Tropa Part 3

14.4K 168 8
                                    

Note from the Author:

(Ang bahaging ito ay ang kuwento naman ni Xian. Sinikap kong ilahad ang kuwento ng dalawang unang bida natin sa magkaibang point of view para maintindihan natin ang iniisip at damdamin ng dalawang pangunahing tauhan. Ang unang dalawang kabanata ay ang point of view ni James at ang susunod naman ay ang point of view ni Xian. Sana ay masundan niyo ang pagkakalathala nito. Sisikapin kong hindi kayo malilito dahil sa simula ng bawat Chapter ay mababasa ninyo kung kaninong point of view ang mailalathala. Sana magustuhan ninyo ang nobela natin ngayon. Gusto ko lang pong hilingin na sana ay patuloy kayong makibahagi, magbigay ng inyong mga comments sa bawat chapter ng alam kong hindi ako nagsasayang ng oras na nagsusulat na wala namang bumabasa.

Part III

(Christian/ Xian's Point of View)

Ako si Xian. Isa akong paminta. Baklang nagbibihis lalaki at nagpupumilit umakto at magsalita bilang tunay na lalaki. Lumaki ako sa pamilyang hindi malaking isyu ang pagiging bakla o tomboy. Nabigyan kami ng karapatan kung ano ang gusto naming gawin sa buhay. Malaya kaming magkakapatid gawin ang lahat ng aming maibigan ngunit may mga responsibilidad parin kami sa aming mga sarili. Ikinintal sa mga isipan namin na gawin namin kung ano ang makapagpapasaya sa amin ngunit dapat harapin namin ang bunga ng aming ginawa, ito man ay mabuti o masama. Lagi iyong sinasabi nina Dad at Mom.

"Kung saan kayo masaya, gawin niyo lang iyon. Handa kaming magbigay ng payo sa inyo ngunit ang sarili parin ninyong desisyon ang masusunod. Handa kaming magbigay ng opinion sa maaring ibunga ng iyong gagawin ngunit kayo parin ang nakakaalam kung hanggang saan ang inyong limitasyon. Lahat ay may maaring ibunga ng inyong mga desisyon kaya bago ninyo gawin ang isang bagay, mainam na sa una palang ay pag-isipan na muna kung ano ang magiging epekto nito sa inyong buhay. Kung sakali mang magkamali kayo sa inyong desisyon, nandito kaming sumuporta pero nasa inyo parin ang ikakalutas ng inyong problema at hindi galing sa amin dahil ang kaya lang naming gawin ay ang mahalin kayo na hindi dahil sa inyong pagkasino kundi dahil anak namin kayo."

Kahit gano'n ang lagi nilang sinasabi noon ay hindi ko parin nakayang ilabas ang tunay na ako. Nagiging lalaki parin ako sa isip ng aking mga magulang at kapatid. Nagbilang parin ako ng ilang girlfriends hindi dahil gusto ko o kaya ay patunayan sa pamilya ko na lalaki ako kundi dahil kay James na barkada ko.

Paano ba kami nagsimulang magbarkada ni James? Mahilig siyang magbisikleta noong mga elementary kami. Ako naman ay hindi marunong ngunit naiinggit ako sa kaniya sa tuwing nagfree-free hand siyang nagpapaikot-ikot sa aming playground. Dahil doon ay nagpabili din ako ng bike ko kay daddy at nagpaturo sa pinsan ko. Hanggang sa pumapasok na din akong nakabike at lagi na kaming magkasama sa paglalakwatsa. Naging barkada, magkasangga sa mga kalokohan at laging kasangkot sa mga kapilyohan sa school. Kung kaaway ng isa, kaaway naming dalawa. Kung ano ang kakainin ng isa, dapat kakainin din ng isa.

Mga grade four kami noon, nagsimula lang naman yung kakaiba kong nararamdaman sa kaniya nang biglang nagkabanggaan kami sa pintuan ng aming classroom. Nagmamadali ako noong palabas at siya naman ay papasok. Biglang ang katawan niya ay bumangga sa akin at ang labi niya ay tumama sa gilid ng aking labi. Halos matumba na sana ako pero mabilis niya akong alalayan at napayakap ako sa kaniya. Alam kong para sa kaniya wala lang ang nangyaring iyon ngunit sa akin, binuhay niya ang hindi ko naiintindihan kong emosyon. Amoy ko noon ang kaniyang hininga, ramdam ko ang katawan niyang lumapat sa aking katawan at ang kaniyang ngiti na narehistro sa aking utak. Palagi ko naririnig sa mga kaklase ko ang pagkakaroon nila ng crush sa opposite sex pero bakit ako, sa katulad kong kasarian humahanga at ang mahirap ay sa katropa ko pa't kalarong si James.

Kung may mga laro sa school na kailangang ng kasangga, ako lagi ang gusto niyang kasama kahit noon ay medyo likas na akong lampa. Nananalo lang naman kami kasi dahil sa kaniya. Kung may mga lakad siya hindi puwedeng hindi ako kasama. Sa mga boyscout camping gusto niya tabi kami sa pagtulog sa tent. Hindi niya alam pero nahihirapan akong matulog katabi niya. Nanginginig ako at nanlalamig sa tuwing maglapat ang aming katawan. Akala ba niya madaling makatabi sa pagtulog ang lalaking pinapangarap mo tapos wala kang ibang magawa kundi ang tumihaya at namnamin lang ang katotohanang katabi mo nga siya pero hindi mo siya mayakap o mahalikan man lang. Anlakas ng kabog sa dibdib ko kung bigla siyang naghuhubad habang naliligo kami ng sabay. Hindi ko noon naiintindihan ang aking nararamdaman ngunit alam ko, gusto ko siya. Siya ang ultimate crush ko.

STRAIGHTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon