PROLOGUE*
"Sen --"
Tinawag siya ni Sharina.
Ngunit hindi sya tumugon. Kahit ang lingunin ito ay hindi niya ginawa.
Ayaw niya kasing makita ang mukha nitong namamaalam. Ayaw niyang iyon ang matira sa kanyang alaala.
"Sen, aalis na kami." Boses na iyon ni Meding. Nagawa na niyang humarap.
Hangal siya, dahil ngayon ay hinahagilap ng mata nya si Sharina ngunit wala na ito. Nakalabas na!
"Sigurado po ba kayo?" Tanong nya.
"Malaki na ang naitulong mo sa amin. Maayos na din ang lagay ni Sharina. Nakakapagtaka lang na madalas siyang magkasugat --"
Hindi na niya pinatapos magsalita ito. Dahil alam na niya kung ano ang tinutukoy nito. "Dahil po iyon sa dugo ni Dureika na nahaluan ng dugo ko. Hindi kinakaya ng ugat nya ang mabilis na pagkilos ng dugo." Paliwanag niya.
"Nagagawan naman ng paraan ng aking mahika ang mga pagkakataong namimilipit siya sa sakit."
"Bakit ba kasi kailangan nyo pang umalis? Maigi ngang nandito kayo, matutulungan ko kayo anumang oras."
"Ayos na kami Sen. Alam kong hindi ka komportable na araw araw mong nakikita si Sharina. Kailangan nating ipagpatuloy ang ating buhay, at ang paglayo namin ay pinakatulong na namin sa iyo."
Napabuntonghininga si Sen. "Patawad --"
"Hindi! Wala kang dapat ihingi ng tawad." Sansala ni Meding.
"Huwag ho kayong mahihiyang bumalik o humingi ng tulong kapag kailangan n'yo."
Tango ang isinagot ni Meding bago siya nito tuluyang talikuran.
Sa bintana sa ikalawang palapag ay lihim na lamang niyang tinanaw ang pag-alis ng dalawa.
Hindi n'ya maipaliwanag ang kahungkagan na namamayani sa kanya sa pag-alis ng dalaga.
Oo nga at kamukha nito ang pinakamamahal niyang si Dureika. Nananalaytay sa ugat nito ang dugo ng kanyang namayapang kabiyak. Pero magkaibang tao pa rin ang dalawa.
Mali ang gustuhin niyang manatili sa poder niya si Sharina, dahil lang sa alaala ni Dureika.
Ramdam niya na pareho silang nahihirapan sa presensya ng isa’t isa.
Siya, dahil sa hindi niya maipaliwanag na pag-aabnormal ng kanyang sistema kapag nasa paligid ito. Halata naman dito na nahihirapan na ito sa hayagang pag-iwas niya.
Kaya tama si Meding.
Ito ang makabubuti sa kanila. Ang ituloy ang buhay nang magkalayo...
ISANG GABI, nag-iikot si Sen nang mahinto siya dahil sa pagbangga niya sa isang mistulang matigas na pader.
Ngunit, walang namang kahit ano sa harapan niya. Tanaw niya ang lalakaran niya.
Sumubok siyang umabante muli. At gaya kanina, may binanggaan ang kanyang katawan.
Kaya gamit ang kamay, dinama ng kanyang palad ang nakaharang sa kanyang harapan.
Nakumpirma niya na isang mahika iyon mula sa isang makapangyarihang salamangkera.
Dahil doon, inihanda niya ang sarili sa posibilidad na mapalaban.
Ngunit, natuklasan niya nakakulong na sya!
Sa isang kulungan na hindi niya nakikita!
Gamit ang lakas, sinubukan niyang warakin ang nakaharang. Subalit, habang ginagawa niya iyon. Sumisikip ang espasyong kinapapalooban niya. Anumang oras ay mapipitpit siya.