IKAW AY ANG BITUIN

77 10 4
                                    

Nandito na naman kami sa bubungan ng bahay, ang paborito naming lugar. Ang mga bituin sa langit ang tanging saksi ng aming pagmamahalan—mga tawanan, mga yakap, at mga pangarap. Dito, sa ganitong sandali, ang takot at panghuhusga ng mundo ay nawawala.

"Alam mo, kahit anong sabihin ng iba, nandito pa rin tayo," sabi ko habang nakatingin sa mga kumikislap na bituin. "Sila lang ang hindi nanghuhusga."

Ngunit ilang araw nang ganito ang langit. Maulap at kulay abo, tila nagbabadya ang pagbuhos ng ulan. Ang dating payapang bubungan ay nagmistulang isang saksi ng gulo at lungkot.

Nakahiga kami habang hinihintay ang pagsibol ng mga bituin. "Naalala mo noong una tayong nagmasid ng mga bituin dito? Ang saya natin noon. Magkayakap tayo, nagkukwentuhan tungkol sa mga pangarap natin."

Habang patuloy ako sa aking kwento, napansin kong tahimik lang ang aking kasama. Nakapikit ito, ngunit alam kong gising ito at nakikinig. Sa kabila ng katahimikang iyon, pinili kong ipagpatuloy ang pagbabalik-tanaw.

"Alam mo, kahit sa mga araw na malungkot tayo, ang dami pa ring magagandang alaala. Yung mga tawa natin habang umuulan, o yung mga pagkakataong sabay tayong nagluluto sa kusina." Malawak ang aking ngiti, at ang aking puso'y punung-puno ng pagmamahal.

Muli akong tumingin sa kanya. "Sana bumalik ang mga bituin, para maipakita natin sa isa't isa kung gaano kaganda ang mga ito, tulad ng mga alaala natin."

Nananatiling tahimik ito, ngunit sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang lalim ng kanyang pag-iisip. May mga bagay na mahirap ipahayag, lalo na kung ang mga damdamin ay natatakpan ng mga ulap ng hindi pagkakaintindihan. Pero alam namin, sa kabila ng lahat, may mga alaala kaming hindi kailanman maglalaho.

Ilang minuto ding nagngingibabaw ang katahimikan sa aming dalawa. Walang nagsasalita, walang umiimik habang hinintay ang sinag ng mga bituin.

"Mahal!"

Naramdaman ko ang pighati sa kanyang boses. Ang hangin ay tila nagdadala ng malamig na simoy, puno ng emosyon.

"Mahal... pakawalan mo na ako."

Napaupo ako sa narinig. Nagtagpo ang aming mga mata. Bakas sa kanyang mata ang lungkot, hirap, at sakit.

"Pakawalan mo na ako, pakawalan mo na ang sarili mo. Pareho tayong masasaktan sa huli; nahihirapan na din ako."

Hindi ko maiwasan ang pagtulo ng aking luha—mga luhang kanina pa namumuo sa aking mata. "Mahal, patawad. Hindi kita naligtas."

Ang mga salitang lumabas sa aking bibig ay punung-puno ng sakit. Sa ilalim ng maulap na langit, naramdaman ko ang bigat ng aking pagluha.

"Mah... mahal... nahihirapan din ako," sabi niya, ang boses niya'y puno ng lungkot.

"Oo, wala na ako, pero nandyan pa rin ako sa puso mo. Isang maling desisyon ang pagkitil ko ng aking buhay. Patawad—naging duwag ako." Basag ang kanyang boses, puno ng mga luhang umaagos.

Ang bawat salita ni Jay ay tila isang panggising. Napagtanto ko na hindi lang ako ang nahihirapan; maging siya ay nag-iiwan ng isang hiling na makalaya sa sakit na dala ng kanyang pagpanaw. Ang mga ulap sa langit ay tila nagpapabigat sa aming mga puso.

