Pamilya
May iilang galos man na natamo ay hindi ito hadlang upang kumaripas ng takbo si Antonio kahit pa pa-ika-ika. Nang marinig niya sa paligid ang mga yabag ng paa na patungo sa iba't ibang direksyon ay pinili niyang ikubli ang sarili sa katawan ng malaking puno ng narra, nang nagkaroon ng pagkakataon ay pasimple niyang tinakbo ang nag tataasang talahib. nakatulong din ang madilim na gabi kung kaya't naging mahirap sa mga ito ang siya'y matagpuan.
Bigo namang umuwi ang mga kalalakihang inutusan ni Ginoong Mario dahil hindi nila tuluyang nadakip ang kawatan..
"Bago mo tuluyang ilarawan ang kawatan na iyong nakita, maari mo bang issalaysay sa amin kung anong pinagkakaabalahan mo noong mga oras na iyon?"
"Ako'y nakatayo sa salamin at nakapikit na---"
"Sinasabi mo ba na ikaw ay nananalamin nang mga panahon na iyon?"
"Kung ikaw ay nakapikit noong mga oras na iyon, paano ka nakasisigurado na ito nga ay nasilayan mo?"
"Saan ba ang kinatatayuan mo noong natanaw mo ang taong iyon?"
Tinakpan na lamang ni Anita ang kaniyang tainga dulot ng kaguluhan at sabay sabay na pag sasalita nina Rafael, Miguelito, at Mauricio na anila'y mga inspektor na nagsisiyasat sapagkat bigo nilang nadakip ang nagtangka sa kanilang tahanan. Nais na lamang raw gumawa ng sariling imbestigasyon.
pinukpok ni Jasinta ang lamesang yari sa kahoy upang manahimik ang mga ito.
"Aba'y kung ganiyan kayo kung mag tanong siyang tunay ngang magkakaunawaan tayo." Binatukan ni Mauricio si Miguelito dahil sa katanungan nitong a niya'y walang silbi.
"Ano ba iyang katanungan mo na paano nakita kung nakapikit?"
"Ikaw nga'y tinanong mo pa kung nanalamin, hindi ba't kakasabi lang? Sino kaya ang estupido?" namumuhing sagot pabalik ni Miguelito sa panganay na kapatid.
"Tumikom nga kayo? Lumabas na lamang kayo sa silid na ito kung hindi niyo ibig siryosohin ang ating pagdinig." Napapalakpak si Mauricio sa winika ni Rafael para bang sumasang-ayon siya.
Kinuha naman ni Miguelito ang isang papel at panulat. Iprinisenta niya ang sarili upang gumuhit.
"Ano ba ang wangis ng iyong nakita?" Pagtatanong nito na isinuot pa ang antipara ng kaniyang ama..
"Ito ay isang lalaki, tila may maayos na tindig, at nakasoot ng itim na salakot."
Bago sinimulan ni Miguelito ang pag guhit ay tinignan niya si Anita na may pagdududa atsaka bahagyang natawa.
"Ikaw ba ay nakatitiyak? hindi ba ito ang prinsipe na dumadalaw sa iyong panaginip?" pinaningkitan ng mata ni Anita siya sa inis.
Sinikap ni Miguelito na ilarawan ang sinaad ng kapatid.
Tila siya'y isang tanyag na pintor na inaabangan ng mga tagahanga.
Pigil ang tawa ni Rafael at Mauricio. Nakakunot ang noo ni Anita at Bakas ang pagtataka ni Jasinta sa ginagawa ni Miguelito, bagaman hindi lingid sa kaalaman nila ang kahihinatnan nito.
"Ano ba iyan kuya at tilaengkanto ang iyong ginuhit?" puna ni Anita sa kaniyang obra.
Inis na nilukot ni Miguelito ang papel kung kaya't napuno na sila ng katatawanan.
"Mabuti na lamang at isa akong butikaryo." Huminga na siya ng malalim atsaka sinuko na kay Mauricio ang panulat. Ilang sandali lang at natapos na itong iguhit ni Mauricio.