Chapter 1

34 3 0
                                    

Zackary's POV


Isang mahaba pero matining na ingay ang umalingawngaw sa apat na sulok ng aking silid. Habang tumatagal, palakas ito nang palakas hanggang sa kusang gumalaw ang kanang kamay ko paakyat sa kinalalagyan ng lampshade. Nang makapa ko na ang pinanggagalingan nito, binagsakan ko ng hintuturo ang stop button nito.


"Five minutes... Five minutes pa," tinatamad kong sabi sa aking sarili. "Tatayo ako matapos ang limang minuto!"


Hay naku! Ang paggising sa umaga ang pinakamahirap gawin sa lahat para sa akin. Dito kasi nasusubok ang katatagan kong iwanan ang malamig na higaan para ipagpalit lang sa ewan ko ba, siguro ay sa mainit na kape na sasawsawan ng tinapay o 'di kaya'y pagpasok sa nakakabagot na eskwelahan? Teka, naalala ko na... Ngayon ang unang araw ko bilang third year sa isang bagong paaralan...


Napaupo ako sa higaan matapos magising mula sa isang panaginip. "Naka-five minutes na kaya ako?" tanong ko sa aking sarili. Tinignan ko ang alarm clock at nagbigla ako sa aking natungyahan. "FIVE MINUTES NA LANG, FLAG CEREMONY NA!"


Ang lupit naman! Pumunta akong banyo sabay bukas ng shower. Ang lamig! Nagtatatalon ako para maibsan ito. Nang medyo maka-adapt na ang katawan ko, kinuha ko ang sipilyo at kinayod nang mabilisan ang mga ngipin ko.


Matapos magbanlaw, hinatak ko ang tuwalya at ipinahid sa buong katawan ko. Nang mapatuyo ko na ang lahat ng mga parte, kinuha ko na ang mga gamit ko at sa hagdanan na lang nagbihis. Sumaglit din ako sa kusina at kumagat ng tatlong wheat bread.


Ayos! Walang pang three minutes ang nabawas, nakasakay na ako sa aking bike papuntang school! Habang nagmamaneho ang kaliwang kamay ko, ang kanan naman ay nag-aayos ng butones, buhok, bag, at pati na rin kurbata. Siyempre, hindi rin papahuli ang bibig ko sa pagnguya at paglasap ng mga tinapay na walang palaman, hindi ko kasi nalagyan eh.


"Zack!" tawag ng isang mamang nagtitinda. "Daan ka dito pag-uwi mo, may libre kang gulay sa akin!"


Isa namang ginang ang muling tumawag sa aking pansin habang ito ay walang tigil sa pagkaway. "...Dito rin, kunin mo mamaya ang mga karneng ito!"


"Sige ho!"


Okay talaga, kahit medyo late na 'ko, marami pa ring mabuting nangyayari sa akin. Mabalik tayo sa usapang eskwelahan, gaya nga ng mga inilahad ko kanina, isa akong transferee student kaya hindi ko pa alam kung anong klaseng environment ang naghihintay sa akin. Naku, tiyak na magpapakilala na naman kami! Ano kaya ang mga gagamitin kong salita? Ganito kaya: Hello teacher, hello classmates, my name is Zackary Rodriguez. Nice to meet you! Ang pangit, masyadong formal! Ito kaya: Hello sa inyo, ako nga pala si Zackary Rodriguez, pero 'Zack' na lang ang itawag niyo sa akin dahil tropa naman tayong lahat eh. Siya nga pala, ito ang number at e-mail ad ko... Ayoko naman nun, masyadong friendly! Ito na lang: Good morning! I'm Zakit!


Ang sakit... sobra! Ano bang nangyari sa akin? Bakit ako nakatingin sa kalangitan?! 'Di ba, nagba-bike ako... Dapat sa kalsada lang? Aray!


Iginala ko ang aking paningin at nakita kong umiikot pa rin ang unahang gulong ng bike ko. Sa puntong iyon, napag-isip-isip ko na nakatulog pala ako habang nagmamaneho sa isang mahaba, pababa pero matuwid na daanan. Nakakainis! Sumemplang ako dahil sa aking kalokohan! Puyat na puyat kasi ako eh!


Mabilis akong tumayo at pinagpag ang mga kumapit na dumi sa aking white uniform. "Yari ako kay ama nito! Nasira ko ang bike na ibinigay niya!"


"...At talagang bike pa ang inaalala mo!!"


Isang boses ng babae ang aking nadinig sa bandang likuran. Bumaling ako sa pinanggagalingan ito at isang madungis na dalaga at mga nakakalat na libro ang tumambad sa akin. Naku! Nasagasaan ko yata siya! Anong gagawin ko?!


"M-Miss, ayos ka lang?"


"Mukha ba 'kong ayos matapos mo 'kong banggain ng bike mo?!"


Lagot talaga ako nito! Mukhang ayaw niyang magpaareglo. "Ah... Eh... Sorry na... Babayaran ko na lang ang mga nasira ko—"


Hindi ko namalayan na may kung anong dumampi sa pisngi ko. Ang bilis ng pangyayari, nagsasalita lang ako at bam! Ano 'yun? Natameme ako eh! Ilang sandali pa'y nanakit na ito. Parang tinutusok ng mga lamok, kaso libu-libo ang bilang nila at may sinusundang korte.


"Huwag na dahil bayad ka na!!!" nagngingitngit na sigaw nito.


Anong nangyari sa kanya? Bakit siya nagagalit sa akin? Teka, sampal ba ang ginawa niya? Kaya pala korteng kamay ang nararamdaman ko!


Pinulot ko ang lahat ng mga nakakalat na libro at iniabot sa kanya nang maayos. "Pasensiya na, inaatok kasi ako kaya nabangga kita. Kung sakaling magpapagamot ka, ako ang sasagot sa lahat ng gagastusin mo. Paumanhin ulit..." Itinayo ko ang bike at lumisan nang tahimik.

Helping Hand ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon