One Ordinary Ride

80 9 26
                                    

An entry for Ms. Kimmie_66 horror flash fiction challenge.

ONE ORDINARY RIDE

HINDI na mabibilang sa kanyang mga daliri kung ilang beses nang ginabi si Tanya sa pag-uwi. At sa tuwing sasakay ng dyip, lagi niyang baon sa puso ang takot na baka may mangyaring hindi maganda. Dala na ng hindi napipigilang trauma dahil sa mga napapanood niya sa telebisyon.

Ngunit nang gabing iyon, pakiramdam niya ano mang oras ay mawawalan siya ng malay dahil sa labis na takot hindi dahil baka may makasakay siyang masamang tao at bigla na lamang silang tutukan ng kutsilyo o ng baril, o baka may makasalpukan silang sasakyan.

"Alam mo ba 'yong kwento roon sa Eldigar street?"

Saglit na natigilan si Tanya sa tangkang pagtusok ng IV needle sa pasyente nang marinig ang sinabi ng bantay nito. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa na nasa mga ito pa rin ang tenga.

"Eldigar street? Ah! 'Yong tungkol sa jeep na sumusundo ng mga patay? 'No ka ba. Syempre, kalokohan lang 'yon. Sa panahon ba naman ngayon nagpapaniwala ka pa sa ganyan?"

"Magkakaroon ba ng gano'ng kwento kung walang nakaranas?"

"Oh, sige nga. Sino'ng tangang nagkwento sa 'yo niyan? Naranasan niya ba mismo?"

"Nabasa ko lang 'yon sa Horror Stories by Karla sa FB pero maraming comment na totoo nga raw 'yon. At alam mo ba na-"

"Nako, tama na nga! Kung kailan namang nasa ospital tayo saka mo naman naisip magkwento ng nakakatakot."

"O, akala ko ba hindi ka duwag?" tumatawang ani ng bantay.

"Hindi duwag sa karayom, loko!"

"Ikaw ba, nurse, naniniwala ka ba sa gano'ng kwento?"

Nabaling ang tingin niya sa bantay. Pareho ng nasa kanya ang tingin ng mga ito. Napangiti siya saka umiling.

"Hindi, Tanya? Ngayon ka huwag maniwala sa kwento," nanginginig ang boses na bulong niya sa sarili.

Nakabibinging katahimikan na lalong nagpapataas ng kanyang balahibo. Maski ang ugong ng hangin na kanina ay tangi niyang naririnig ay tila ba nawala. Ramdam niya ang pangingilabot ng katawan na alam niyang hindi na lamang dahil sa malamig na hanging yumayakap sa kanya.

Totoong hindi siya naniniwala sa kwentong iyon dahil ilang beses na siyang dumaan sa Eldigar street at kailanman ay hindi siya nakaranas ng kahit ano'ng nakapangingilabot na pangyayari. Ngunit sino nga bang makapagsasabi na sa gabing iyon, pagkatapos niyang sabihin sa dalawang binata na iyon na hindi siya naniniwala sa kwentong iyon ay agad 'yong ipararanas sa kanya.

Sa kabila ng pangangatal ng katawan, sinubukan niyang linguning muli ang mga pasahero. Dahil sa magkahalong pagod at puyat ay agad niyang isinubsob ang mukha sa kanyang mga braso pagkasakay na pagkasakay ng dyip na iyon at mabilis na nakaidlip. Kaya nga hindi niya napansin na mayroong kakaiba. Ngunit nang mag-aabot ng bayad ay roon na niya napansin ang lahat.

Walang kumikilos. Nangungot ang noo niyang inulit ang sinabi, "Makikisuyo po ng bayad."

Nabahiran ng pagtatakang natitigan niya ang babae sa kanyang unahan, at sa kasunod at sa kasunod pa ulit. Mabilis na nagtaasan ang kanyang mga balahibo, tila mayroong pumupukpok sa kanyang dibdib. Napapakurap na dahan-dahan niyang nailibot ang paningin sa lahat ng pasahero. Sa unang tingin ay hindi mapapansin ang kakaiba sa mga ito. Tuwid na tuwid sa pagkakaupo at nasa unahan ng dyip ang tingin. Ngunit tuluyang nangilabot ang buo niyang pagkatao nang mahagip ng tingin ang salamin sa unahan ng sasakyan.

One Ordinary RideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon