After three months....
"Lumayas kayo! Mga walang kwentang magkapatid kayo! Malas kayo sa buhay ko! Lumayas kayo dito!"
Kasabay ng pagtulak saming magkapatid palabas ng bahay ay ang pagsaboy samin ng mga damit naming dalawa. Nagkalat ang mga 'to sa paligid. Pinagtitinginan na rin kami ng mga kapitbahay dahil sa nangyayaring komosyon ngunit wala akong pakialam d'on. Ang tanging alam ko lang ay hindi kami pwedeng mapaalis sa bahay.
"Inang Alma, baka pwedeng pag-usapan muna natin 'to. Ako na ang hihingi ng tawad sa nagawa ni Bebe Elle. Hindi niya 'yon sinasadya. Pasensya na talaga. 'Wag niyo na kaming palayasin. Maawa kayo samin." pagmamakaawa ko sa ina-inahan namin na noon ay nakapameywang pa habang dilat na dilat ang mata at nanlilisik na nakatingin dala ng sobrang galit. Nasa tabi nito ang anak niya na si Alyanna,kasing-edad ko, na nakataas pa ang kilay samin na para bang nangungutya at tuwang-tuwa pa sa nangyayaring pagpapalayas saming magkapatid.Ang walanghiya.
"Patawarin? Pagkatapos lagyan ng zonrox ng magaling mong kapatid ang lagayan ng eskinol ko gusto mong patawarin ko ang tiyanak mong kapatid? Pagkatapos sirain ng batang 'yan ang maganda kong mukha gusto mong patirahin ko pa kayo dito? Ang kapal ng mukha niyong magkapatid!" sigaw ng mangkukulam. Tiningnan ko ang bahaging nasunog na mukha niya dahil sa nangyari. Tss.. Hindi ko lang masabi na dati pa lang ay sira na talaga mukha niya. Ewan ko ba kung anong nakita ni itang sa babaeng 'yan at kung bakit pinakasalan.
"Ako tiyanak? Ate tinawag akong tiyanak ni mangkukul----"
Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin sana ni Bebe Elle dahil mabilis ko nang tinakpan ang bibig niya. Hindi kami pwedeng mapalayas. Wala na kaming matitirhan kapag pinaalis pa kami dito. Kaya naman pinagpatuloy ko ang pagmamakaawa ko.
"Inang Alma! Maawa na kayo samin. Pangako, mag-iipon ako ng maraming pera para mapaayos 'yang mukha niyo. Inang 'wag niyo na kaming paalisin. Nagmamakaawa ako inang, 'wag niyo----"
"Wag mo akong tawaging inang dahil hindi kita anak! Hindi ko kayo anak!" muling sigaw nito na hindi man lang kakakitaan ng pagsisisi sa sinabi.
Oo, totoo ang sinabi niya. Hindi niya kami anak at hindi siya ang tunay na ina namin. Siya ang madrasta namin na pinakasalan ni itang ilang taon pagkatapos mamatay ng totoo naming inang. Hindi naman ganyan ang ugali niya noong nandito pa si itang, ang bait-bait kaya niyan samin ni Bebe Elle noon. At nagbago lang noong mamatay si itang tatlong taon na ang nakakalipas. Lagi na niya kaming sinisigawan at pinapagalitan. Lalo pang lumabas ang sungay niya nang umuwi kami ditong magkapatid galing Maynila pagkatapos naming maghiwalay ni Yael. Bakit? Kasi wala nang magpapadala sa kanila ng pera buwan-buwan. Alam ko namang pineperahan nila si Yael noon pa man. Ako nga ang nahihiya, iyon siguro ang isang dahilan kung bakit nakipaghiwalay siya sakin.
"Bakit pa ba kasi kayo bumalik dito sa bahay namin? Minamalas tuloy kami ni inang. Sabagay, 'yan talaga ang napapala ng mga ambisyosang mataas kung mangarap. Akala mo ba seseryosohin ka ng katulad ni Yael? Asa ka naman. Patay na kuko ka lang ng mga naging girlfriend niya. Wala kang binatbat. Siguro nakuha na niya ang lahat ng gusto niyang makuha sayo kaya ka na niya iniwan ano? Nakakahiya." sabat ni Alyana na halatang minamaliit ako at sinasadya niyang ipahiya ako sa mga kapit-bahay. Pero uulitin ko, wala naman akong pakialam sa iisipin o sasabihin ng iba. Ang mahalaga lang sakin ay ang dignidad ko. Hindi ako katulad ng iniisip nila. Hindi ako mababang babae.
BINABASA MO ANG
Help Him Get Over Her
Hài hướcPosible nga bang maturuan at pahilumin ng isang pusong nasugatan ang puso ng iba gayung kung ang sarili niya ay hindi niya magawang tulungan? O sasabay na lang siya sa agos ng kapalaran ‘san man siya dalhin nito.