"Dahon"
Ni Anthony Bendo
Mga Tauhan:
• Belen: Bente kwatro anyos. Probinsiyanang nagtrabaho sa Maynila at ikakasal kay Roger. Nakatulog sa araw ng pamamanhikan at hindi na muling nagising. Ang hinala, tinangay ng prinsipe ng mga engkanto
• Roger: Trenta anyos. Kasintahan ni Belen. Umuwi sa malayong probinsiya ng kasintahan upang mamanhikan na nauwi sa kaniyang kamatayan
• Mang Teban: Albularyo sa Sitio Paraiso. Ang dahilan ng trahedya sa buhay nina Roger at Belen
• Mang Nestor: Ama ni Belen
• Aling Dolor: Ina ni Belen
• Manuel: Kapatid ni Belen
• Salve: Ususerang kapitbahay nila Belen. Dati daw binihag ng prinsipe ng mga engkanto.Handa na ang magkasintahang sina Roger at Belen na dalhin sa susunod na antas ang kanilang pagsasama. Bago ang simpleng kasal sa huwes, nagpasya ang dalawa na umuwi sa probinsiya ng dalaga upang hingin ang kamay nito sa kaniyang mga magulang. Ayaw na sana ni Belen ngunit mapilit si Roger dahil hindi magandang sumige sila sa kasalanan ng walang pagpapala ng mga magulang ng kaniyang kasintahan.
Walang kamalay-malay si Roger na ang desisyong iyon ang siyang tatapos sa magandang kinabukasang naghihintay para sa kanilang dalawa ni Belen. Isang desisyong maghahatid sa kanilang dalawa hindi sa dambana ng wagas na pagmamahalan, kundi sa kanilang kamatayan..........Scene 1
Sa loob ng ordinaryong bus patungo sa tagung-tagong sitio Paraiso sa Palawan.
Belen: Mahal, hindi naman natin kailangang gawin to. Nasa edad na naman tayo para magpakasal. Bakit ba kailangan mo pa magpaalam sa mga magulang ko? Kita mo? Ang layu-layo ng Sitio Paraiso. Ni walang signal ng cellphone dun samin. Anim na oras pa tayo sa bus na to tapos magbabangka pa tayo. Sobrang abala na to sayo.
Roger: Ano ba'ng abala? Walang abala kung para sa'yo ang mga gagawin ko. Ganyan kita kamahal Belen. Kahit sa pinakadulo pa ng Pilipinas ang lugar niyo, pupuntahan ko para masabi sa mga magulang mo kung gaano ako nagpapasalamat at isinilang nila sa mundong ito ang magiging kabiyak ng puso ko.
Belen: Ang baduy mo ah. Magpapakasal na tayo nambobola ka pa. Walang biro. Pasensiya ka na mahal ah at hindi nagnggaling sa mayamang pamilya ang papakasalan mo. Sinasabi ko sayo, mahirap pa sa daga ang pamilya ko at ang baryong pinanggalingan ko. Baka pag nakita mo magbago pa desisyon mo magpakasal. May oras ka pa.
Roger: Psssst...... Pag ganyan ka pa ng ganyan hahalikan kita dito sa bus. Ma-eskandalo na ang ma e eskandalo. Wala ako pakialam sa pinanggalingan mo. Pasasalamatan ko pa kung saan ka nagmula dahil kundi dahil doon, walang ikaw. Walang tayo. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Mahal kita Belen
Belen: Mahal na mahal din kita Roger (Sabay sandal sa balikat ng kasintahan at pagpikit ng dalaga)Scene 2
Sitio Paraiso. Tipikal na makalumang baryo. Mapuno. Baku-bako ang mga lupang daanan. Ang mga bahay ay hiwa-hiwalay. Mga gawa sa pawid na tahanan.
Manuel: Nandito na sila ate Belen!!!! Inay, itay, dalian ninyo!!!
Aling Dolor: Belen, anak ko!!! (Patakbong susugod sa anak sabay yapos)
Mang Nestor: Aba'y ginabi na kayo sa biyahe. Akin na nga yang mga dala ninyo.
Belen: Itay, Inay! Kamusta ho kayo? Ito nga ho pala si Roger ang mapapangasawa ko.
Mang Nestor: Mamaya na tayo magpakilanlanan. Dumidilim na at lalakad pa tayo paahon sa bahay. Sumakay na kayo diyan sa kalabaw at kami na ni Manuel ang bahala sa inyong mga bagahe.
Aling Dolor: Anak ko, kaytagal mong hindi nauwe dito sa atin. Gumaganda ka yata at kapid mo ang Maynila.
Mang Nestor: Dolor, mamaya na yan sa bahay at dumidilim na. Tayo na.Scene 3
Mula sa kapatagan ay dalawang oras pang maglalakbay ang pamilya nila Belen patungo sa kanilang bahay sa kabundukan ng Sitio Paraiso. Gubat, ilog, burol. Ito ang mga dadaanan ng magkasintahan upang sa muling pagkakataon ay makauwi si Belen sa kanilang tahanan.
(Sa daan patungo kila Belen)
Belen: Mahal, ayos ka lang ba? Hindi ka naman sanay sumakay sa kalabaw.
Roger: Oo naman mahal. Ang cool, cool nga neto. Baryong-baryo. Nakakasawa na ang ingay ng Maynila.
Aling Dolor: (Sa likuran nila Belen habang sakay ng isa pang kalabaw) Naku tahimik talaga ditto sa amin, Roger nga ba?
Belen: Opo inay. Pero Rogelio ang buong pangalan ni Roger. Rogelio Sebastian.
Aling Dolor: May kalayuan nga lamang. Nanghiram pa kami ng mga kalabaw sa kapitbahay upang mapabilis tayo. Huwag kang mag-alala, mga isang oras na lamang at nasa bahay na tayo. Nakapagluto na naman ako't makakapaghapunan tayo agad.
Roger: Nag-abala pa ho kayo Aling Dolor.
Mang Nestor: Ano ba't Aling Dolor, inay na ang itawag mo sa aking asawa. Sa akin naman ay tatay Nestor na. Napakalaking bagay at nauwe kayo dito sa amin para hingin ang kamay ng anak ko. Sa ginawa mong yan pa lamang ay napahanga mo na ako anak.
Roger: Wala pong anuman Itay. Hindi ko po pakakasalan itong si Belen kahit pa ipagpilitan niya ng walang basbas mula sa inyo ng Inay Dolor.
Belen: Hmmmp, salbahe ka ah. Eh di wag mong pakasalan.
Manuel: Ang ate oh nagtampo agad haha.
Magpapatuloy sa paglalakbay ang pamilya. Sa madilim na sitio ay tatahakin nila Roger at Belen ang landas tungo sa kanilang katapusan
Scene 4
Sitio Paraiso. Sa bahay nila Belen
Sa pagdating nila Belen at Roger sa bahay ng dalaga, magugulat ang magkasintahan sa surpresang salu-salong kanilang madaratnan. Naroroon ang mga kapitbahay nila Belen upang salubungin ang kaniyang pagbabalik. Ito na rin ang selebrasyon sa kanilang nakatakdang pag-iisang dibdib.
