Secretary (One Shot Story)

512 8 4
                                    

“Saan po kayo?” tanong ng magandang receptionist kay Miguel.

“Sa 13th floor po. Sa Luthian CC po,” magalang na sagot niya.

“Mag-iwan na lang kayo ng ID saka paki-sign na lang po dito,” sabi ng babae sabay abot ng Visitor’s Log kay Miguel.

Maraming tao ang nakatayo sa harap ng reception desk sa building na iyon. Lunes kasi kaya busy ang lahat ng mga tao. Marami at iba-iba ang nilalakad. At tulad ni Miguel, marami rin ang nagbabakasakaling makahanap ng trabaho.

“Nasa dulo po ng lobby ang elevator,” sabi ng receptionist kay Miguel matapos mag-abot ng isang ID.

Dahan-dahang naglakad si Miguel papunta sa elevator. Kumakabog ang dibdib niya sa kaba. Ito kasi ang unang pagkakataon niyang mag-apply ng trabaho. Tatlong buwan pa lang kasi ang nakakalipas ng grumaduate siya sa kolehiyo. Architecture ang tinapos niya ngunit dahil wala namang alam na mapapasukan ay sinubukan niyang mag-apply sa call center. May ilan kasi siyang mga kaklase na nakapasok sa mga call center at malaki daw ang suweldo.

Pinagmasdan ni Miguel ang mga tao na naghihintay sa elevator. Lahat naka-business attire. Mga naka-amerikana, mga naka-necktie, at nagkikintabang mga sapatos. Nakadama tuloy siya ng panliliit sa kanyang suot na simpleng asul na polo at lumang itim na slacks.

Pagbukas ng isang elevator ay mabilis na nag-unahan ang mga tao sa pagpasok. Wala na ring nagawa si Miguel kundi ang makipagsiksikan. Sa loob, tahimik lang ang lahat. Lahat naghihintay sa pagtigil ng elevator sa kani-kanilang mga floor.

Naka-ilang tigil din ang elevator bago ito huminto sa 13th floor. Dahan-dahang lumabas si Miguel, dama ang pawis sa kanyang noo. Lumapit siya sa guwardiya na nakaupo sa isang desk.

“Mag-aapply po sana,” mahinang sabi niya.

“Pirma na lang kayo dito sir,” sabi ng guwardiya habang itinuturo ang visitor’s log na nasa ibabaw ng mesa. Pagkatapos pumirma ay binuksan ng guwardiya ang pintuan ng call center.

Pagpasok ni Miguel ay natuwa siya ng makitang wala pang ibang aplikante maliban sa kanya. Bahagyang nabawasan ang kaba niya. Alam niya kasing ma-iilang siya kapag may mga kasabay siyang magaganda ang damit at magagaling mag-ingles. Huminga siya ng malalim at lumapit sa receptionist, na nakatayo at nakatalikod sa kanya na para bang may ginagawa.

“Good morning, Ma'am. I would like to apply for a Customer Service Representative position,” ang magalang niyang sinabi.

Hindi kumibo ang receptionist. Nakatalikod pa rin ito sa kanya, mukhang abala sa ginagawa.

“Excuse me, Ma'am,” sinimulan niyang muli. “I would like…”

Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil biglang itinaas ng receptionist ang kanang kamay nito at pagalit na itinuro ang mga bakanteng upuan para sa mga aplikante.

Ang sungit naman nito, naiinis na nasabi niya sa sarili.

Umupo si Miguel sa isa sa mga bakanteng upuan habang ang receptionist ay bumalik sa kung ano man ang ginagawa nito. Nagmasid siya sa paligid. Maganda ang desenyo ng reception area, maliwanag at makabago. Hindi maiwasan ni Miguel na mapangiti habang iniisip na maaaring dito siya magta-trabaho.

Pinagmasdan niya rin ang abalang receptionist. Nakasuot ito ng asul na blouse at itim na mini-skirt. Mahaba at makintab ang buhok nito. Sinilip niya kung ano ang ginagawa nito ngunit sadyang hindi niya ito makita.

Makalipas ang ilang minuto ay biglang tumigil ang receptionist sa kanyang ginagawa. Mabilis itong naglakad at nagmamadaling pumasok sa isang pintuan malapit sa kanyang desk. Hindi alam ni Miguel kung ano ang kanyang iisipin. Tinitigan lang niya ang saradong pintuan kung saan pumasok ang babae.

Secretary (One Shot Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon