Ang matanda, maaga pa ay gising na.Limang oras na tulog lamang husto na. Ganoon ang nangyayari kay Mang Sixto sa tuwing umaga. Magigising siya nang mga alas kuatro, pupunta sa banyo, at di na babalik sa higaan. Sisilipin ang asawa na tulog na tulog pa at naghihilik, bago siya uupo sa kanyang paboritong silyon sa sala.
Antigo ang silyon. Namana sa lolo at ama niya. Yari sa nara, may mahahabang patungan ng braso ito. Maaaring ipatong ang dalawang braso, pati na ang dalawang binti. Ang pinakaupuan ay yari sa buling ratan.
Titingin siya sa kisame samantalang nakahilata sa silyon, nakabukaka, at sasariwain sa isip ang mga “naganap” nang nakaraang gabi.
Kuwentista si Mang Sixto. Nang bata-bata pa ay sumusulat siya ng script para sa mga dramang ipinalalabas sa telebisyon. Kung mga dalawang daang kuwento lamang ay nakasulat na siya at karamihan doon ay ginawang drama at ipinalabas sa telebisyon.
Sa kasalukuyan, ang pagsulat ni Mang Sixto ay pang-alis na lamang ng inip. Paminsan-minsan ay ipinadadala ang kuwento sa isang magasin na kung saan mayroon siyang kaibigang patnugot. Paminsan-minsan ay nailalathala ng magasin ang kanyang kuwento.
Kagabi ay napaginipan niya ang dalawang lalaking apo na iniwan ng ina sa kanila upang silang mag-asawa ang mag-alaga. Ang mga apo ay dalawang taon ang isa at limang taon ang isa. Mga tunay na alagain lalo na’t napakalilikot. Walang tigil sila sa katatakbo at katatalon.
Sa panaginip ay ipinasyal nilang mag-asawa ang dalawang bata sa parke. Maraming tao noon sa parke na naglilibang din katulad nila. Habang minamanmanan ang mga apo ay may lumapit sa mag-asawa na isang lalaking may dala-dalang tila mo malaking payong. “Subukan ninyo,” sabi ng tao. At dahil malaki ang payong, dalawa silang mag-asawa ang humawak sa pinakapuno nito. Binuksan nila ang payong na agad-agad na bumuka. May elise sa pinakatuktok nito na bigla at mabilis na umikot. Umalsa ang payong tangay-tangay ang mag-asawa. Lumipad ito paitaas na tila helicopter, hila-hila ang mag-asawa. Nagsisigaw si Aling Mary, “Saklolo, saklolo!” Si Mang Sixto naman ay putlang-putla sa takot at kahi’t na ibig na maghihiyaw ay walang salitang lumalabas sa kanyang bibig.
Umikot ang lumilipad na payong sa itaas ng parke at pagkatapos ay kusang bumaba. Paglapag sa lupa, biglang bitiw sa payong ang mag-asawa at dahil sa biglaan ang pagkabitiw ay kapuwa sila sumadsad nang paupo sa lupa.
Napakabilis ng mga pangyayari. Magkahalong kaba, pagkalito, at pagkapagal ang naramdaman ng mag-asawa. Di madaling sumabit sa isang lumilipad na bagay at tiyakin na hindi mahuhulog. Kung sila’y bumitiw habang nasa itaas, malamang ay ikinamatay na nila ang pagkahulog.
Ngayon ay nagngagalit ang damdamin nila. “Nasaan ang tarantadong mama na iyon?” Wika ni Mang Sixto, sabay tindig at pagkatapos hila sa asawa at nang siya rin ay makatayo.
Naisip ni Aling Mary, “Nasaan ang mga bata?” Karimot nang takbo ang dalawa, patungo sa isip nila na lugar na napag-iwanan sa mga apo. Kabog ang dibdib nila kapuwa, “Diyos ko, baka nawala na ang mga apo ko!” tulalang nasambit ni Aling Mary. “Baka kinuha na ng ibang tao!”
Umuungol nang magising si Mang Sixto.Ilang sandali ang lumipas bago siya nahimasmasan. Samantala ay lumulutang ang isip niya sa pagitan ng katotohanan at ng mundo ng panaginip.
Hindi maunawaan ni Mang Sixto kung bakit nang siya ay tumanda ay dumalas ang dating ng mga nakababahalang panaginip. Noong araw ay nakasusulat siya ng kuwento batay sa malawak na pagbabasa ng mga aklat at magasin na may sari-saring paksa. Ang mga kuwento niya nitong mga nakaraang panahon ay bunga ng panaginip. Iniisip niya na baka ang mga panaginip ay dala ng mga gamot na iniinom niya. O dahil sa di pa natutunaw ang kinain na hapunan ay natutulog na siya kaagad. Ang ibang tao ba ay ganoon din? Nananaginip din katulad niya, kahi’t na sa kanyang kaso, mas malimit yata ang dating ng panaginip kaysa ibang tao.
BINABASA MO ANG
BLACK WIDOW
Short StoryBlack Widow Ang pagtanda ay makasaysayan sa ating panahon sa dahilang pinakamarami ang bilang ng matatanda sa buong kasaysayan ng tao sa mundo. Ang tinatawag na “baby boomers”, ang mga ipinanganak pagkakatapos ng World War II, ay silang matatanda na...