"Mahal, hindi ko alam kung paano. Hindi ko alam kung hanggang kailan, pero kailangan mong umusad. Nahihirapan din ako dahil kinukulong mo ako sa ala-alang nag-uugnay sa atin."

Napahagolgol ako sa iyak ng maalala ang nangyari. Ngayon mismo, sa araw na ito, pinili niyang kitilin ang kanyang buhay. Hindi niya na kinaya ang mga panghuhusga ng mga tao, ang mga salitang tila mga patalim na tumaga sa kanyang puso.

Ang pagmamahalan ng dalawang lalaki, na dapat sana'y puno ng saya, ay napalitan ng takot at lungkot. Habang hawak-hawak ko ang kanyang alaala, ramdam ko ang sakit na hindi ko kayang ipaliwanag.

"Hindi ito ang hangganan ng iyong mundo. Nandito lang ako, magbabantay sa iyo. Ang mga bituin ay parang mga mata ko, laging magbabantay sa iyo. Sa bawat pagsikat nito, nagsisilbing simbolo ng pagmamahal ko sa iyo."

"Jay... mahal ko... gusto ko sanang makilala muli ang mga bituin. Pero hindi ko kayang tignan ang langit nang walang ikaw." Ang aking boses ay puno ng sakit, ngunit sa aking isipan ay patuloy ang pagnanais na muling maramdaman ang pagmamahal ni Jay, aking mahal.

"Matutunan mong tanggapin ang lahat, James. Ang oras ay susunod sa iyo. Ang paglipas ng panahon ang magdadala ng kapayapaan. Wala na ako, pero nandito ako, patuloy na magbabantay at nagmamahal sa iyo." Bigkas niya, lalo pang nagpakirot ng aking puso. "Ito lamang ang natatanging susi para muli mong makita ang pagsinag ng mga bituin sa langit."

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagising ako sa isang mahimbing na pagtulog. "James... Anak?" narinig ko ang pagtawag ng aking ina. Nakatulog pala ako sa bubungan habang hinihintay ang mga bituin.

"Kain na tayo, anak. Ngayon ay espesyal na araw—kaarawan mo at..."

Sa kabila ng aking lungkot, nagpasya akong sumama sa aking ina. Isang taon na ang nakalipas mula nang mawala si Jay, at kaarawan ko pa. Sa bawat subo ng pagkain, ramdam ko ang kasayahan ng aking pamilya. Ngunit sa aking isipan, patuloy ang pag-iisip sa aking mahal.

Matapos ang hapunan, nagbalik ako sa bubungan ng bahay. Sa aking pag-akyat, tila may nagbago. Ang mga ulap ay naglaho, at sa kalangitan, ang mga bituin ay unti-unting nagniningning tulad ng mga diyamante.

"Mahal kong Jay..." bulong ko. "Alam kong mahirap, pero kakayanin ko para sa akin at ikapapanatag ng iyong loob. Salamat sa pagmamahal at pag-aalaga mo."

Muling dumaloy ang mga luha sa aking mga mata, ngunit sa pagkakataong ito, mga luha ng pag-asa. Habang ako ay nakatingala, isang malaking bituin ang kuminang at umagaw ng aking atensyon. Napapikit ako, niyakap ang sarili habang dumampi ang malamig na hangin.

"Paalam, mahal kong James..."

Hindi ko mawari kung saan nanggaling ang boses na iyon, ngunit alam kong ito ay mula sa aking minamahal. Nang bumalik ako sa loob ng bahay, puno ng ngiti sa aking labi at magaan ang aking puso.

Mula sa gabing iyon, natutunan ko na ang mga bituin ay hindi lang mga bituin; sila ay simbolo ng aming pag-ibig, ng bawat alaala na mananatili sa aking puso. At sa bawat pagsinag ng bituin, alam kong hindi ako nag-iisa.

— KATAPUSAN —

Ikaw ay ang BituinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon