SA GITNA ng kadiliman ng gabi, hindi magkandaugaga ang mga paa ni Pablo sa pagtakbo. Ngunit kagyat siyang natigilan nang marinig ang pamilyar na pito. Latang-lata man ang katawan sa pag-akyat sa mataas na pader ng pinanggalingan niya ay mabilis siyang tumungo papasok sa isang masikip na eskinita. At kahit sobrang lakas ng buhos ng ulan ay ramdam niya pa ring pinagpapawisan siya dulot ng pagod at kaba.
Hindi maaaring magpahuli siya. Hindi maaaring pakawalan pa ang pagkakataong ito. Hindi maaari... dahil may naghihintay sa kanya.
Ilang pasikot-sikot muna ang dinaanan niya. Mabuti na lamang at nakatulong ang malakas na buhos ng ulan at kadiliman ng langit sa ginagawa niyang pagtakas. Hindi siya agad-agad matutunton ng awtoridad.
Habol-habol niya ang bawat paghinga nang lingunin niya ang pinanggalingang eskinita at laking tuwa nang mapansing wala nang sumusunod sa kanya. Wala na rin ang tunog ng pito at busina ng mga sasakyan ng mga pulis. Unti-unti niyang nabawi ang paghinga ngunit napakunot ang noo nang makita ang dumudugong hinliliit sa kaliwang paa. Marahil ay hindi niya na naramdamang napwersa at nabali ito dahil sa kagustuhang makatakas na mula sa impyernong lugar na iyon.
Ilang saglit muna ang lumipas bago niya naramdaman ang sakit na dulot ng pagkakabali ng hinliliit. Magkagayunman ay hindi iyon naging dahilan para sumilay ang isang ngiti sa mga labing nangingitim. Isang ngiti ng tagumpay. Malaya na siya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman, ilang sandali pa'y lumuluha na siya. Iyon na nga siguro ang madudulot ng isa't kalahating taong pagkakakulong at pagdurusa sa kasalanang hindi niya naman nagawa.
Nang mahimasmasan ay nagsimula na siyang maglakad. Walang pagsidlan ng tuwa ang puso niya, ultimong mga mata ay nakangiti pa. At nang marating ang isang dampa matapos daanan ang makikipot na eskinita ay mas lalong lumawak ang ngiti niya. Hindi na siya makapaghintay, sabik na sabik na siyang makita ang pakay niya.
At hindi naman siya binigo dahil matapos ang ilang katok sa pintuang tinutupok na ng anay ay bumungad ang kanyang singkwenta y otso anyos na ina habang karga-karga ang isang sanggol na umiiyak. Hindi na nagawa ni Pablo na magmano dahil nakuha na ng bata ang buong atensyon niya. Maluha-luha niyang hinawakan ang matambok na pisngi ng sanggol ngunit isang malakas na sampal naman ang tinanggap niya mula sa ina.
"Walang hiya ka, tumakas-takas ka pa! Umalis ka nga rito at madamay pa kami ni Beybi!" balot ng galit na turan ng matanda.
Nang idako ni Pablo ang tingin sa ina ay nanlumo siya nang makitang hindi man lang ito natutuwang nakauwi na siya. Napansin niya na mas dumami ang puting buhok ng ina. Ayaw niya mang isipin ay kaagad pumasok sa isip niya na masyado itong nangungunsumi kaya namuti na ang buhok nito.
Ngunit nang marinig niya ang muling pag-iyak ng bata ay kaagad niyang kinuha ang bata at hinele, pilit na pinapatahan kahit pa mas lalo lang itong pumalahaw. Magsisimula na sana siya sa pagkanta ng kung anong uyayi nang makita niya ang mata ng bata. Ganitong-ganito ang mga mata ng ina ng anak niya. At sa hindi malaman-lamang dahilan ay tumulo kaagad ang mga luha habang inaalala ang babaeng kailanma'y hinding-hindi niya makalilimutan. Ilang taon na rin ang nakalilipas ngunit sariwang-sariwa pa rin ang lahat na para bang nangyari lang ang lahat kahapon.
***
"Buntis ako. Mali ito, mali..."
Umiiyak na yumakap sa kanya si Lea. Matapos ang kanilang pagniniig ay iyon ang salitang namutawi sa bibig ng mahal niya. Hindi maintindihan ni Pablo kung ano ba ang ikinamali ng ginawa nila. Mahal nila ang isa't isa. Kailangan bang pati sa pagmamahal ay may susunding batas?
"Bata pa tayo. Hindi pa natin kayang ipaglaban ang nararamdaman natin. Hindi pa natin kayang buhayin ang bata sa tiyan ko. Makinig ka naman sa 'kin. Itigil na natin 'to, hangga't kaya pa natin," dagdag pa nito.