayong gabi.

"Ito Ma, sabi ni Aling Ising, si Kapitan daw nakabuntis na naman ng bata," sabi ni Inay habang nakakamay at sumasabay sa pagsubo.

"Ano kamo? Nakabuntis na naman? Lintek talaga yang matandang Armandong 'yan! Kaya walang asenso itong lugar dahil sa pambabae ng tarantadong 'yan!" bwelta ni Lola, halos umapoy ang ilong sa galit.

Nagkatinginan lang kami ni Kuya, sabay kibit-balikat. Ang totoo, hipokrito din si Lola. Kumpare niya si Kapitan, binayaran kaya't siya ang binoto noong nakaraang eleksyon. Pero ngayon, kulang na lang ay paliguan ng mura ang kumpare niya.

"Ito pa, Ma! Ang chismis, gusto raw ng pamilya ng nabuntis na pagbayarin si Kapitan ng napakalaking halaga! Kung hindi raw, kukuyugin siya't kakasuhan ng child abuse! Ang mga tao sa barangay, sinasabi na baka magka-eksena pa sa korte!"

"Aba, dapat lang ano nang matanggal na 'yang kupal na 'yan sa serbisyo!"

Nagpatuloy sa chismisan ang dalawa hanggang sa matapos kumain. Mabilis pa sa alas kwatrong nakatayo ang mga ito at nagsitunguan sa kung saan man, naiwan kami ni kuya at si Bagatsing na sinisimot pa ang buto ng manok.

"Ako na ang magliligpit dito, Adel" sabi ni kuya na mabilis kong inilingan.

"Ako na kuya. Magpahinga ka nalang dahil galing ka pa sa trabaho" pigil ko rito. Ilang segundo lang kaming nagtalo kung sino ang magliligpit bago ko ito napapayag na magpahinga lamang.

"At ikaw na batang hamog, maligo ka na roon! Ang bantot-bantot mo, kadiri ka!" Palatak ko rito.

"Ikaw ang baho! Sumbong kita kay Papa, kupit ka bente!" sagot nito, sabay simangot, na siyang ikinabato ko ng sandok sa kanya.

"Aba! Talagang sumasagot ka pa ha!" bulyaw ko. Kumaripas naman ito ng takbo patungo sa banyo.

Huminga ako ng malalim upang mailabas ang inis bago pulutin ang sandok at umpisahang hugasan ang mga pinagkainan.

Ganito ang takbo ng buhay namin araw-araw—paulit-ulit, walang pagbabago. Minsan ko nang naisipang lisanin ang lugar na ito, pero saan naman ako pupunta? Ni isang kusing, wala ako. Paano pa kaya mabuhay nang mag-isa sa lansangan?

Kaya't kung may darating mang milagro, sana pera na lang. 'Yun ang kailangan ko ngayon, walang iba. Kaya Lord, kung nakikinig ka, pera po ang kailangan ko, ngayon na sana, please? Saka na 'yung iba— ang pangarap ko muna ay ang mabayaran ang patong-patong na mga utang namin, saka na ang world peace, ang peace of mind ko po muna, Lord.

TO BE CONTINUED....

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 11, 2024 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Babysitting the Young BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon