STRAIGHT
Nadala pa naman namin si Nanay sa hospital ngunit ayon sa mga doctor, dead on arrival na siya. Napakabilis ng pangyayari. Hindi napaghandaan ng aming pamilya ang pagkawala ng ilaw ng aming tahanan kaya nang nangyari iyon ay lahat kami ay nangapa. Hindi namin alam kung paano muling magliliwanag ang aming tahanan. Sobrang nasaktan ako sa nangyari. Ni hindi ko alam kung kanino ako magagalit. Kay tatay ba na nagiging makitid ang utak sa mga alanganin o kay kuya na hindi nirespeto ang mga alituntunin ni tatay sa bahay at sa aming pagkatao. Ngunit ang tanging alam ko ay namatay si nanay dahil sa kabaklaan ni kuya. Kung hindi sana bakla si kuya hindi sana nangyari ang lahat ng ito. Kung sana ganoon ang kaniyang pagkatao, hindi magagalit si tatay. Kung hindi siya nagpatulog ng lalaki sa kaniyang kuwarto at nahuling may katalik, sigurado buhay pa sana si nanay ngayon.
Sa burol ay gustong lumapit ni kuya ngunit dalawa kami ni tatay ang galit na galit sa kaniya. Ipinagtulakan ko siya, minura-mura at ipinahiya sa mga nakipagdalamhati sa amin. Hindi din napigilan ni tatay na habulin siya ng patalim. Alam kong sa mga sandaling iyon ay kaya niyang saksakin si kuya. Sa takot ni kuya ay hindi na niya binalak lumapit pa sa mga labi ni nanay. Huling nakita ko siya ay noong palihim siyang nakamasid at lumuluha sa libing ni nanay. Masakit na tingin ang sukli ko sa kaniyang kaway noon.
Dumaan ang araw ngunit mas lalong tumindi ang sakit ng loob ko kay kuya. Hindi lang sa kaniya kundi nadamay na din lahat ng mga bakla.
Papasok kami noon sa aming campus ni Pareng Xian nang may baklang titig na titig sa akin. Dati-rati hindi ko na lang noon pinapansin kung may mga baklang nagpapalipad hangin sa akin o kaya kibit-balikat lang ako kung may mga naririnig akong mga pasaring ng pagkagusto ngunit ngayon abot-langit na ang inis ko sa mga kabaro ni kuya. Tinignan ko na siya ng masama ngunit nagawa pa niyang magparinig nang nakatapat na sa akin. Dinig na dinig ko ang sinabi niyang...
"Guwapo nga pero suplado naman!"
Sa narinig kong iyon ay parang biglang tumaas ang aking dugo,
"Anong sinabi mo 'tang-ina mong bakla ka!"
Hinatak ko ang kuwelyo ng uniform niya at saka sinuntok sa panga. Nang binalak akong kalmutan sa mukha ay muli kong dinagukan at nang namilipit at ambaan ko ng isa pang suntok sa mukha ay mabilis si Pareng Xian na pinigilan ang aking kamao kaya isang malakas na tadyak ang aking pinakawalan.
"Tama na pare. Walang kasalanan yung tao. Tama na!" Yakap ako noon ni Pareng Terence at dahil sa tindi ng takot ay nagsisigaw ang bakla dahilan para makuha ang atensiyon ng aming school guard at binibitbit ako hanggang sa aming Dean's Office.
Duguan ang nguso ng baklang binugbog ko nang pinatawag ako ng VP Admin namin at nagkataon din palang anak niya ang napuruhan ko. At dahil doon ay pinatawan ako ng suspension, ang suspension na iyon ay naging tuluy-tuloy nang hindi ako pumasok.
Lalo pang tumindi ang galit ko sa mundo nang tinamaan si tatay ng depresyon. Hindi makatulog, hindi makakain hanggang tuluyan na siyang tinanggal sa serbisyo. Masyado niyang dinidibdib ang pagkawala ni nanay lalo pa't batid niyang isa siya sa mga dahilan ng maagang pagkawala niya sa amin. Lagi siyang lasing. Lagi siyang wala sa sarili. Hanggang unti-unti ng nawawaldas ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan. Buwanan na kung ibenta ang mga nabili nila ni nanay na mga appliances Sa akin na lahat naiatang ang mga responsibilidad ng isang ina at ama. Hindi ako handang pasanin ang mga responsibilidad na iyon. Hanggang pati ang pag-aaral ng bunso naming si Vicky ay hindi na din nito kayang suportahan.
Dahil sa gusto kong takasan ang responsibilidad na hindi naman dapat sa akin ay sumama ako sa girlfriend ko at iniwan ko sila ni Vicky sa bahay. Nagsama kami bilang mag-asawa ni Cathy. Ilang buwan pa ay nabalitaan kong nag-asawa na din daw si Vicky sa edad niyang labinlima. Nakaramdam ako ng awa sa aking kapatid. Dahil sa ginawa ni kuya at tatay, naging miserable ang buhay naming lahat. Namatay si nanay at nagkawatak-watak kaming lahat. Gustuhin ko mang pasyalan si tatay sa bahay ay hindi ko na magawa dahil abala din ako para buhayin ang dalawang magkasunod na ipinanganak na supling namin ni Cathy.
BINABASA MO ANG
STRAIGHT
RomanceAko si James. Lumaki ako sa isang istriktong pamilya. Naikintal sa bubot kong isip ang tama sa mali, ang katanggap-tanggap at bawal at ang pagkutya sa pagkatao ng mga lumilihis sa ating totoong pagkasino. Sa madali't salita, hindi ako nakikisama sa...