Entry 1: Mama's Tears

362 10 27
                                    


"Aaahhhh! Get lost! Just leave me alone!"

"Huwag mo akong sinisigawan ng ganyan, ina mo pa rin ako! Pinag-aaral kita para magkaroon ka ng magandang kinabukasan pero puro barkada ang inaatupag mo. Kababae mong tao, nakikipag-inuman ka sa mga lalaki. Umamin ka nga, nagda-drugs ka ba? Hindi ka na nahiya!"

"Hiya? Ano bang alam mo diyan? Ako, ako iyong totoong nakakaramdam ng sobra-sobrang kahihiyan dito!"

"Ano? Kinakahiya mo ako dahil ginagawa akong parausan ng kung sinu-sinong lalaki diyan? Sa tingin mo gusto ko ito? Isisi mo lahat sa walang hiya mong ama. Kung hindi niya tayo iniwan, hindi naman tayo magkakaganito. Ang totoo, tuwing nakikita ko iyang pagmumukha mo, iyong Tatay mong hinayupak ang naaalala ko. Kung gugustuhin ko naman, kayang-kaya kitang iwan eh pero hindi ko ginagawa dahil mahal kita! Kaya tinitiis ko iyang trato mo sa akin, lahat ng paghihirap ko sa bahay na ito at lahat ng sinasabi ng ibang tao para lang sa'yo!"

"Hindi ko kailangan ang mga paliwanag mo! I said, get lost!" sigaw ni Martha sabay lagapak ng pinto.

Inundayan naman ni Marita ng katok ang pinto ng kuwarto ng anak.

"Buksan mo ito! Huwag mo akong tatalikuran kapag kinakausap kita! Harapin mo ako! Hayup ka, wala kang utang na loob!"

"Ano na naman bang pinagbabangayan ninyong mag-ina?" tanong nang kadarating lang na si Carmela.

"Kasi iyang batang iyan, mas gusto niya pa yatang mapariwara ang buhay niya."

"Diyos ko naman Martha! Magtino ka namang bata ka. Nalaspag na iyang nanay mo para lang makapag-aral ka at makatira ka sa ganitong maayos na bahay tapos ganyan ka pa. Isa pa, nanay mo pa rin iyan. Konting respeto naman. Kahit sana utang na loob man lang. Swerte mo't mahal ka nitong nanay mo kung hindi baka sanggol ka pa lang, inuod ka na sa basurahan."

"Hayaan mo na iyan. Halika na, mahuhuli na tayo," awat ni Marita.

Mga yabag na lamang sa hagdan ang sumunod na naulinigan ni Martha mula sa kanyang kuwarto. Tila ba hindi man lamang niya naunawaan ang mga sinasabi nila. Naging matigas ang kanyang puso. Ni walang luhang pumatak. Tila ba wala lang narinig.

Kinalakhan na ni Martha ang trabaho ng kanyang ina. Trabahong hindi niya masikmura at labis niyang ikinakahiya. Kung sinu-sinong lalaki ang naghahatid dito gabi-gabi na kadalasan ay mga matatandang mayaman. Tuwing lalabas siya ng bahay ay sari-saring bersyon ng tsismis ang naririnig niya. Naging tampulan siya ng tukso ng kanyang mga kamag-aral. Pati ang kanyang mga kaibigan ay nilayuan siya dahil ayaw sa kanya ng mga magulang nito.

Ilang taon niyang tiniis ang kanyang mahirap na sitwasyon sa mapanghusgang mundo. Sa mundong tila hindi lubos na maunawaan ang ganoong sitwasyon. Kaya nang makilala niya si Jed na minahal at tinanggap siya, ayaw niya na itong bitiwan pa.

