ANG KWINTAS
Isa siya sa mga pinaka-marikit at kahali-halinang babae na isinilang, at para bang nagkamali ang tadhana dahil isang pamilya ng mga manggagawa ang kanyang pinagmulan. Hindi siya itinakda na ikasal kaninoman, walang umaasa na aangat siya, at wala rin siyang paraan para makilala, maunawaan, mahalin, at makapangasawa ng isang marangya at marangal na lalaki. Bagkus, isang hamak na kawani ng Kagawaran ng Edukasyon ang pinakasalan niya. Simple lang ang kanyang panlasa dahil hindi naman niya kaya ang mga mamahaling bagay. Hindi siya masaya dahil sa pakiwari niya, nagpakasal siya sa isang lalaking mas mababa pa sa kanyang uri. Pero ang mga babae naman talaga ay hindi nabibilang sa kahit anumang uri. Ang kanilang kagandahan, kahinhinan, at alindog ay nagagamit nila para magkaroon ng asawa at pamilya. Ang natural na pagkahilig nila sa karangyaan, ang kanilang angking karingalan, at matalisik na isip ay nagsisilbing mga palatandaan ng kanilang ranggo. At sa mga bagay na ito, ang babaeng tinutukoy natin na nagmula sa kahirapan ay maituturing na kapantay ng pinakamataas na babae sa balat ng lupa.
Hindi matapus-tapos ang kanyang pagdurusa, dahil pakiramdam niya'y ipinanganak siya para matikman ang lahat ng karangyaan at kaginhawahan. Pinagdurusahan niya ang kanyang hamak na tirahan, ang mga nanlilimahid na dingding nito, ang mga gapok na silya, at marurungis na kurtina. Lahat ng ito-na maaaring hindi alam ng mga babaeng kauri niya-ay nagdudulot sa kanya ng pasakit at insulto. Nang makita niyang pumasok ang batang babae na Breton sa kanyang hamak na tirahan para magtrabaho, nabagbag ang kanyang damdamin at natigatig ang kanyang mga walang kapararakang pangarap. Umandar ang kanyang imahinasyon at naisip niya ang mga tahimik na silid, na natatakpan ng mabibigat na kurtinang Oryental, naiilawan ng mga nagtataasang sulo na yari sa tanso, at binabantayan ng mga nagtatangkarang lalaki na may suot na mahahabang medyas na umaabot hanggang sa tuhod at nahihimbing sa malalaking sopa, dahil sa nakalilipos na init na nagmumula sa kalan. Naisip niya rin ang malalawak na silid na napapalamutian ng antigong telang sutla, at maliliit ngunit kaaya-aya at mababangong silid na nilikha para sa mga munting salusalo kasama ang mga pinakamalapit na kaibigan, at mga lalaking pamoso at inaasam-asam, na ang pamimitagan ay nakatitigatig ng inggit at pagnanasa sa kababaihan.
Nang dumulog siya para sa hapunan sa hapag na natatakpan ng mantel na kalalagay lang tatlong araw na ang nakararaan, katapat ng kanyang asawa na nag-alis ng takip ng lalagyan ng sopas at napabulalas nang buong saya: "Aha! Scotch broth! May hihigit pa ba rito?", muli na namang lumipad ang imahinasyon ng babae at naisip niya ang mga pagkasarap-sarap na pagkain, mga kumikinang na kubyertos, mga tapiseriya na tumatakip sa mga dingding at naglalarawan sa mga sinaunang tao at mga kakatwang ibon mula sa mga kagubatang pinamamahayan ng mga diwata; naisip niya ang mga kasiya-siyang pagkain na nakalatag sa mga kamangha-manghang bandehado, mga pabulong na panunuyo, na pinakikinggan nang may di mawaring ngiti habang ngumangasab ng mamula-mulang laman ng isda o pakpak ng manok na may halong asparago.
Wala siyang magagandang damit at alahas. At ito ang mga bagay na iniibig niya. Pakiramdam niya'y nilikha siya para sa mga bagay na ito. Matagal na niyang inaasam na makapang-akit, na mapagnasaan, na kahumalingan, at maging kaasam-asam.
Nagkaroon siya ng isang mayamang kaibigan, isang dating kaklase na ayaw niyang bisitahin, dahil nakararamdam siya ng matinding pagkasawi habang papauwi siya sa kaniyang tirahan. Ilang araw siyang umiiyak, saklot ng kalungkutan, pagsisisi, kawalang-pag-asa, at pagdurusa.
Isang gabi, umuwi ang kanyang asawa na masayang-masaya, hawak ang isang malaking sobre.
"Para sa iyo ito," sabi niya.
Mabilis na pinunit ng babae ang sobre at hinugot mula sa loob nito ang isang papel kung saan nakasulat ang mga katagang ito:
"Hinihiling ng Ministro ng Edukasyon at ni Ginang Ramponneau na makapiling sina Ginoo at Ginang Loisel sa Kagawaran ngayong Lunes ng gabi, ika-18 ng Enero."
