06 - SI MISS REYES

127 32 18
                                    


Si Miss Reyes ang pangunahing tumulong kay Dina nang isalin sa kanya ang buong karapatan sa kompanya. Inalalayan niya ito sa mga pasikut-sikot ng transaksyon at pamamalakad. Deyalyado ang bawat pagtuturo niya dahil ayaw niyang mabigo ito sa dalagang dalawampung taon lamang na hahawak ng isang kompanya na walang karanasan. Tinanggap ni Dina ang lahat ng payo ni Miss Reyes sa pagpapatakbo ng kompanya at maging sa ilang personal na bagay. Nalugod si Dina sa lahat ng mabubuting ipinakita niya. Pinagkatiwalaan siya.

           Ngunit ngayon, ngayong umaga, tila nais magtaka ni Miss Reyes kung bakit ipinatawag siya ni Dina sa opisina nito. Bilang sekretarya, kung mayroong ipasusulat na liham si Dina sa kanya ay ginagawa nila ito pagkapananghali. Tumatawag naman si Dina sa kanyang intercom kung may anomang kailangan. O kaya ay pupuntahan siya ni Dina sa opisina niya dahil dingding lang ang pagitan nila. Wala siyang maisip na dahilan maliban sa kanyang pagreretiro sa trabaho.

          Marahil ay pumayag na si Dina sa kanyang pagreretiro, sa isip niya. Bago dumating ang kasal nila ng Tommy na 'yun. Hindi pa kasi sumasagot 'tong pamangkin ko na nasa Senturya. Kung bakit sa bayan pa ng Sentuya gusting magtrabaho, e pwede naman sa Maynila. Kailangan kong malaman kung sino ba talaga ang pakakasalan ni Dina. At saka sino ba 'tong pumapapel na Cariza. Dating mabait pero ngayon . . .

          Pagdating ni Miss Reyes sa opisina ni Dina ay ipinaupo siya, hindi sa silyang kahar ng mesa niya, kundi sa sopa na isang dipa lamang mula sa silya sa mesa. Umupo rin si Dina sa isa pang sopa na katapat ng matandang babae.

          "Ate, may itatanong sana ako sa iyo," panimula ni Dina. Ate ang tawag niya rito bilang pagrespeto bagaman di hamak na matanda ito sa kanya na katulad ng isang ina.

          "Ano 'yun, Dina?" Dina naman ang tawag niya rito kung walang makakarinig na ibang kapwa empleyado maliban kay Cariza.

          "Mayroong nakitang cash sa drawer mo," sabi ni Dina. Alam ni Miss Reyes na hindi sila nagpapaligoy sa kanilang mga pag-uusap.

          "Pera? Imposible," sagot ni Miss Reyes. Nagtataka sa pagtatanong ni Dina. "Petty cash lang ang hinahawakan ko. Nakalagay 'yun sa isang metal box at ipinapasok ko sa kaha de yero kung hindi ko kailangan ito." At saka lahat ng drawer ko sa mesa ko ay naka-lock lahat. Pa'nong malalamang may pera sa drawer malibang may kopyang susi o puwersahing tungkabin ito, nais pa sanang iduktong ni Miss Reyes ngunit wala siyang lakas ng loob sa oras na ito.

          "Alam kong petty cash na hawak mo, at ikaw lang ang may susi ng box. Pero, kanino yung cash?"

          "Ewan ko. Baka may nakaiwan doon." O baka may nagsadyang ilagay sa drawer, nais pa rin sana niyang iduktong.

          "Ate, kung kailangan mo ng pera pwede naman kitang pahiramin. Alam kong mayroon ka pang isang huling pinag-aaral na apo. Pero hindi dapat . . . "

          "Wala talaga sa listahan, Dina," putol ni Cariza sa pagkabukas ng pinto. Kanina'y inutusan ni Dina si Cariza na hanapin sa data base ang listahan kung saan nakatalaga ang cash. Pumasok siya at umupo rin sa sopa, katabi ni Miss Reyes ngunit hindi malapit.

          "Hindi ko alam kung saan galing yun, Dina. Baka nga may nakaiwan doon," ani Miss Reyes.

          "Kung may nakaiwan dapat sa ibabaw ng lamesa maiiwan, hindi sa drawer mo," si Cariza ang sumagot. "At sa loob pa ng drawer mo mismo."

          "Maniwala ka sa akin, Dina. Hindi ko alam kung bakit nasa drawer ko yung pera. Hindi ko pwedeng gawin sa 'yo 'yun. Kilala mo ako," aniya. Naglilingid na sa luha ang mga mata. May bikig na rin sa lalamunan.

          "Ang sabihin mo kailangan mo yung pera kasi pangpiyansa sa apo mong bulakbol sa pag-aaral," sabat uli ni Cariza.

          "Ano!. Hindi ganoon ang nangyari. Idinawit lang siya ng mga kaibigan niya." Natigilan si Miss Reyes, tiningnan si Cariza. "Bakit may alam ka tungkol sa apo ko?"

          "Hay, naku. Iyan ang usap-usapan sa kusina tuwing umaga," sagot niya. "At saka may nakuhang shabu sa bag ng apo mo, di ba?"

          "Hindi. Hindi totoo yan!" Bumalik ang tingin kay Dina. "Dina, maniwala ka sa akin. Hindi ko alam ang tungkol sa perang nakita sa drawer ko," sagot niya. Pumatak ang isang luha.

          "Cariza, kakausapin ko muna si Ate," sabi ni Dina.

          Tumayo sa Cariza at paismid na sinabi kay Miss Reyes, "Anong hindi totoo? Ang sabihin mo baka matagal mo ng ginagawa 'yan. Sinasamantala mo ang kabaitan ni Dina sa 'yo. At kung ako sa iyo, mag-early retirement ka na lang para magkapera ka na! Para hindi ka na magnakaw." At tuluyang lumabas ng opisina ni Cariza. Umismid pang muli.

          Humagulgol na si Miss Reyes. Sinalo ng dalawang palad ang kanyang mukha.

          "Ate, please." Ang tanging nasabi ni Dina sa kanya ng mga oras na iyon.


          Kinabukasan ay hindi na pumasok si Miss Reyes. Tinawagan ni Dina sa telepono ngunit ayaw makipag-usap sa kanya. Nang nasa bahay na si Dina ay sinubukan muling tawagan at sa pagkakataong ito ay nakipag-usap na sa kanya. Early retirement ang ipinadala sa email niya at ang mga gamit ay ipakukuha na lang sa kanyang pamangkin bukas ng umagang-umaga, ang sinabi sa kanya ni Miss Reyes. Sinabi naman ni Dina na huwag mag-alala at paiimbistigahan niya ang nangyaring ito.

          "Hindi na kailangan dahil matanda na rin ako para magtrabaho pa," katwiran niya.

          "Ipapadala ko sa pamangkin mo ang tseke," sabi ni Dina.

          "Huwag na lang. Hindi ako interesado sa pera mo," sagot naman niya. "Ang ipinagdaramdam ko ay itinuring kitang parang tunay na anak at hindi gagawin ng isang ina ang pagnakawan ang isang matino at mabait na anak," sagot ng matanda. "Isa lang ipinakikiusap ko sa iyo gaya ng sinasabi ko sa 'yo dati pa. Mag-ingat ka sa magkapatid na 'yan. Lalo na kay Cariza. Sila ang dapat mong paimbistigahan." Ibinaba ang telepono.


          Pagkababa ni Dina ng telepono ay nakaramdam siya ng kaba. Hindi niya maipaliwanag sa sarili anuman ito. Ang kaba na ito ay nadadalas niyang maramdaman sa tuwing kausap si Miss Reyes. Ang pinakamalakas na kaba ay ngayon at kaninang umaga nang magkausap sila sa opsina.


          Nang ibaba ni Miss Reyes ang telepono ay napasandal siya sa ulunan ng kama. Nakahanda na sa siyang matulog nang pagbigyang sagutin ang tawag ni Dina. "Kung alam mo lang sana, Dina," sabi sa sarili. Ayaw kong mabigo sa pangako ko sa tatay mo, sa isip niya. Ako ang naghanda lahat ng kakailanganin ninyo ni Emilio bago mamatay ang tatay mo. Sinubaybayan ko ang paglaki mo. Hindi ako nag-asawa dahil sa 'yo. Isa lang ang minahal ko nang totoo. 'Yun ang tatay mo. At ikaw ang bunga ng pagmamahalan namin. Kinuha ka niya sa akin dahil hindi sila mabiyayaan ng kinikilala mong nanay. Mahal kita, Dina, kung alam mo lang sana. Mahal na mahal kita, anak ko.

           At saka umiyak si Miss Reyes. Pagtangis ng kabiguang aminin ang totoo sa sariling anak bago man lamang siya bawian ng buhay ng Maykapal.

          At namatay nga siya. Subalit hindi dala ng katandaan, kundi ng bala


LIMBONGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon