“Pare, ito ba yung utol mo?” tanong sa’kin ni Cesar habang masusing pinagmamasdan ang isa sa mga litratong nakapaskil sa pader ng kwarto ko. Si Cesar ay isa sa mga naging pinakamatalik kong kaibigan sa kolehiyo. Napagkasunduan kasi namin na sa bahay magkita bago pumunta ng sabay sa isang school event.
“Oo…” mahina ang naging pagsagot ko pero alam kong sapat na iyon para marinig niya.
“Hawig na hawig mo ah! Ayos! Cool!” sagot niya habang patuloy ang pagkamangha.
“Natural, kapatid nga eh.” mabilis na tugon ko.
“Nasa’n siya ngayon pare?” inosenteng tanong niya.
Pinilit kong huwag seryosohin ang tanong niya. Ginawa ko ang lahat para mag-isip ng ibang bagay pero bigo ako. Kung pwede lang pansamantalang patigilin ang utak, ginawa ko na. Paulit-ulit kong sinubukang paglakbayin ng malayo ang imahinasyon ko pero paulit-ulit din akong ibinabalik nito sa masayang araw na iyon. Isang masayang araw ng Biyernes, apat na taon na ang nakalipas.
******************************************************************************************
Nakilala ng nanay ko ang tatay ko nung minsang nagbakasyon siya sa Baguio kasama ang mga kaibigan. Agad daw na nagkahulugan ang loob nila, naging magkarelasyon, at makalipas ang tatlong taon ay nag-desisyon na silang magpakasal. Dalawa ang naging bunga ng pagmamahalan nila. Si Kuya Benson ang naging panganay, at ako ang naging bunso. Isang taon lang ang agwat ng pagitan ng edad namin ni Kuya Benson pero nalampasan ko siya sa grade level noong ma-accelerate ako ng dalawang taon sa paaralan.
Magkapatid man, napakalaki ng pagkakaiba namin ni Kuya Benson. Ako yung tipong umiiyak kapag hindi nape-perfect ang exam; si Kuya naman ay halos tumambling sa tuwa, makakuha lang ng pasadong iskor. Hindi ko alam kung anong mayroon sa’kin pero desidido akong umahon mula sa kahirapan at alam kong magagawa ko lang iyon kapag nagpursige ako sa pag-aaral; si Kuya naman, laging sinasabi sa akin na hindi ang grado sa iskwela ang magdidikta ng magiging kapalaran ng isang tao. Madalas, umuuwi ako sa bahay na may medalya galing sa mga sinasalihang mga kompetisyon; si Kuya, madalas umuwi na may mga pasa galing sa pakikipag-away. Lagi akong pinupuri ni nanay at tatay habang madalas namang pinapagalitan si Kuya—at kahanga-hangang kahit isang beses ay hindi ko siya narinig na sumagot kina nanay at tatay.
Bihirang bihira kami magkaroon ng pagtatalo ni Kuya dahil kahit madalas na magkaiba ang trip namin, lagi niyang pinipilit na sakyan ang mga kagustuhan ko. Kapag gusto kong manood ng drama, kahit basketbol ang pinapanuod niya, inililipat niya ito sa drama at pilit na pinapasaya nalang ang sarili niya sa drama. Iisa lang ang kwarto namin ni kuya, double deck ang higaan namin, sa taas siya at ako ang sa baba. Hindi ko malilimutan nung minsang maistorbo ko ang malalim na pagtulog niya nang buksan ko ang ilaw sa kwarto dahil nakalimutan kong may proyekto pala akong ipapasa kinabukasan. Sa halip na magalit, nagpresenta siyang tulungan ako para daw matapos na kaagad.
Kilala ako bilang Pangulo ng Student Government habang kilala naman si Kuya Benson bilang siga ng paaralan namin. Naaalala ko pa noong minsan akong pinagtripan ng mga bully sa iskwela, mga kapwa ko third year. Sapilitan nilang kinuha ang buong baon ko at nang nagtangka akong sumigaw ay itinulak-tulak nila ako at pinagsisipa. Sa huli, napilitan din akong ibigay nalang ang lahat ng pera ko. Nasimot ang lahat ng pera ko at dahil nga wala na din akong pamasahe pauwi, sinubukan ko nalang hagilapin si kuya para sumabay. Nakita ko siya na natutulog sa pinakadulong lamesa sa canteen.
BINABASA MO ANG
Para Kay Bunso
ContoKung baliw na baliw ka sa mga pelikulang hindi tinatamaan ng bala ang hindi naman umiilag na bida, hindi para sa'yo ito.