Alas tres na ng umaga nang dumating si Marita buhat sa bahay-aliwang pinagtatrabahuhan. Iika-ika at masakit ang katawan sa labis na kapaguran. Halos hindi mapatid ang sunud-sunod na hikab dahil sa matinding antok na pilit pa ring nilalabanan. Dumiretso siya sa kuwarto ni Martha. Kinumutan niya ito at hinalikan sa noo. Kasabay noon ang pagpatak ng kanyang luha na kanina pa nagpapasakit sa kanyang lalamunan dahil sa pagpipigil kahit na kanina pa ito ibig kumawala sa kanyang mga mata.

"Alam kong marami akong pagkakamali sa'yo. Hindi ko rin ito ginusto. Hindi nga siguro kita nahubog ng tama. Hindi magandang kapaligiran ang kinalakhan mo sa piling ko. Nasaksihan mo ang maling direksyong tinahak ko. Lantaran mong namamalas kong gaano ako karuming babae. Mahal na mahal kita anak. May oras pa upang ibahin ang direksyong tinatahak mo. Huwag kang sumunod sa mga yapak ko."

Napatakip siya ng bibig. Pilit iniimpit ang kanyang mga hikbi. Dali-dali siyang lumabas. Kasabay ng pagpinid ng pinto ay ang pagmulat ng mga mata ni Martha na lumuha ng hindi niya kagustuhan.

Humagulhol ng iyak si Marita sa kanyang kuwarto. Walang tigil na sinisisi ang kanyang sarili.

"Mama, sana nakinig ako sa'yo noon. Ngayon ay pinaparamdam na rin sa'kin ang mga sakit na ipinaramdam ko sa'yo noon," nasabi niya sa gitna ng kanyang mga hikbi. "Diyos ko, tulungan mo po ako. Naging mapusok ako sa pag-ibig sa murang edad. Sumama sa isang lalaking iniwanan din ako. Dinala ko siya sa aking sinapupunan na puno ng pagmamahal. Ginusto kong maging isang mabuting ina pero nabigo ako."

Napasok siya sa ganoong uri ng trabaho dahil walang tumatanggap sa kanya dahil sa ilang kaso ng kanyang pagnanakaw. Isang gabi ay napadaan siya sa isang bahay-aliwan. Nagdalawang isip pa siya pero agad rumehistro sa kanyang pandinig ang iyak ng sanggol na si Martha. Wala siyang ibang mapagpipilian kung hindi ay kagatin ang oportunidad na iyon para lang maibili ng gatas ang anak.

Tiniis niya lahat. Ang bawat halik ng kung sinu-sinong lalaki at ang hindi niya lubos na masikmura na ginagawang kababuyan sa kanyang katawan.

Nakatulugan niya ang pag-iyak, Ginising siya ng tilaok ng tandang. Kasabay ang balita buhat sa anak na siya ay nagdadalang-tao sa edad na labing walo. Nagkasagutan sila, nagkasumbatan na nauwi sa pagpapalayas niya kay Martha. Ginawa niya iyon kahit masakit upang matuto ang anak sa kanyang mga pagkakamali.

Makalipas ng ilang buwan ay biglaang dumating ang kanyang ina. Inaalok siyang muling bumalik sa buhay nila at magsimulang muli. Hindi niya mahanap si Martha kung kaya't wala na siya nang bumalik ito. Subalit isang araw habang lulan sila ng mamahaling sasakyan ng kanyang ina ay nadaanan nila si Martha. Mugto ang mga mata, marungis, magulo ang buhok habang karga-karga ang kanyang bagong silang na anak. Nadurog ang kanyang puso kaya hinintuan nila ito upang tulungan.

Napamulagat si Martha sa nakita at agad tumakbo palapit sa kanyang ina. Umiiyak. Humihingi ng kapatawaran. Iniwan siya ni Jed at ngayo'y hindi malaman kung anong gagawin upang buhayin ang kanyang anak. Naghari ang pagmamahal ng isang ina. Isinama nila ito at tinulungang magsimula ng panibagong buhay.

Laking pasasalamat nina Martha at Marita na sa kabila ng kanilang mga pagkakamali ay nakatanggap sila ng kapatawaran at panibagong simula. Panibagong buhay sa direksyong matuwid.



AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon