NABABALOT ng matinding kalungkutan ang buong bayan habang sumasapit ang pag takipsilim. Ang malamig na hangin na humihihip sa buong paligid mas lalo lamang na nadaragdag ng takot. Patuloy na nagdadalamhati ang mga magulang na nawawalan ng anak. Ang sulok ng kanilang tahanan binabalot ng labis na sakit at pangungulila.
Bagama't tumigil na ang mga opisyal sa kanilang imbestigasyon, hindi naman tumigil ang mga Manguang Anak. Gabi-gabi, naririnig ng buong bayan ang mabibilis na yabag at malalakas na halakhak mula sa kalayuan—mga palatandaang hindi natatapos ang kanilang bangungot.
Nananatili si Teresa sa kanyang maliit na silid, halos hindi kumikilos. Ang mga gabing dumaraan pakiramdam niya walang katapusan—ang pag-asam na baka isang araw bumalik si Clara, ngunit kasabay nito ang pangambang baka hindi na niya makita pa ang anak. Nananatili siyang umaasa, kahit pa ang mga alaala ng kanyang anak nagsisimula nang mawala sa kanyang isipan.
"Ano pa ba'ng dapat kong gawin?" bulong niya sa sarili habang nakatingin sa bintana, umaasang may darating na kasagutan mula sa kalangitan.
---
Sa labas naman, si Rosita at ang ibang magulang muling nagtipon-tipon sa plaza. Nawawalan na sila ng pag-asa, na parang ang liwanag ng kanilang buhay unti-unting hinihigop ng mga nilalang na kanilang kinatatakutan.
"Kailangan na may gawin na tayo,"sabi niya, na ang galit ang namumutawi sa kanyang boses. "Hindi natin puwedeng hayaang ganito na lang."
"Pero ano'ng magagawa natin?" tanong ni Mang Nestor, isa pang ama na nawawalan ng anak. "Wala namang nakikinig sa atin, kahit ang mga pulis ay ayaw maniwala. Hindi natin alam kung saan hahanapin ang mga Manguang Anak na 'yan!"
"Tama na ang kakahintay," mariing sagot niya. "May isang taong maaaring makatulong sa atin—si Lola Zoraida. Matagal nang sinasabi ng mga tao na may alam siya tungkol sa mga Manguang Anak. At kung paano tatapusin ang kasamaan nila!"
Nagsimula ang bulungan ng mga magulang. Si Lola Zoraida ay isang kilalang albularyo na nakatira sa pinakamalayong bahagi ng bayan. Ilang dekada nang walang nakakapunta sa kanyang tahanan, sapagkat ang mga kuwento tungkol sa kanyang kapangyarihan naging sanhi ng labis na takot sa mga tao. Hindi lang basta isang ordinaryong albularyo ito.
Mabilis na kumalat ang balita sa buong bayan. At bago sumapit muli ang gabi, ang mga magulang sama-samang pumunta sa tahanan ni Lola Zoraida. Ang daan patungo sa bahay nito ay mabato at madilim, habang ang mga puno sa kanilang dinaraanan parang may mga matang nakatingin sa kanila. Sinusubaybayan ang bawat kilos nila.
"Sigurado ba tayo rito?" tanong ni Cristino habang nakatingin sa makapal na kakahuyan. "Nakakatakot dito."
"Kung hindi natin susubukan, mas nakakatakot ang susunod na mangyayari," sagot ni Rosita.
Pagdating nila sa bahay ni Lola Zoraida, bumungad sa kanila ang isang maliit at lumang kubo, pinalilibutan ng mga ligaw na halaman at puno na nagbabantay sa paligid. Ang pinto ay bahagyang nakabukas, na para bang iniimbitahan silang pumasok.
"Pasok kayo," tinig mula sa loob ng kubo. Ito ay mababa at puno ng misteryo, na ang bawat salita may dalang lihim.
Dahan-dahang pumasok ang mga magulang. Sa gitna ng maliit na silid nakaupo si Lola Zoraida, may hawak na sinaunang mga buto na ginagamit nito sa isang orasyon. Ang malabo ng mga mata nito at halos walang buhay, ngunit sa tuwing tinititigan nito ang mga bisita, nararamdaman nila ang bigat ng kapangyarihan nito.
"Alam ko kung bakit kayo nandito," sabi ni Lola Zoraida, hindi tumitingin sa kanila. "Ang inyong mga anak... kinuha ng mga Manguang Anak, tama?"
Napalunok ng laway si Rosita. "Oo, Lola. Kinuha nila ang aming mga anak, at hindi namin alam kung paano sila mababawi."
"Ang mga Manguang Anak ay hindi mga pangkaraniwang nilalang," paliwanag nito. "Sila ay mga alipin ng isang mas malakas na pwersa—isang nilalang na matagal nang naghahasik ng takot dito sa bayan. Kailangan niyong malaman na hindi basta-basta mababawi ang inyong mga anak. May kabayaran ang lahat ng ito."
---
Sa kabila ng kanilang takot na nararamdaman, hindi nag-atubili ang mga magulang na magtanong. "Ano'ng kailangan naming gawin?" tanong ng isang magulang. "Sabihin niyo lang, Lola. Gagawin namin ang lahat."
Napatingin ito sa kanila, isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito. "May isa lamang paraan," sabi nito. "Kailangan niyong mag-alay ng isang buhay bilang kapalit ng mga batang nawawala. Isang buhay na handang isakripisyo ang sarili upang tapusin ang sumpa."
Tahimik ang lahat. Ang kabigatan ng mga salita ni Lola Zoraida ay parang espada na humiwa sa kanilang mga puso. Sino ang magsasakripisyo ng sarili niyang buhay? Sino ang handang isuko ang buhay upang mabawi ang kanilang mga anak?
"Kung ito ang tanging paraan..." biglang sabi ni Teresa mula sa kanilang likuran. Ilang beses niya itong pinag-isipan kagabi. At alang-alang para sa kanyang anak. "Ako na ang gagawa."
Nagulat ang lahat sa kanyang pahayag. "Teresa, hindi mo kailangang gawin ito!" sigaw ni Rosita. "Maghahanap tayo ng ibang paraan!"
Ngunit alam ni Teresa sa kanyang puso na wala nang ibang pagpipilian. Ang kanyang puso ay puno ng pag-asa na baka, sa huling pagkakataon, mabawi niya si Clara—kahit pa ang kabayaran nito'y ang kanyang sariling buhay.
"Minsan, ang pagmamahal ng isang ina ay higit pa sa kung ano ang kaya niyang gawin," sabi niya, habang iniaabot ang kanyang kamay kay Lola Zoraida. "Handa akong ialay ang aking sarili para sa kaligtasan ng aming mga anak," baling niya sa matanda.
Tahimik si Lola Zoraida, ngunit isang maliit na ngiti ang bumungad sa labi nito. "Napakabigat ng desisyong ito," bulong nito.
Tumingin si Teresa kay Rosita. "Ikaw na ang bahala sa anak ko," malungkot na sabi niya."
Hindi naman mapigilan ni Rosita ang mapaiyak. Kahit labag man sa kanyang kalooban ang gagawin ni Teresa wala siyang magawa. Walang nais na magsakripisyo ng sariling buhay para sa magiging kaligtasan ng mga bata kundi si Teresa lamang.
Habang ang dilim ay tuluyang bumabalot sa paligid, si Teresa na nakahandang ibigay ang lahat upang matapos na ang lahat na paghihirap nila. Ngunit sa dulo ng lahat ng ito, alam niya na hindi lahat ng kwento nagtatapos sa isang masayang wakas. Ang kwento ng kanyang buhay hanggang dito na lang siguro. Hindi na niya muli pang mayayakap si Clara.
BINABASA MO ANG
Manguang Anak
HorrorMga nilalang na dumudukot ng mga bata mula sa mga lansangan. Ang dugo ng mga inosenteng bata ang kailangan nila. Isinasakripisyo kapalit ng ginto. Habang dumarami ang mga nawawalang bata, ang takot patuloy na sumisilay sa bawat mukha ng mga magula...