1st drip*
Naglalakad si Voltaire sa pasilyo ng ikalawang palapag ng kanyang palasyo. Kumalat na ang dilim kaya't nakahanda na siyang lumibot sa lugar na nakatakda niyang puntahan ngayong gabi.
Nakailang hakbang pa siya nang sumulpot ang matapat niyang alipin.
Si Daor. Isang Eccanto.
Wala itong sariling katawan noon. Inaakala ng mga mortal na isa itong ligaw na kaluluwa. Disturbing kasi ang enerhiya nito na nasasagap ng pandama ng mga mortal. Palagi itong nakabuntot sa kanya sa bawat lakad niya. Nag-aabang kasi ito ng excess prana na nagsisilbing pagkain nito, na nagpapahaba din ng eksitensya nito. Nakukuha niya iyon sa pagha-hunt ng mga halimaw. Pero nang mapahinga siya sa paggagala sa gabi. Naramdaman na lang niya ang paghihingalo ni Daor. Naawa siya dito, kaya nagpasya siyang bigyan ito ng katawan na magkukulong sa mga prana na nakukuha nito.
Sa ganuong paraan, hindi na nito kakailanganing maya't maya kumain. Ideya na ni Daor ang magpaalipin sa kanya. Kung tutuusin ay hindi niya iyon kailangan. Subalit umiral na naman ang pagiging maawin niya.
Malaki din ang naitutulong nito sa kanya. Malakas itong sumagap ng mga impormasyon na kailangan niya.
"Master, sa Marepsorp tayo." Saad nito.
Nangunot ang noo niya. Tumaas ang sulok ng kanyang labi.
"Akala ko ba sa Sutinotda lulusob ang mga Senac?"
"Nagpunta doon ang mga selim ng Covenitee. Natunugan ng mga Senac. Kaya lumipat sila sa kasalungat nitong baryo." Paliwanag ni Daor.
"Umiral nanaman ang kamangmangan ng mga hunghang na iyon! Tara sa Marepsorp."
Naglaho si Voltaire. Hindi siya nagteleport. Hindi niya ginagawa iyon. Mas mabilis lamang siyang kumilos kaysa hangin. Si Daor ay gumawa ng sarili niyang lagusan.
Bilang Eccanto, may kakayahan siyang magbukas ng portal papunta sa dimensiyong nais niyang puntahan. O di kaya ay gamiting shortcut para masabayan ang bilis ng kanyang master!
NAKATAYO sa entrada ng baryo Marepsorp si Volaire.
Bakas sa buong paligid ang kalupitan dinadanas ng mamamayan. Marahan siyang humakbang papasok.
Sinusuri ang kapaligiran.
Wala nang matinong bahay ang matatanaw sa lugar. Mga tagpi-tagpi. May mga tablang basta na lang ipinako upang matakpan lang ang sirang bahagi ng bahay. May mga abandonado na.
Pagsasaka ang ikinabubuhay ng mga taga Marepsorp. Sa limang baryo ng bayan ng Aimal ang Marepsorp ang may pinakamatatabang lupa noon. Katamtaman lang ang mga pag-ulan, sapat para madiligan ang mga pananim.
Pero sa nakikita niyang kondisyon ng Marepsorp ngayon, wala nang nilalang ang mabubuhay pa dito. Ang dating mataba at malambot na lupa nito ay mistulang matagal na panahon nang nakararanas ng tagtuyot. Bitak-bitak. Bawat bagsak ng kanyang talampakan ay nagdudulot ng nakangingilong ingay buhat sa mga natatapakan niyang nagkalat na nagsamasamang buto ng tao at hayop. Hindi aakalain ng sinumang maliligaw sa lugar na may naninirahan pa doon. Kung hindi lang niya nadidinig ang mabibilis na tibok ng mga puso na nasa paligid, ganuon din ang iisipin niya. At ang salarin ay ang mga nilalang na hayok sa laman, dugo at enerhiya.
Ang Senac! Malalaking aso ito. Ang limang pulgadang haba ng balahibo nito ay tila mga karayom, ngunit kasing tulis ng katana. Ito ang nagsisilbing sandata ng mga ito. Ito rin ang ginagamit ng Senac na panghuli sa mga tao lalapain nila. Kasabay ng paghigop ng prana ng mga ito.
"Master..."
Naramdaman niya sa kanyang tabi si Daor.
"Bakit ang tagal mo?!" Bulyaw niya.